embed embed2

Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
Bakit Pinipili ng Karamihan ang Althea Contraceptive Pills
PHOTO BY @mraoraor/iStock
  • Isa sa mga pinaka-epektibong paraan para hindi mabuntis ang isang babae ay ang pag-inom ng contraceptive pills. Ang Althea ay isang sikat na brand ng “combination pills,” na ang ibig sabihin ay naglalaman ito ng dalawang klase ng hormones: estrogen at progestin. Pinipigilan ng mga hormones na ito ang ovaries na maglabas ng egg. Pinakakapal ng mga ito ang cervical mucus para hindi maka-survive ang sperm, habang pinaninipis naman ang lining ng uterus para hindi maka-implant ang embryo.

    Nakakatulong din ang pills sa mga babaeng may problema sa reproductive system tulad ng polycystic ovary syndrome (PCOS) at endometriosis. Gayunpaman, hindi proteksyon ang pills laban sa sexually-transmitted diseases gaya ng HIV/AIDS. 

    Para saan ang Althea

    Pare-pareho ang active ingredient ng Althea at iba pang mga sikat na contraceptive pill brand gaya ng Diane 35, Dinac 35, Elestra, Elyn, Frualine, Ginetta, Ancea, at MyPill. Lahat ito ay naglalaman ng Cyproterone acetate, na isang synthetic anti-androgen na galing sa progesterone, at Ethinylestradiol, na isang artificial form ng estrogen.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang Althea ay naglalaman ng anti-androgen kaya minsan ay ibinibigay ito ng mga doktor sa mga babae para gamutin ang matinding acne. Inirereseta rin ito para gamutin ang hirsutism, isang kondisyon kung saan tinutubuan ang babae ng makapal na buhok sa katawan gaya ng sa lalaki: sa mukha, dibdib, at likod.

    Ang Althea ay naka-formulate din para ma-regulate ang menstrual cycle ng babae. Marami ang umiinom nito para gamutin ang PCOS at ang hormonal imbalance.

    More from Smart Parenting

    Paano inumin ang Althea

    Ang tamang paraan ng pag-inom ng contraceptive pills ay ang sundin ang tamang dosage nito. Ang Althea ay mabibili nang naka-21-day pill pack. Ayon sa MIMS Philippines, sa unang gamit ay dapat inumin ng babae ang unang pill sa unang araw ng kanyang menstruation. Pero maari ring inumin ang unang pill sa kahit anong araw ng buwan, basta sigurado ang babae na hindi siya buntis.

    Pagkatapos mainom ang unang pill, ituloy lamang na inumin ang bawat pill sa takdang araw sa loob ng tatlong linggo (1 hanggang ika-21 na araw). Kapag naubos mo na ang isang pack, wala ka munag iinumin sa susunod na pitong araw (22 hanggang ika-28 na araw). Sa pang-walong araw (ika-29 na araw / unang araw), simulan na ulit ang pag-inom ng unang pill sa bagong 21-pill pack.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sa mga araw na hindi ka iinom ng pill (ika-22 hanggang ika-28 na araw), asahan mo ang iyong buwanang dalaw o period. Maaring mas mahina ang daloy nito at mas maikli ang mga araw na mayroon ka. Gayunpaman, kahit mayroon ka pa ring period, huwag kalimutang magsimula sa panibagong pack at inumin ang unang pill sa ika-29 na araw (magiging unang araw ulit).

    More from Smart Parenting

    Kapag nakalimutang uminom ng pill

    Kapag hindi mo nainom ang isang pill sa takdang araw, siguraduhing maiinom mo ito sa loob ng 12 oras pagkatapos ng nalagpasang araw para masiguro ang bisa nito sa pagpigil ng pagbubuntis. Huwag kalimutang inumin din ang pill para sa araw na iyon (ibig sabihin ay dalawa ang iinumin mong pills sa isang araw sa pagkakataong ganito: iyong nakalimutan mong inumin kahapon, at iyong para ngayon).

    Ituloy ang pag-inom ng mga natitirang pills ayon sa schedule para hindi magkaroon ng pagdurugo, o premature withdrawal bleeding na karaniwang nangyayari kapag itinigil ang pag-inom ng pills. Kung balak mong magpalit ng brand ng pills, o itigil na ang pag-inom ng pills nang tuluyan, gawin lamang ito pagkaubos ng isang buong pack ng pills.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Halimbawang dalawa o higit pa ang pills na hindi mo nainom sa takdang araw, kailangang pag-ibayuhin ang pag-iingat para hindi mabuntis. Una, inumin kaagad ang pinakahuling pill na hindi mo nainom (kung dalawang araw kang hindi nakainom, inumin lang yung pangalawang pill at itapon na iyong unang pill na nakalimutang inumin para hindi na malito). Inumin din ang naka-schedule na pill sa araw na iyon, at iwasang magtalik, o kaya ay gumamit ng condom kung magtatalik sa loob ng susunod na pitong araw para manatiling protektado.

