Your Health

Luslos at Fertility: May Dapat Ka Bang Ikabahala?

May luslos ka ba? Alamin kung ito’y maaaring makaapekto sa pag-aanak.

by Dinalene Castañar-Babac

Published on Sep 29, 2025

Photo credit: Canva

Ang luslos (o hernia sa Ingles) ay nangyayari kapag ang bahagi ng laman-loob ng tao—karaniwan ay ang bituka—ay tumutulak palabas sa butas o mahinang bahagi ng kalamnan, kadalasan sa inguinal area o ibabang bahagi ng katawan. Isa sa pinakakaraniwang uri nito ay ang inguinal hernia, na matatagpuan sa singit. Maaari ring magkaroon ng luslos sa pusod o sa itaas ng balakang. Madalas itong marinig sa mga kalalakihan, ngunit maaari rin itong maranasan ng kababaihan.

ADVERTISEMENT

Mga Uri ng Inguinal Hernia

May dalawang uri ng inguinal hernia:

Indirect inguinal hernia: Ito ang mas karaniwang uri ng luslos at karaniwang taglay na ng isang tao mula pagkabata. Mas madalas itong mangyari sa mga lalaki dahil nagsisimula ang bayag sa loob ng tiyan at bumababa patungong scrotum. Kung hindi magsasara ang butas na dinaanan nito, maaaring mabuo ang luslos. Sa kababaihan naman, maaaring magdulot ito kapag ang bituka o bahagi ng reproductive organs ay dumausdos sa singit dahil sa mahinang kalamnan.

Direct inguinal hernia: Sanhi ito ng unti-unting paghina ng mga kalamnan sa tiyan, at mas karaniwan sa mga kalalakihang may edad.

Paano Nangyayari ang Luslos?

Ayon sa Johns Hopkins Medicine, ang luslos ay nangyayari kapag ang organ o bituka mula sa tiyan ay tumutulak palabas sa butas ng abdominal wall. Pinakakaraniwan ang inguinal hernia, na nararanasan sa singit kung saan matatagpuan ang mga blood vessel at spermatic cord ng lalaki.

Bagama’t hindi ito agarang banta sa kalusugan, maaari itong maging sanhi ng pananakit ng bahagi ng singit o makaramdam ng pangingirot at bigat sa may bayag, pakiramdam ng panghihina, o pagkakaroon ng bukol na lumalaki kapag umiiri o napupuwersa at nawawala kapag nakahiga. Kapag napabayaan, may panganib ng pagkakulong ng bituka o pagkaputol ng suplay ng dugo sa nakalabas na bahagi, na mangangailangan ng agarang atensiyong medikal.

Kung hindi maagapan, maaaring maipit ang bituka o maputol ang suplay ng dugo sa nakalabas na bahagi—isang kondisyong nangangailangan ng agarang medikal na atensiyon.

May Mga Paraan Para Maiwasan Ang Hernia Sa Lalaki, Ayon Sa Doktor

Read here

Ano ang Sanhi ng Luslos?

Sa mga lalaki, karaniwang sanhi ng luslos ang pagbubuhat ng mabibigat na bagay. Sa mga babae, ito ay maaaring dulot ng matinding pag-iri sa panganganak. Bagama’t parehong maaaring makaranas nito ang babae at lalaki, mas madalas pa rin itong mangyari sa mga kalalakihan.

Ano ang Pagkabaog?

Ang pagkabaog ay ang kawalan ng kakayahang magkaanak. Ayon sa Cleveland Clinic, ito ay kondisyon kung saan, matapos ang isang taong pagpaplanong magbuntis, ay hindi pa rin nagkakaanak ang mag-partner. Ilan sa sanhi ng pagkabaog o infertility ay hindi regular na menstruation at pagkapal ng lining ng matres ng babae at sa mga lalaki naman ay ang mababang bilang ng semilya o mababang testosterone. Malaki rin ang posibilidad ng infertility habang tumatanda. 

Paano Nakaaapekto ang Luslos sa Fertility?

1. Malapit ang Luslos sa Reproductive Organs

Kapag bumaba ang luslos hanggang sa scrotum, maaaring magbago ang normal na temperatura sa paligid ng bayag. Ayon sa siyensiya, sensitibo sa init ang paggawa ng semilya—kahit bahagyang pagtaas ng temperatura ay maaaring makabawas sa kalidad nito.

Kung magkakakomplikasyon, maaaring maipit ang daluyan ng dugo papunta sa bayag. Kapag nangyari ito, maaaring lumiit ang bayag at maapektuhan ang fertility. Gayunman, bihira itong mangyari kung agad na magagamot ang luslos.

2. Komplikasyon sa Operasyon

Karaniwang lunas sa luslos ay operasyon, kaya nag-aalala ang ilan kung ito'y makaaapekto sa kanilang kakayahang magkaanak. Kaya naman kailangan ang maingat na operasyon upang hindi mapinsala ang mga sensitibong bahagi ng katawan.

Subalit, ayon sa isang pag-aaral na nailathala sa PubMed, ligtas ang hernia repair—lalo na kung ginamitan ng mesh—at hindi ito nakababawas sa fertility, kahit sa mga kaso ng obstructive azoospermia o paghinto sa paglabas ng semilya kahit na sa pangmatagalang panahon ang hernia repair.

Ganoon din ang resulta ng isang pag-aaral sa Annals of Surgery: ang mga pasyenteng sumailalim sa laparoscopic hernia repair ay hindi naapektuhan ang fertility.

Dagdag pa rito, hindi kabilang ang luslos sa mga pangunahing sanhi ng pagkabaog, ayon sa tala ng WHO. Mas binibigyang-diin ang mga salik tulad ng hormonal imbalance, genetic factors, at lifestyle.

Mga Salik na Maaaring Magpataas ng Panganib ng Pagkabaog

Bagaman hindi direktang sanhi ng pagkabaog ang luslos, may ilang kondisyon na maaaring magpataas ng tsansa nito:

  • Ang laki at lokasyon ng luslos ay malapit sa bayag

  • Matagal nang hindi naagapan ang luslos at nagkaroon ng komplikasyon

  • Bilateral hernia o operasyong may mesh ay may bahagyang mas mataas na panganib

  • Pamamaraan ng pamumuhay at pagkakaroon ng bisyo gaya ng paninigarilyo

  • Sakit gaya ng diabetes

Sa pangkalahatan, masasabing hindi dapat ituring na direktang sanhi ng pagkabaog ang luslos. Ang luslos na maagap at maayos na nalunasan nang walang komplikasyon ay wala ring permanenteng epekto sa fertility. Napatutunayan din ng mga pananaliksik lalo na sa kalalakihan na sumailalim sa operasyon na ligtas ito at mananatili silang may kakayahan na magkaanak pagkatapos nito. Kaya naman, napakahalaga na magpatingin at magpagamot agad upang maiwasan ang anumang komplikasyon.

Para sa mga kababaihan, mas mainam na magpaopera ng luslos bago magbuntis upang maiwasan ang komplikasyon. Kaya mahalaga ang maagang pagpapatingin at pagpapagamot upang mapanatili ang kalusugan at fertility.

Narito ang ilang paraan para makaiwas ang mga kalalakihan sa loslos or hernia, ayon sa doktor.

May Bukol Sa Tiyan Si Baby? Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Umbilical Hernia

Read here
Dinalene Castañar-Babac

You Might Also Like
© 2026 Smartparenting.com.ph. All Rights Reserved.