Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
Kung Namimilipit Ka sa Sakit ng Puson, Baka Hindi Lang 'Yan Dysmenorrhea
PHOTO BY iStock
  • Isa sa problema nating mga babae tuwing dumarating ang buwanang dalaw o montly period ang sakit ng puson. Madalas ito ay dahil sa menstrual cramp o dysmenorrhea na nararanasan ng marami sa atin sa mga panahon bago o habang mayroon tayong regla. Yung sinasabing pagkairitable o pagkainis natin kapag “meron tayo” ay kadalasan dahil sa hindi tayo makakilos nang maayos o normal sanhi ng dysmenorrhea.

    Nangyayari ang dysmenorrhea dahil sa kontraksyon ng ating uterus o matris. Ang isang parang hormone na tinatawag na prostaglandins ang itinuturing na sanhi at nakapagdudulot ng kontraksyon sa laman o muscle ng uterus.

    Ayon sa website ng Physicians Committee for Responsible Medicine, bago magsimula ang iyong regla, ang endometrial cells ay bumubuo ng lining sa uterus na siyang gumagawa ng maraming prostaglandins. Kapag nahati ang mga cells na ito sa panahon na ikaw ay nireregla, lumalabas ang mga prostaglandins.

    More from Smart Parenting

    Paano nangyayari ang dysmenorrhea

    Ang mas mataas na lebel ng prostaglandins ay nagreresulta sa mas matinding menstrual cramps. Kapag nakararanas nang matinding kontraksyon sa mga panahon ng iyong menstruation, nakakaapekto ito sa malalapit na daluyan ng dugo o blood vessel. Dahil dito, maaaring mabawasan ang suplay ng oxygen sa iyong uterus na nagiging sanhi ng pananakit ng puson.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Possible na maranasan mo ang ganitong kalagayan kapag ikaw ay:

    • nasa edad 30 pababa
    • maaga kang nagkaregla na maaaring nasa edad na 11 taon o mas bata pa
    • may matinding pagdurugo kapag nireregla o tinatawag na menorrhagia
    • may iregular na pagreregla o metrorrhagia
    • may family history ng dysmenorrhea
    • may bisyo ng paninigarilyo

    Ang pananakit ng puson hindi lamang dahil sa dysmenorrhea 

    Nagsisimulang maramdaman ang dysmenorrhea isa hanggang tatlong araw bago ang iyong regla. Mas matindi ang sakit sa unang araw at unti-unti namang nawawala sa paglipas ng dalawa hanggang tatlong araw. Kung minsan, may sakit ka na nararamdaman sa may balakang at hita. Nakararanas din ng pagkahilo, pagsakit ng ulo, pagsusuka, at pagtatae.

    Bagaman sintomas ang mga nabanggit ng dysmenorrhea, hindi ibig sabihin na dapat na ipagbawalang-bahala ito at isipin na “normal” ang pananakit ng puson — hindi lamang limitado ito sa pagkakaroon ng dysmenorrhea. Maaaring sanhi ito ng iba pang karamdaman gaya ng cervical cancer o  sakit sa bato. Ang kondisyon gaya ng endometriosis at uterine fibroids o myoma ay ilan sa karaniwang maaaring sanhi ng pananakit ng puson. Bukod dito, maaari ding kaugnay ito ng pagkakaroon ng adenomyosis, pelvic inflammatory disease, at cervical stenosis.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Ang paglalapat ng lunas sa mga kondisyong ito ay makatutulong upang mabawasan ang sakit na nararamdaman. Nakapagdudulot ang mga kondisyong ito ng mga komplikasyon gaya ng problema sa hirap sa pagbubuntis kapag may endometriosis ka. Nagkakaroon naman ng peklat sa fallopian tube kapag may pelvic inflammatory disease na posibleng makapagdulot ng pagbuo ng fertilized egg sa labas ng matris o iyong tinatawag na ectopic pregnancy. 

    Kapag matindi ang pananakit ng puson at sa tingin mo hindi pangkaraniwang menstrual cramps na tumatagal nang higit sa dalawa o tatlong araw, makabubuting komunsulta na sa doktor. Maaaring magamot ang anumang sakit na kaugnay ng pagkakaroon nito kaya mahalaga na malaman ito agad. Makapagsasagawa ang doktor ng pagsusuri gaya ng pelvic exam, pagtukoy sa mga sintomas na nararamdaman mo, at iba pang proseso na kinakailangan upang matukoy ang sanhi ng pagkakaroon mo nang matinding sakit sa puson.

    Gamot sa dysmenorrhea

    Pero ang pananakit ng puson na walang kasamang ibang komplikasyon at kasabay ang iyong regla ay karaniwang mawawala din sa pagtanda. Nagiging maayos din kapag nakapanganak na bagaman may ilang kaso rin na hindi nagkakaroon ng pagbabago at nagpapatuloy lang ito. Ang gamot sa dysmenorrhea ay pain reliever gaya ng ibuprofen para maibsan ang sakit ng iyong puson. Narito pa ang ilang tips na puwedeng gawin upang mabawasan ang sakit na nararanasan kung ikaw ay may dysmenorrhea:

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    1. Magkaroon ng sapat na pahinga.
    2. Iwasan ang pagkain na may caffeine at maalat.
    3. Huwag manigarilyo at uminom ng alak.
    4. Hilutin ang iyong balakang at tiyan.
    5. Maglapat ng heat compress sa puson. Lagyan lang ang iyong puson o balakang ng heating pad o kaya tubig na mainit na nasa bote. Makatutulong din ang pagligo ng maligamgam na tubig.
    6. Makatutulong din ang palagiang pag-eehersisyo. Gawing bahagi ng iyong pang-araw-araw na gawain ang pag-eehersisyon upang makaiwas sa pagkakaroon ng menstrual cramp.

    Kung namimilipit sa sakit at kapag hindi nakatulong ang mga mungkahing paraan na nabanggit, sumangguni sa iyong doktor upang matingnan ka at para mabigyan ka o maresetahan ng nararapat na gamot. Ipinapayo ang maagang konsultasyon sa doktor kapag habang tumatagal tumitindi ang sakit na nararamdaman mo at lalo na kapag nararanasan mo ito bago ka pa dumating sa edad na 25.

    Sources: WebMD, Mayo Clinic

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles