-
Normal Ba Ang Postpartum Chills? Ito Ang Kuwento Ng Mommy Na Nakaranas Ng Dalawang Beses
Magkaiba ang kanyang karanasan pagkatapos ng panganganak.by Dinalene Castañar-Babac . Published May 26, 2023
- Shares
- Comments

Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Maraming buntis ang hindi lubos na maalam at aware sa mga posible nilang maranasan habang at hanggang manganak. Isa na rito ang postpartum chills na, ayon sa Cleaveland Clinic, hindi pa lubos na maunawaan ang dahilan.
Sinasabi na maaaring dulot ang postpartum chills ng pagkawala ng tubig o init sa katawan at ang pagbabago sa hormones pagkatapos manganak. Maaari rin itong maranasan kahit na vaginal o di kaya Cesarean delivery. Kadalasan din itong nangyayari pagkaraan ng ilang oras na mailuwal mo ang iyong baby o sa pagtatapos ng pagle-labor. Puwede ring habang nasa recovery room o nasa ward ka na.
Bagaman sinasabing pangkaraniwan nga itong mararanasan ng mga nanganganak, may ilan din na hindi naman nila ito pinagdaanan. Gayunpaman, maaaring masorpresa ang ilang nanganganak dahil sa kakaibang pakiramdam na ito Pero hindi dapat na mag-aalala dahil wala itong magiging masamang epekto sa iyo at sa iyong baby.
Mga sanhi ng postpartum chills
Batay sa mga pag-aaral, mas nararanasan ang postpartum chills ng mga nanganak via C-section, pati na iyong vaginal delivery na binigyan ng gamot habang nagle-labor, lalo na sa epidural. Ang iba naman ay dahil sa pagkawala ng dugo mula sa panganganak.
Lumalabas din sa mga pag-aaral na isang karaniwang penomena ang postpartum chills na nararanasan ng mga nanganganak. Pero gaya rin ng unang nabanggit, ayon sa mga eksperto ay wala pang eksakstong maituturing na dahilan ng postpartum chills pero may ilang teorya tungkol dito:
1. Dumaraan ang iyong katawan sa pagbabago ng hormones kapag nagle-labor kaya maaaring mapababa nito ang temperatura ng katawan.
2. Nagbibigay ng epekto sa katawan ang pagbibigay ng pain-reliver na gamot na nakakaapekto sa kakayahan ng katawan na makontrol ang temperature dahil sa pagbukas ng mga blood vessel sa balat. Nakapagpapawala ng init sa katawan ang matinding pagdaloy ng dugo sa iyong balat.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW3. Nakaaapekto rin ang pananatili nang matagal sa loob ng kuwarto na may malamig na temperatura.
Kailan at gaano katagal mararanasan ang postpartum chills
Karaniwan na ang mga postpartum chills, lalo na iyong sumailalim sa epidural o di kaya C-section, ay nawawala pagkaraan ng 20 hanggang 30 minuto.
Sa personal kong karanasan, via CS delivery, nakaramdam ako ng postpartum chills habang nasa operating room pa. Pagkalabas ng baby ko at habang tinatahi ang hiwa ko, bigla akong gininaw at nangangatog talaga ang bibig ko sa lamig. Inisip ko na baka dahil sa kinakabahan lang ako dahil gising ako habang ginagawa ang procedure.
Sinabi ko sa ito agad sa nurse na nakabantay sa akin na nilalamig ako. Binalot nila ng kumot ang braso ko at hininaan ang aircon. Sa simula, natakot din ako bakit ako biglang nilamig. Sabi ng doktor ko, normal lang naman daw ito at mawawala rin kaya wala akong dapat ipag-alala. Pagkaraan ng ilang oras, unti-unti rin namang nawala ang panginginig na nararamdaman ko hanggang sa mailipat ako ng recovery room.
CONTINUE READING BELOWwatch nowDapat gawin kapag nakaranas ng postpartum chills
Pinakamahalagang gawin kapag may postpartum chills ay manatiling kalmado o relaks. Huwag masyadong mabahala at hayaan lamang ang sitwasyon dahil mawawala rin ito. Bagaman hindi kaaya-aya sa pakiramdam, hindi ito magtatagal at lilipas din.
Sa pangalawa kong baby ay CS delivery rin ako, pero naranasan ko ang postpartum chills naman nang nasa sa bahay na kami. Pagkatapos ng aking post-natal checkup, pag-uwi namin sa bahay, bigla na lamang akong nilamig. Hindi ko maintindihan na bigla akong gininaw at nangangatog ako sa lamig, pero napakainit naman ng panahon. Nagtalukbong ako ng makapal na kumot para mas makaramdam pa ng init.
Sinabihan ko rin agad ang aking ob-gyn sa naramdaman ko. Pinayuhan niya akong uminom ng paracetamol at magpahinga lang. Pagkaraan din ng ilang oras, nawala ang postpartum chills na naramdaman ko.
Paniniwala ng ibang mga matatanda, pagkapanganak dapat naka-medyas at naka-pajama para hindi lamigin. Bawal din ang nakatutok ang electric fan dahil papasukan ng lamig ang katawan. Pero ang katotohanan, may nararanasan talagang postpartum chill pagkatapos manganak. Ngunit tandaan na kusa lamang din itong mawawala at hindi dapat na mabahala dahil wala itong magiging matinding epekto sa iyo.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWSa kabilang banda, ang nakababahala ay kung hindi agad nawala ang nararamdamam mong ginaw o panlalamig ng katawan pagkalipas ng ilang minuto at pakiramdam mo may kasama itong pananakit din ng mga kasu-kasuan at paglalagnat, maaaring sintomas ito ng impeksyon. Mahalagang ipaalam mo agad sa iyong ob-gyn ang anumang mararanasan pagkapanganak, bukod pa sa postpartum chills, dahil marami pang pagbabago sa katawan ang dapat ding bantayan.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Intense Shivering After Your Baby’s Born? You’ve Got Postpartum Chills
Postpartum chills phenomenon: is it a feto-maternal transfusion reaction
https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/11167210/
---
Basahin dito ang iba pang postpartum health problems.
What other parents are reading

- Shares
- Comments