;
embed embed2
  • Mga Sakit Na Hindi Mo Agad Maiisip Na Dahilan Ng Pagsakit Ng Balakang

    Marami nakaka-experience ng masakit na balakang kapag labis na ang timbang sa height.
    by Dinalene Castañar-Babac .
Mga Sakit Na Hindi Mo Agad Maiisip Na Dahilan Ng Pagsakit Ng Balakang
PHOTO BY Shutterstock
  • Tila pangkaraniwan na sa mga Pilipino ang masakit na balakang at likod lalo na sa mga may trabaho na nangangailangan ng pagbubuhat ng mabibigat.

    Ang likod at balakang ay mga bahagi ng ating katawan na responsable sa ating pagbubuhat, pag-ikot ng katawan, at pagkilos ng ating mga binti. Kapag masyadong napupuwersa ang mga muscle rito, tiyak na mararanasan ang pananakit nito.

    Karaniwang dahilan ng pananakit ng balakang

    Kapag nagkaka-edad na rin madalas na nakakaramdam na ng pananakit ng likod at balakang dahil sa pagtanda ng mga buto sa gulugod. Gayunman, halos lahat ng tao ay karaniwang nakararanas ng ganitong pakiramdam. Madalas na dahilan nito ay ang pagkakaroon ng labis na timbang, may scoliosis, o kulang sa ehersisyo.

    Maaaring sumasakit din ang ating likod dahil sa pananakit ng kalamnan. Maaari din na napuwersa ang muscle dahil sa maling posisyon ng pagkakaupo, paghiga, pagbubuhat ng mabigat, at posibleng sa arthritis na rin para sa mga matatanda.

    Ang muscle sprain o strain ang madalas na dahilan ng pananakit ng balakang. Nangyayari ito kapag ang iyong mga ligament o litid ay masyadong nabanat o nagkaroon ng punit. Karaniwang nararanasan din ito kapag may sports injuries, pagbagsak o pagkahulog, maling pag-ikot ng katawan.

    Tips na nagbibigay relief sa masakit na balakang

    1. Magpapayat kung labis ang iyong timbang.
    2. Mag-ehersisyo bago isagawa ang paglalaro ng anumang sports o paggawa ng mabigat na gawain.
    3. Maglaan ng oras na mag-stretching para mawala ang sakit sa likod. Malaking ginhawa ang naidudulot ng yoga sa pananakit o paninikip ng likod.
    4. Sikapin na umupo ng tama o maaaring maglagay rin ng suporta sa likod gaya ng unan na mapapanatiling nakadiretso ang likuran.
    5. Iwasan ang pag-upo nang matagal, sikapin na makapaglakad-lakad din.
    6. Sikapin na nakahiga nang patihaya para nakalapat ang likod sa higaan. Kung kaya, pumili ng higaan na masusuportahan ang iyong likod.
    7. Puwedeng dahan-dahan na ipamasahe ang muscle pero huwag itong hihilutin.
    8. Puwedeng maglapat ng cold at warm compress sa bahaging masakit para maibsan ito.
    9. Uminom ng maraming tubig.
    10. Kumain ng tama at masustansiyang pagkain.
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kapag sintomas ang masakit na balakang

    Bagaman ang mga ganitong pananakit ng likod at balakang ay sinasabing pangkaraniwan, hindi pa rin dapat na basta lamang balewalain. Mahalaga ang pagbibigay ng sapat na panahon sa katawan na makapahinga at agarang paggamot sa nararamdamang sakit upang hindi lumala ang sitwasyon.

    Maaaring ang pananakit ng balakang din ay posibleng sintomas ng ibang sakit o may kaakibat na kondisyong medikal na kailangan ng agarang paggamot. Narito ang ilan sa mga posibleng dahilan:

    Arthritis

    Ang osteoarthritis ay isang uri ng rayuma na tinawag na “wear-and-tear-arthritis” na nakadarama ng pananakit at paninigas ng balakang. Dahil dito, bahagyang nalilimitahan ang iyong pagkilos. Nahihirapan ka ring isagawa ang iyong mga pang-araw-araw na gawain.

    Ang rheumatoid arthritis ay isang “systemtic disorder” naman. Hindi lamang nakararanas ng pananakit ng balakang kundi apektado rin ang buong katawan. Konektado ito sa immune system kaya makararanas din ng panghihina ng katawan at madaling mapagod.

    Slipped disc

    Ang herniated disc o tinatawag ding slipped disc ay nangyayari kapag natulak palabas ang “jelly” na nasa loob ng spinal disc. Kapag nangyari ito, magdudulot ng iritasyon sa mga katabing nerves kaya makararanas ng pamamaga sa bahaging apektado kasama na rito ang pananakit ng likod at balakang.

    Kidney stones at infection

    Kapag may kondisyong pangkalusugan na nasasangkot ang ating kidney, makararanas din ng pananakit ng balakang. Karaniwan na rito ang pagkakaroon ng bato sa kidney at impkesyon gaya ng urinary tract infection o UTI na nakaaapekto sa ating pag-ihi.

    Appendicitis

    Ang impeksyon sa appendix ay nagdudulot ng pamamaga nito ay makapagdudulot ng pananakit ng abdomen o tiyan na magsisimula sa bandang pusod. Kapag lumala ang pananakit, posibleng umabot ito sa singit at balakang.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Endometriosis

    Isa itong chronic at hindi cancerous na kondisyong pangkalusugan sa reproductive sytem ng mga babae. Nangyayari ito kapag tumubo sa labas ng matris ang endometrial cells na maaaring makaapekto sa mga katabing organ at nakapalibot na tissue. Maaaring magdudulot ang endometriosis ng matinding pananakit ng balakang lalo na sa panahon ng regla.

    Bukod sa endometriosis, posible ring sintomas ng pananakit ng balakang ang pagkakaroon ng fibroid o myoma na benign din. Tumutubo naman ang muscle tissue na ito sa loob at labas ng uterus.

    Testicular torsion

    Ito naman ang kondisyon pangkalusugan sa reproductive system ng mga lalaki na nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Nangyayari ito kapag nag-twist ang spermatic cord na nasa scrotum at siyang nagdadala ng dugo sa testes.

    Dahil dito, nababawasan ang pagdaloy ng dugo sa testicle o posible pa ang pagtigil ng pagdaloy. Makararanas ng matindi at biglang pagsakit ng singit na maaaring umabot hanggang sa likod at balakang.

    Sa maraming pagkakataon ang pananakit ng balakang ay posibleng sanhi ng pagkapuwersa ng muscle at iba pang injury lalo na sa likod. Ngunit isipin na posible ring dulot ito ng anumang kondisyong medikal.

    Kung patuloy ang masakit na balakang at likod, labis ang tindi ng sa sakit o kaya naman umabot na ito nang dalawang linggo, agad na  magpatingin at kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng tamang lunas.

    Sources: Smart Parenting, Healthline

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles