;
embed embed2
16 Halamang Gamot Na Pwedeng Subukan Para Sa Iba't-Ibang Uri Ng Bukol
PHOTO BY Shutterstock/ThamKC
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Kapag may bukol, yelo ang una nating naiisip na ilagay para maibsan ang pamamaga o higit pang pag-umbok nito. Ang iba naman ay gumagamit ng halamang gamot sa bukol. Pero totoong nakatutulong ang ice pack o cold compress para maibsan ang anumang pamamaga, lalo na kung nangyari ang bukol dahil sa pagkauntog o pagtama ng ulo sa matigas na bagay. 

    Maraming posibleng dahilan ang pagkakaroon ng bukol at pagtubo nito lalo na sa ilalim ng balat. Ayon sa United Kingdom National Health Service, maaaring tumubo ang bukol sa anumang parte ng katawan. Karaniwan sa mga ito ay hindi mapanganib at 'di dapat ipag-alala, pero mahalaga pa rin ang pagpapatingin sa espesyalista para matiyak na wala itong kaakibat na sakit lalo na kung lumalaki ang bukol. 

    Mga uri ng bukol at halamang gamot para dito

    Ang pangkaraniwang bukol ay madalas malambot o matigas kapag hinahawakan, gumagalaw, at maliit lamang o pea-sized. Pero kapag ang bukol ay lumalaki, masakit, namumula, namamaga, matigas at hindi gumagalaw, mainit kapag hinahawakan, pabalik-balik o tumagal na nang dalawang linggo, at makakapa sa ilalim ng mga pribadong bahagi ng katawan gaya ng suso, nangangailangan ito ng agarang pagkonsulta sa doktor.

    Bukol sa ulo

    Binubuo ng edematous fluid ang bukol sa ulo na mula sa pagkakauntog na naiipon sa ilalim ng anit. Makararanas ng pamamaga ang bahagi na tumama sa matigas na bagay. Kasama rin nito ang pamumula, kirot o pananakit ng bahaging nagkabukol.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Halamang gamot sa bukol sa ulo

    Bukod sa yelo na madalas na idinadampi sa bahagi na nabukulan, pwede ring subukin ang paglalagay ng dinikdik na buko ng bulaklak ng gumamela at itapal sa bukol para maibsan ang sakit at posibleng pamamaga.

    Ginagamit din ang damong maria sa bukol. Dikdikin lamang ito at itapal sa bukol. Pwede rin ang dahon ng mayana. Pikpikin o kaya pagulungan ng bote ang dahon para mapisa ang hibla  at basain ng tubig na may asin saka itapal sa bukol.

    Kung simpleng bukol sa noo, subok din namin sa bahay ang paglalagay ng manipis na puting hibla ng sibuyas na pula o kaya naman dinikdik na dahon ng oregano sa bahaging apektado para hindi magpasa.

    Pero tandaan: Mahalagang obserbahan kung may head injury lalo na kapag malakas ang pagkakauntog. Bantayan mabuti ang iba pang kasunod na sintomas gaya ng pagkahilo o pagkawala ng malay at pagsusuka. Kapag may ganitong senaryo, agad na itakbo ang pasyente sa pinakamalapit na hospital.

    Bukol ng Pigsa

    Isang sintomas ng pagkakaroon ng pigsa ay ang pagtubo rin ng bukol. Nagpapahiwatig ito na may bacterial infection sa loob ng katawan.

    Mainit ang bukol na ito kapag hinawakan at matigas at namumula rin. Kadalasan ay may kasama itong sintomas ng lagnat.

    Halamang gamot sa bukol ng pigsa

    Pinakakilala ang gumamela na mabisang halamang gamot para dito. Dikdikin ang buko ng bulaklak nito at haluan ng kaunting asin saka ihilot o itapal sa pigsa.

    Gawin ito araw-araw hanggang sa mahinog ang pigsa at pumutok ito nang kusa. Nakatutulong din itong mabawasan ang kirot na dulot ng pigsa.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Subukin din ang dahon ng alugbati at sambong. Magtadtad ng kaunting dahon nito at ilagay sa ibabaw ng pigsa dalawang beses kada araw.

    Epektibo rin ang bawang at sibuyas na gamot sa pigsa. Magdikdik lang o maghiwa nang pinong-pino nito at ilagay sa pigsa.