    Kung nakalimot kayong uminom ng pills, at isa hanggang anim na pills na lang ang natitira sa pack, inumin ang mga ito ayon sa schedule at simulan muli ang bagong pack ng pills kaagad (imbes na hintayin ang isang linggo na walang iinuming pills, gaya ng naunang instructions sa taas). Iwasan pa din ang pakikipagtalik, o kaya ay gumamit ng condom para sa karagdagang proteksyon. Dahil walang patlang ang pag-inom mo ng pills, maaring hindi ka datnan ng iyong period sa pagkakataong ganito.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kung nakalimot naman kayong uminom ng pills at mayroon pang pito o higit pang pills na natitira sa pack, ituloy ang pag-inom ng mga ito ayon sa schedule. Pagkatapos ay sundin ang pitong araw na walang iinuming pills, at magsimula ulit ng bagong pack pagkatapos nito.

    More from Smart Parenting

    Bakit gusto ng kababaihan ang Althea

    Para sa marami, budget ang dahilan bakit gusto nila ang Althea. Mura ito sa halagang menos pa sa Php500. Gawa ito ng kumpanyang may gawa rin ng Trust Condoms at iba pang contraceptive pills tulad ng Trust Pill, Daphne, at Lady.

    Madalas din, hindi ang presyo kundi ang pagiging hiyang sa brand ang dahilan sa kanilang pagpili ng pills. 

    Ang ilan sa mga side effect ng Althea (na kapareho rin sa ibang brands) ay: pagkahilo, pagsusuka, mga pagbabago sa balat o buhok, sakit ng ulo, pagiging bloated, pagbabago sa timbang, masakit ang suso, at kawalan ng interes sa pagtatalik. Maari ring makapansin kayo ng pagbabago sa regla gaya ng spotting, pagdurugo, o kawalan ng regla. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ito ang masasabi ng ilang sumubok na ng Althea:

    “I love Althea kasi ‘di ako tumataba, although hindi rin naman pumapayat! ‘Di na rin ako masyado nagkaka-pimples. Kampante rin ako na ‘di ako mabubuntis!” sabi ng isa sa Parent Chat ng SmartParenting.com.ph.

    “I’ve been using Althea pills for almost one year, kaya lang [I needed to stop or switch brands] kasi sobrang dry ako down there and super walang gana talaga. Kawawa naman si hubby,” sabi pa ng isa.

    “I noticed dumami pimples ko [when I started using Althea] ‘pag malapit na period ko [but] after that wala na! Also, lakas ko kumain, kaya pigil ako ngayon. Hindi naman sumasakit ulo ko pero lagi akong moody! As in parang gusto ko lagi mainis.”

    “Nung first pack ko, sumasakit yung ulo ko every night. Pero now nawala na, ok na din yung skin ko. Nagka-break out skin ko after giving birth, ngayon nawawala na,” sabi ng isang nanay.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    “Effective siya and nag clear up face ko less oily kaso allergic ako nangangati ako sa Althea,” sabi ng isa, na nakaranas ng pangangati sa pwerta noong siya ay uminom ng Althea.

    More from Smart Parenting

    Bakit kailangang kumonsulta sa doktor bago uminom ng Althea

    Ang contraceptive pills ay gamot na dapat naka-reseta. Bagama’t ligtas naman ang karamihan sa mga ito, hindi lahat ng babae ay maaring uminom ng pills dahil maaring magdulot ito ng allergy o iba pang panganib kung hindi ito naaayon.  

    Ang Althea pills ay kontra sa mga babaeng may problema sa atay gaya ng cholestasis, Dubin-Johnson o Rotor syndromes, at hepatic adenoma. Hindi rin ito ibinibigay sa mga babaeng may “lipid metabolism” at “estrogen-dependent neoplasms” gaya ng kanser sa suso o sa endometrium.

    Hindi rin dapat ang Althea pills sa mga buntis o nagbe-breastfeed. Ito rin ay hindi dapat sa mga babaeng may kasaysayan ng sakit sa balat gaya ng pruritus (pangangati ng balat) o cholestatic jaundice (sakit sa atay) noong nagbubuntis. Iyong may mga pambihirang sakit gaya ng herpes gestationis at pemphigoid gestationis ay hindi rin maaring uminom ng Althea.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Hindi inirereseta ang Althea sa mga babaeng may undiagnosed vaginal bleeding, chorea (isang sakit kung saan may involuntary movements ang isang tao), deteriorating otosclerosis, at matinding migraine.

    Bago kayo bigyan ng inyong doktor ng birth control pills, susuriin muna niya kung nagkaroon na kayo ng sickle-cell disease, o dumanas na ng depression, o mayroong sakit sa puso. Titingnan din niya ang kalagayan ng inyong gall bladder at kung mayroon kayong kondisyon na nagdudulot ng fluid retention. Ang paninigarilyo at labis na timbang ay makakaapekto rin sa desisyon ng doktor na bigyan kayo ng contraceptive pills.

    Tandaan din na mahalagang sabihin sa inyong doktor kung mayroon kayong ibang iniinom na gamot bukod sa contraceptive pills. Hindi makabubuti ang pagsabayin ang dalawang klase ng hormonal contraception. Maaring makabawas din sa bisa ng pills ang pag-inom ng analgesic o painkillers, anti-migraine drugs, at tranquilizers, gayundin ang pag-inom ng alak at iba pang inumin na may alcohol.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang mga impormasyong nakalahad dito ay nagmula sa Althea Pills: Why A Lot of Women Choose This Contraceptive Pill

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles