;
embed embed2
  • Bawang, Dahon Ng Luya, At Iba Pang Halamang Maaaring Makatulong Kapag May Lagnat

    Nagtataglay ang mga halamang gamot ng mga sangkap na makapagpapababa ng lagnat.
    by Dinalene Castañar-Babac .
Bawang, Dahon Ng Luya, At Iba Pang Halamang Maaaring Makatulong Kapag May Lagnat
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Noon pa man ay bahagi na ng pamumuhay ng mga Pilipino ang paggamit ng halamang gamot bilang panlunas sa anumang karaniwang karamdaman gaya ng lagnat, ubo, sipon, pagtatae, at iba pa. Nakaugat na ito sa ating kultura, paniniwala, at tradisyon. Higit lalo sa mga nasa probinsya o mga malalayong lugar na hindi gaanong naabot ng mga medikal na doktor.

    Nakaugalian din natin ang pagtatapal-tapal ng halamang gamot sa bahagi ng katawan na masakit o pagpapakulo sa mga ito at pag-inom ng katas para maibsan ang karamdaman. Maraming halamang gamot din naman talaga ang epektibo na panlunas lalo na sa lagnat.

    Sa katunayan, may health guide din ang Department of Health pagdating sa traditional at alternative medicine

    Halamang gamot para sa lagnat

    Taglay ng mga halaman ang mga natatanging katangian at sangkap na makagagamot sa mga karaniwang sakit ng tao. Narito ang ilang halamang gamot na ginagamit para mapababa ang lagnat.

    Isang paalala: Ang mga nabanggit na halamang gamot para sa lagnat ay para sa agarang pagtugon lamang o paunang lunas sa karamdaman o sakit. Ngunit kung ang lagnat ay may tatlong araw na at may kasamang iba pang sintomas, mas makabubuti ang komunsulta sa doktor para mabigyan ng tamang gamot at malunasan ang sakit.

    Dahon ng luya

    Dikdikin at pakuluan ang dami ng dahon nito. Inumin na parang tsaa tatlong beses sa isang araw. Maliban sa lagnat, makatutulong din itong maibsan ang pagtatae, sipon, at ubo.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Lagundi

    Pakuluan ang katamtamang dami ng dahon nito. Inumin din na parang tsaa tatlo hanggang limang beses sa isang araw. Makabubuti rin ito sa sipon, ubo, hika, at trangkaso.

    Sampalok

    Magtunaw ng laman ng bunga ng sampalok sa maligamgam na tubig at inumin ito  ng tatlong beses sa isang araw.

    Dahon ng kalabasa

    Pakuluan ang tamang dami ng dahon ng kalabasa sa isang litro ng tubig sa loob ng 10 minuto. Uminom ng apat na tasa nito kada araw.

    Bawang

    Maglagay ng dalawa hanggamg tatlong piraso ng pinitpit na bawang sa isang tasa ng maligamgam na tubig. Maaaring idagdag din sa hihiguping mainit na sabaw bilang pagkain.

    Dahon ng malunggay

    Maraming nutrisyon at benepisyong medikal ang malunggay o moringa. Nagtataglay ito ng vitamins, minerals, antioxidants, at antibacterial agents. Isa sa nagagawa nito ang pagpapababa ng lagnat. Pakuluan ang dahon nito at ito ang gawing inumin.

    Dahon ng kape

    Pakuluan ang tamang dami ng dahoon ng kape sa tubig. Gawin itong parang tsaa at ito ang inumin.

    Dahon ng bayabas

    Pakulaan ang murang dahon o talbos ng bayabas sa tubig ng 15 minuto. Gawin itong tsaa at inumin ng tatlong beses sa isang araw.

    Tagulinaw

    Pakuluan ang hiniwang sariwang dahon nito sa dalawang basong tubig nang 15 minuto. Iinumin ang isang baso kada apat na oras.

    Maliban pa sa pagtatapal ng halamang gamot, nakagawian din natin ang pagtatapal ng basa o malamig na bimpo sa noo para mapababa ang lagnat. Naipapayo rin ng mga doktor ang pagpupunas ng basang bimpo sa katawan at mga singit para mapababa ang mainit na temperatura ng katawan.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Narito ang mga halamang gamot pagdating sa ubo at sipon, hika at UTI at sugat

    Mga dapat gawin kung may lagnat

    Bukod sa mga nabanggit na halamang gamot para sa lagnat, kailangan at mahalaga rin ang tamang pag-aalaga sa katawan. Palagiang i-monitor ang taas ng iyong lagnat sa pamamagitan ng regular na pagkuha ng iyong temperatura. Mas mapapabilis ang paggaling kung magagawa ang mga pamamaraang ito:

    Magpahinga

    Magkaroon ng sapat na tulog at pahinga upang mapanumbalik ang sigla ng katawan.

    Uminom ng maraming tubig

    Ang pag-inom ng maraming tubig ay makatutulong para manatiling hydrated ang katawan at mailabas ang mga toxin na nasa katawan. Bukod sa tubig, maaari din ang pag-inom ng tsaa.

    Pagkain ng masustansiya

    Mahalaga ang tamang pagkain sa oras at kumain ng masustansiya upang mapalakas ang katawan.

    Magsuot ng preskong damit

    Suotin ang mas komportableng damit. Iwasan ang magsuot ng makakapal na damit o pagdodoble o pagpapatanong ng damit dahil lalo lang tataas ang temperatura ng katawan.

    Maligo

    Makabubuti ang pagligo ng maligamgam na tubig at mabilis lamang para guminhawa ang katawan at mapababa ang temperatura nito. Iwasan ang pagpunas ng bimpo na may alcohol dahil maaaring magsanhi ito ng pagtaas ng temperatura ng katawan.

    Maayos na bentilasyon

    Tiyaking sapat ang bentilasyon sa iyong kuwarto. Maaaring buksan ang mga bintana para makapasok ang sariwang hangin.

    Ang pagkakaroon ng lagnat ay isang sintomas ng iba pang sakit. Posible na karaniwan ito kung labis na pagod ang ating katawan. Ngunit maaari ding sanhi nito ang impeksyon sa katawan, may kaakibat na iba pang sakit, o ng malubhang karamdaman.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Walang masama sa paggamit ng mga halamang gamot lalo na kung may mga patunay na nakagagamot ito at aprubado ng mga eksperto sa kalusugan. Gayunpaman, makabubuti ang pagpapatingin sa doktor kung hindi bumababa ang lagnat matapos na lapatan ng anumang unang lunas sa bahay.

    At kung may iba pang kasama itong sakit, kailangan talaga ng advice ng isang health o medical practitioner upang makatiyak sa dulot nito at mas malapatan ng angkop na lunas.

    Sources: Healthline, WebMd, Botanical Online

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles