home remedy,Tagalog,evergreen,carpal tunnel syndrome,con-00062,updated,scr23,r08-em,Home Remedy Para Sa Pamamanhid Ng Kamay,carpal tunnel syndrome, home remedy, Home Remedy Para Sa Pamamanhid Ng Kamay, pregnancy, hypothyroidism, diabetes, chemotherapy,Makakatulog ang home remedy na ito sa pamamanhid ng kamay na kusang nawawala. Ngunit maging alerto kung gaano kadalas ito nangyayari.
HealthYour Health

Home Remedy Sa Pamamanhid Ng Kamay Lalo Na Kung Iniisip Mo Carpal Tunnel Syndrome Ito

Nagkakaroon ng pamamanhid kapag nagambala ang tatlong nerves sa kamay.
PHOTO BYiStock

Ang article na ito ay unang naipublish noong Agusto 21, 2020. Nadagdagan ito ng updates noong Nobyembre 30, 2023.

Isa ang kamay sa malimit na gamitin na parte ng katawan, kaya naman ibayong pansin at alaga ang dapat na ibigay dito lalo na sa pamamanhid ng kamay. Gusto natin mahanapan kaagad ng lunas o home remedy kung may kakaibang nararamdaman.  

Nagkakaroon ng pamamanhid kapag nagambala ang alin man sa tatlong nerves na nagbibigay sa kamay ng sensory information, paliwanag ni Dr. William Kormos, ang editor in chief ng Harvard Men’s Health Watch. Ang mga nerves na iyon ay napipiga kapag gumagawa ang kamay ng mga bagay na nakakabali ng pulso, gaya ng pagbubukas ng bote o garapon, nang madalas at paulit-ulit.

Home remedy sa pamamanhid ng kamay

Wala dapat ikabahala kapag ang pamamanhid ay kusang nawawala, ngunit maging alerto kung ano ang dahilan at gaano kadalas ito nangyayari. Maaaring sundin ang payo ni Dr. Kormos at iba pang doktor para maibsan ang pamamanhid ng kamay:

  • Alamin ang mismong gawain na nagbibigay ng pamamanhid sa kamay at subukang iwasan ito. Kung hindi man, limitahan na lang o kaya baguhin ang istilo sa paggawa at dalasan na ipahinga ang mga kamay.
  • Ihersisyo ang mga kamay at pulso bago simulan ang ano mang gawain. Malaking tulong ang pagbukas-sara ng mga kamay kaya sabayan na si baby sa close-open hand trick. Idagdag pa ang paggalaw-galaw ng mga daliri at pag-ikot-ikot ng mga pulso.
  • Magsuot ng special gloves kung gagamit ng tools at equipment na nagkakaroon ng vibration.
  • Magsuot ng protective gear, tulad ng wrist guard, kung maglalaro ng sports.
  • Sanayin ang katawan sa tamang postura kapag gumagamit ng computer, lalo na kung matagal ang pagtipa sa keyboard. Ang forearms ay dapat “parallel to the floor or slightly lowered,” habang mas mababa ang posisyon ng mga darili kesa sa mga pulso. Relax lang dapat ang mga braso at mga daliri.
watch now

Kapag sintomas na ang pamamanhid ng kamay ng isang seryosong kondisyon

Kapag hindi na sapat ang home remedy sa pamamanhid ng kamay at may kasama ng kirot ang mga sintomas, malamang may mas seryosong dahilan na. Ang ilang possible causes:

  • brain at nervous system conditions (Guillain-Barre syndrome, peripheral neuropathy)
  • trauma o overuse injuries (carpal tunnel syndrome, cubital tunnel syndrome)
  • chronic conditions (diabetes, multiple sclerosis)
  • infectious diseases (Lyme disease, syphilis) 

Dagdag pa diyan ang pagkakaroon ng ganglion cyst, vasculitis, at kakulangan sa vitamin B12. Puwede ring ang pamamanhid ng kamay ay side effect ng chemotherapy o ng HIV drugs. Pero kadalasan, dahil ito sa carpal tunnel syndrome (CTS).

Ano ang carpal tunnel syndrome

Katunayan, “fairly common condition” ang carpal tunnel syndrome (CTS), ayon kay Dr. William Seitz, isang surgeon na ispesyalista sa kamay, pulso, siko, at balikat sa Cleveland Clinic. Nangyayari daw ito kapag ang median nerve, na siyang tumatakbo mula sa forearm hanggang sa kamay sa pamamagitan ng makitid na daanang tinatawag na carpal tunnel, ay napipitpit (compressed) o nakukurot (pinched).

Dumadaloy rin sa carpal tunnel ang nine tendons na responsable sa paggalaw-galaw ng hinlalaki at tatlong daliri sa kamay, kaya kumikirot din ang kamay. Lahat ng puwedeng makapagpakitid pa ng carpal tunnel ay magdudulot ng CTS, kabilang na ang hypothyroidism, pregnancy, at repetitive hand movements.

Home remedy sa carpal tunnel syndrome

Bukod sa paghihinto muna sa repetitive hand movement, may ilang home remedy sa pamamanhid ng kamay sanhi ng carpal tunnel syndrome na maaaring makatulong upang mapabuti ang kondisyon.

  • Gamitan ng ice pack ang pulso o di kaya ibabad ang kamay sa palanggang may yelo sa loob ng 10 minutes at 15 minutes mula isa hanggang dalawang beses kada oras.
  • Para maibsan ang mananakit ng kamay sa gabi, dahan-dahang igalaw-galaw ang kamay at pulso. Puwede ring ipatong ang kamay sa gilid ng kama bago matulog.
  • Gumamit ng wrist splint para properly aligned ang kamay at, kapag tulog na sa gabi, maiwasan ang flexing o overextending ng pulso.
  • Uminom ng non-steroidal anti-inflammatory drug (NSAID), gaya ng ibuprofen o naproxen, para mabawasan ang pananakit ng kamay. Siguraduhin lang na may laman ang tiyan at walang magiging problema sa iba pang gamot na iniinom.
  • Ibabad ang kamay sa maligamgam na tubig habang iginagalaw ang pulso at mga daliri. Gawin ito mula tatlo hanggang apat na beses kada araw.

Carpal tunnel exercises

Bago magsimula o gawin ang anumang ehersisyo para sa carpal tunnel, mas mainam kung ikaw ay natingnan na ng isang orthopedic doctor o physical therapist para masiguradong tama ang pamamaraan ng iyong paggawa ng mga ito. Narito ang ilang ehersisyo na nirerekomenda para sa carpal tunnel na hindi nangangailangan ng kagamitan, maliban sa huli:

Wrist extension stretch

  • Ituwid ang iyong braso at itaas ang iyong kamay na ang palad ay naka-paharap, na parang sumesenyas na “stop.”
  • Gamit ang iyong isa pang kamay, dahan-dahang hilahin ang iyong mga daliri para makaramdam ng paghihigpit sa iyong braso. Dapat wala kang maramdamang anumang sakit.
  • Itigil nang 15 segundo, at ulitin ng limang beses.
  • Gawin din sa kabilang braso.

Wrist flexion stretch

  • Ituwid ang iyong braso at itiklop ang iyong pulso kung saan ang iyong mga daliri ay nakaturo pababa, papunta sa iyo.
  • Gamit ang iyong isa pang kamay, dahan-dahang hilahin ang iyong mga daliri papunta sa iyong sarili para makaramdam ng paghihigpit sa iyong braso. Dapat wala kang maramdamang anumang sakit.
  • Itigil nang 15 segundo, at ulitin ng limang beses.
  • Gawin din sa kabilang braso.

Prayer stretch

  • Simulan sa posisyong nakalapat ang iyong mga palad nang magkasama sa ilalim ng iyong baba.
  • Dahan-dahang ibaba ang iyong mga kamay na nasa parehong posisyon papunta sa iyong baywang. May mararamdaman kang konting paghihigpit sa iyong mga braso ngunit dapat walang anumang sakit.
  • Itigil nang 15 hanggang 30 segundo, at ulitin ng dalawa hanggang apat na beses.

Squeeze a ball

Ang pagpisil ng finger exercise ball sa buong araw ay maaaring makapagpalakas ng iyong mga daliri at kamay at makabawas ng mga sintomas ng carpal tunnel syndrome.

Posible ba na makaiwas sa carpal tunnel syndrome?

Narito ang mga simpleng paraan na maaaring makatulong maka-iwas sa carpal tunnel syndrome:

Pagsuot ng wrist brace: Makakatulong ang wrist brace na panatilihing direcho ang iyong mga kamay kapag ikaw ay natutulog o gumagawa ng mga paulit-ulit na gawain. Mapipigilan nito maipit ang median nerve kapag natitiklop ang iyong pulso.

Iwasan ang mga paulit-ulit na gawain: Iwasan ang mga paulit-ulit na gawain gamit ang iyong mga kamay at subukan mag-iba ng gawain, Pwede din mas gamitin ang isang kamay para makapagpaghinga ang isa.

Magpahinga: Kung kailangan gumawa ng mga paulit-ulit na gawain, subukang ipahinga ang iyong mga kamay kahit ilang minuto kada oras, o hangga’t kaya.

Kapag hindi umubra ang home remedy sa pamamanhid ng kamay at pagkirot ng mga daliri sa loob ng dalawang linggo, mainam na magpatingin na sa orthopedic doctor. Baka kailangan na talaga ng surgery para hindi na lumala pa ang problema at permanente na itong magamot. 

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close