    Nakagagamot din ng pigsa ang dagta ng langka mula sa balat ng puno nito. Haluan lamang ng kaunting suka. Painitan nang kaunti at gamiting hot compress. Ilagay ito nang 20 minuto sa pigsa, 2 beses kada araw.

    Bukol ng beke at bulutong

    Ang bukol na dulot ng beke at bulutong ay sanhi rin ng impeksyon. Ang pag-umbok sa bahagi ng mukha, kadalasan sa pisngi malapit sa panga, ay maaaring sanhi ng mumps virus na nagdudulot ng pamamaga sa parotid gland.

    Walang gamot dito pero maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna ng Measles-Mumps-Rubella (MMR vaccine) na ibinibigay sa baby kapag siya ay nasa 12 hanggang 15 buwan. Maaaring gamutin sa bahay ang mga sintomas nito gaya ng lagnat at kirot, pagpapanatiling hydrated, at pagpapahinga. Nakakahawa rin ito kaya makabubuti ang pag-isolate mula sa ibang miyembro ng pamilya.

    Samantala, mararanasan din ang mga bukol sa balat dahil sa bulutong. Mamula-mula ang maliliit na bukol at kadalasan may tubig din ang mga tumutubo. Mapoprotektahan lamang din dito kung makapagpabakuna na panlaban dito.

    Halamang gamot sa bukol ng beke at bulutong

    Dahil walang gamot, subukin ang aloe vera dahil nakababawas ito ng pamamaga. Hatiin ang aloe vera sa gitna at budburan ng turmeric saka ilagay sa beke at balutan ito.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Nakatutulong din ang luya para makabawas ng sakit o kirot na mararamdaman. Dikdikin ito hanggang sa maging paste saka ipahid sa pisngi.

    Subukin din ang halamang gisol. Tadtarin hanggang sa maging paste ang bunga o buto na nasa ugat ng halamang ito saka ilagay sa beke nang 30 minuto at gawin ito ng 3 beses kada araw.

    Ang bunga rin ng kamias ay maaaring itapal sa beke. Tadtarin at ilagay sa beke nang 30 minuto at gawin ng 3 beses kada araw.

    Para sa bulutong, makatutulong ang dahoon ng balimbing. Magtadtad o magdikdik ng talbos ng dahoon at kunin ang katas nito. Ilagay ang katas sa balat nang 3 beses sa isang araw para makabawas sa pangangati. Huwag ikukuskos ito sa balat.

    Pwede ring ipainom ang pinakuluang dahoon ng lagundi, 1 tasa para sa matanda kada 4 na oras at 1 kutsara kada apat na oras sa bata. Magtadtad ng sariwang dahon ng lagundi at pakuluan sa dalawang baso ng tubig nang 15 minuto.

    Sa katunayan, ang mga karaniwang bukol ay kusang nawawala kapag humupa na rin ang pamamaga. Pero kung matindi ang kirot na nararanasan at hindi umiimpis ang bukol kahit na nasubukan na rin ang ilang home remedy, agad na magpakonsulta sa doktor upang higit na masuri ito at matukoy kung may iba pang kasamang kondisyong medikal.

    May mga bukol na kailangan ding operahan dahil sa matinding epekto nito. Posible rin itong maging delikado sa kalusugan kapag hindi natanggal gaya ng pigsa, cyst, tumor ng posibleng magdulot ng kanser, abscess o bukol na may malalang impeksyon.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    May mga bukol din na makakapa sa ilalim ng leeg, likod ng tenga, kilikili, o sa singit. Dito matatagpuan ang mga kulani na namamaga o bumubukol kapag may impeksyon sa loob ng katawan gaya ng kapag may sugat, sirang ngipin na sumasakit, o may primary infection para sa mga bata.

    Kapag nakapa ito, may pamamaga na maaaring may kasamang sintomas ng lagnat o pagsakit ng bukol. May mga bukol na hindi basta makukuha o gagaling lamang sa pagtatapal ng halamang gamot, mayroon din na nangangailangan ng atensyong medikal, gaya ng mga bukol na nagdudulot ng kanser kaya hindi dapat ipagwalang-bahala kapag may makapang bukol lalo na sa mga pribadong bahagi ng katawan.

    Sources: NHS, Filipino Herbs Healing Wonders, Healthline

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles