embed embed2
Ihi Nang Ihi Kahit Hindi Buntis? Baka Balisawsaw: 7 Puwedeng Gawin Bilang Remedyo
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Obserbasyon ng marami na kapag sobrang mainit ang panahon, isa sa nauusong sakit ang balisawsaw. Paniniwala rin ng iba, lalo na ng matatanda, na kapag umupo ka sa mainit na upuan o semento paniguradong babalisawsawin ka. Posible naman daw ito dahil sa init nadaragdagan ang body heat para maramdamang kulang sa tubig ang katawan mo.

    Kung nakaranas ka nang balisawsawin, medyo hindi rin komportable sa pakiramdam dahil sa maya’t mayang pagpunta sa banyo para umihi. Kung minsan ay kakaunti lang 'tapos pagkaraan ng ilang minuto, nariyan na naman ang pagnanais mong umihi. Pero bukod sa madalas na pag-ihi, possible ring makaranas ka ng hirap sa pag-ihi o kaya naman mahapdi kapag umihi ka.

    Ano ang balisawsaw?

    Sa mga Pilipino, balisawsaw ang karaniwang tawag kapag may problema sa pag-ihi. Ito ang panaka-naka, mahirap, masakit, o mahapding pag-ihi. Ayon sa mga eksperto, walang eksaktong katumbas ito sa Ingles dahil magkakaiba ang nararanasang sintomas nito. May iba’t ibang tawag din sa mga ito:

    • Dysuria--hirap sa pag-ihi at masakit o mahapdi kapag umiihi
    • Polyruia--madalas na pag-ihi na mas marami sa karaniwan. Ang mga may edad na ay nasa 3 litro kada araw ang dami ng iniihi, pero kapag may polyuria umaabot ito nang 15 litro kada araw. Karaniwan sintomas ito ng sakit na diabetes.
    • Hemanturia--may kasamang dugo ang ihi. Maaaring visible ito sa ihi o kaya naman makita sa microscope.
    • Nocturia--kapag kailangan mong magising sa kalagitnaan ng gabi dahil sa pagnanais na umihi
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Paliwanag din ng mga urologist, ang pagkakaroon ng problema sa pag-ihi ay hindi dapat balewalain lalo na kung paulit-ulit itong nararanasan. Ang pagkakaroon ng balisawsaw ay posibleng sintomas ng kidney problem at iba-iba pang mga karamdaman. Kabilang diyan ang sakit sa pantog (bladder) at diabetes.

    Mainam na malaman ang normal na pag-ihi. Ang isang tao ay umiihi kada 6 na oras sa isang araw o may average na 4 hanggang 10 beses kada araw. Mas marami ang napoprodyus na ihi ng matanda kaysa sa bata.

    May paliwanag ang MedlinePlus, ang health information source ng United States National Library of Medicine. Anila, ang dalas ng pag-ihi ay depende sa kung gaano kabilis ang iyong kidney magprodyus ng ihi na magpupuno sa pantog, at kung gaano karaming ihi rin ang kayang maipon sa iyong pantog.

    Nakarelaks kasi ang muscle sa iyong pantog habang nag-iipon ito ng ihi at nananatiling contacted ang sphincter muscle (ito ang humahawak para hindi lumabas ang ihi). Kapag napuno na iyong pantog, magdadala ito ng signal sa iyong utak para sabihin sa iyong kailangan mong umihi.

    Mahalaga ang urinary tract bilang bahagi ng katawan sa paglabas ng ihi na nagtataglay ng dumi at ekstrang tubig sa ating katawan. Binubuo ito ng dalawang kidney, dalawang ureters, bladder, at urethra. Kailangan ang normal na pag-function ng mga bahaging ito ng urinary tract para maihi ka.

    Bakit binabalisawsaw?

    Nagkakaroon ng balisawsaw dahil sa pagkakaroon ng urinary tract infection (UTI), ayon sa mga eksperto. Madalas ay kakabit ito ng ibang kondisyong medikal o sakit. Maaaring dahilan din nito ang kakulangan sa pag-inom ng tubig at/o palagiang pagpipigil ng ihi. Naiipon ang bakteriya na kailangang ilabas ng katawan.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Kadalasan ang mga buntis ay nakararanas din ng madalas na pag-ihi lalo na kapag lumaki na ang tiyan nila. Normal na nahihirapan ang buntis na kontrolin ang pantog. Urinary incontinence ang tawag sa kondisyon kung bakit ihi ng ihi ang buntis.

    Ang paliwanag ng ob-gyn na si Dr. Marie Victoria Cruz, sa isang panayam ng SmartParenting.com.ph, ang madalas na pag-ihi ng buntis ay dahil sa nababanat ang kanilang matris at natutulak nito ang mga kidney.

    Mga posibleng gamot sa balisawsaw

    Maraming paniniwalang nakagawian na ang mga Pilipino lalo na ang matatanda pagdating sa balisawsaw. Nariyan ang pagtatali ng basang sinulid sa baywang, paglalagay ng asin sa pusod, at paglalagay ng basang bimpo sa puson, pati na pag-inom ng sabaw ng buko gamot sa balisawsaw, at kung ano-ano pa.

    Sabi ng mga urologist, ilan sa mga ito ang misconception tungkol sa balisawsaw, gaya ng pagtatali ng basang sinulid. Pero ang paglalagay raw ng basang bimpo sa puson ay posibleng makatulong dahil maaaring mapalitan ng lamig ang init ng katawan. Alin nga ba ang epektibo at talagang nakatutulong sa balisawsaw?

    Narito ang payo ng mga eksperto kapag nakararanas ng balisawsaw:

    • Uminom nang maraming tubig para manatiling hydrated
    • Iwasan ang pagpigil sa pag-ihi
    • Iwasan kumain ng maalat na pagkain
    • Maging malinis na pangangatawan
    • Sa mga babae, ugaliin ang tamang pagpunas at paghuhugas ng vagina pagkatapos umihi o dumumi
    • Magkaroon ng sapat na pahinga
    • Pag-ihi bago at pagkatapos ng pakikipagtalik sa asawa

    Higit sa lahat, pinakamainam na gawin kapag palagiang binabalisawsaw ay komunsulta sa doktor para masuri ang ibang sintomas na nararanasan mo. Makabubuti na magpa-urinalysis o urine test. Ito ang basic na ipinapagawa para makatiyak ang nararanasang balisawsaw ay dahil sa pagkakaroon ng UTI.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Tandaan ang paulit-ulit o pabalik-balik na pagkakaroon ng UTI ay indikasyon ng ibang sakit gaya ng diabetes, paglaki ng prostate, sakit sa bato o kidney. Kaya makabubuting magpatingin sa espeyalista upang maagapan ang anumang karamdamang kaakibat ng balisawsaw.

    Mga pinagkunan ng impormasyon:

    Urine and Urination

    https://medlineplus.gov/urineandurination.html#summary

    The Urinary Tract & How It Works

    https://www.niddk.nih.gov/health-information/urologic-diseases/urinary-tract-how-it-works

    Ito Ang Dahilan Kung Bakit Ihi Nang Ihi Ang Buntis, Sabi Ng Ob-Gyn

    https://www.smartparenting.com.ph/pregnancy/getting-pregnant/bakit-ihi-ng-ihi-ang-buntis-a00370-20211211

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles