• Gatas ng Ina: Perpektong Pagkain para kay Baby

    Breastfeeding counselor Velvet Escario Roxas narrates -- in our mother tongue -- how she overcame the challenges of breastfeeding.
  • breastfeeding mom

    Dalawang anak.  Pitong taon.  'Yan ang kwento ng aking paglalakbay sa pagpapasuso.
     
    Ngunit ibang-iba ang aking kwento mahigit labing-isang taon na ang nakakaraan. Masakit man sa aking damdamin, ito ang nagtutulak sa akin na tulungan ang ibang mga Nanay na nararanasan ang paghihirap na pinagdaanan ko.

    Anim na buwang buntis ako nang, bilang paghahanda sa aking panganganak, ay sumali ako sa isang Childbirthing Class. Nakatulong ito nang malaki sa akin dahil matagumpay kong iniluwal ang aking panganay sa pamamagitan ng Lamaze birth. Isa sa mga paksa sa Childbirthing Class na iyon ay ang ‘breastfeeding’ at dahil interesado ako dito, dumalo pa ako sa isang Breastfeeding Class. Doon ay nalaman ko na hindi lamang ang sanggol ang nakikinabang sa pagpapasuso dahil natutulungan din nito si Mommy na manumbalik ang timbang ng katawan. Nakakatulong din ito sa kapaligiran dahil walang waste material o naiipong basura kapag ang Mommy ay nagpapasuso.
     
    Marami akong ginawang paghahanda para dito, kagaya ng pagbabasa at pagsasaliksik.  Ngunit hindi ko lubos akalain na bilang Ina, ang mismong karapatan ko na magpasuso sa aking sanggol ay kailangan ko pang ipaglaban.

    Hinding-hindi ko malilimutan nang sabihan ako ng pediatrician ko isang araw matapos akong magsilang na wala daw akong gatas. Binigyan niya ako ng reseta para sa formula milk kalakip ang paraan ng pagtitimpla nito. Nang dumating ang isa pang doktor, kinausap niya ang aking asawa at sinabihang bumili ng nipple shields para sa sugat ko sa utong. Hindi man lamang nila sinuri kung tama ang hakab (latch) ni baby o tinuruan man lang ako sa iba’t-ibang posisyon sa pagpapasuso. Pero paano nga naman nila ako matutulungan kung sila mismo ay hindi nagpasuso sa kanilang mga anak. Ang dalawang karanasan kong ito ang dahilan kung bakit nagsimula akong mag-mixed feeding. Ang sistema na dapat sana ay nagbigay sa akin ng proteksyon ay siya ring sistema na nagpahina ng aking loob.
     
    Tatlong linggo ang lumipas at ako ay nag-mixed feeding pa din. Sinikap kong hanapan ng sagot ang aking problema, dahil bukod sa napakamahal ng gatas sa lata ay napapagod din akong magtimpla lalo na sa madaling araw. Sa aking pananaliksik, nalaman ko na ang gatas na mula sa lata ay delikado sa kontaminasyon ng mga nakalalasong kemikal at mga mikrobyo. Hindi ito kagaya ng gawa ng Diyos na perpekto at malinis. Sa aking paghahanap, may nakausap akong isang Nanay na nagpalakas ng aking loob na magpasuso.
     
    Unti-unti kong tinanggal ang formula milk at dinalasan ko ang pagpasuso dahil natutulungan nitong lumakas ang daloy ng gatas. Nagsimula ako sa 8 oz na formula milk bawat araw, at binawasan ko ito hanggang naging 2 oz na lang. Sa isipan nagsisimula ang pagawaan ng gatas ng ina kaya parati kong sinasabi sa sarili ko na ‘may gatas ako, may gatas ako, may gatas ako’.
     
    Tatlong araw muna ang dumaan bago ako nagtagumpay sa eksklusibong pagpapasuso.  Simula sa araw na iyon ay hindi na ako nagbigay ng formula milk, tubig at bitamina.  Kay laking ginhawa sa bulsa nito, at dahil dyan ay nakakatulog na ako ng mahimbing at matiwasay.  Napakahalaga sa akin bilang ina ang araw na iyon dahil ang buong mundo ay nagdiwang ng ‘Mother’s Day’ at 'yun ang unang araw ko sa eksklusibong pagpapasuso. Iyon ay biyaya ng Diyos sa akin; ang aking panalangin ay natupad rin.
     
    Naging maganda man sa simula, hindi ko rin naiwasan ang iba’t ibang mga suliranin sa pagpapasuso. Sa loob ng pitong taon, nadaanan ko na yata ang lahat ng problema tulad ng pagsusugat, pamamaga, baradong daluyan ng gatas, mastitis, fungal infection at iba pa. Mahirap man pero nalampasan ko rin ang mga ito dahil sa bawat problema ay may katapat at karapat-dapat na solusyon.
     
    Sa naging karanasan kong ito, ako ay lubos na natuto at naging mas epektibo sa paggagabay sa mga Nanay. Mapait man ang aking pinagdaanan, naniniwala akong ito ay paraan ng Diyos upang ako ay higit na makatulong sa iba.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Velvet Escario-Roxas is a breastfeeding expert and a US-trained birth doula. She is an international resource person and has trained more than 4,000 breastfeeding peer counselors in more than 20 cities in the Philippines. Her breastfeeding expertise includes troubleshooting breastfeeding problems, induced lactation, relactation and counseling moms with preemies and sick babies.

View More Stories About
View more articles