embed embed2
Kadalasang Bata Ang Nagkakaroon ng Dengue Rashes: Anong Ibig Sabihin Nito At Dapat Gawin
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Ngayong tag-ulan na naman, nagtataasan muli ang kaso ng mga nagkakasakit ng dengue (basahin dito). Marami kasing mga naiipong tubig sa mga samu't-saring lalagyan sa paligid.

    Doon kadalasang namumugad at nagpaparami ang mga lamok, kabilang iyong may hatid ng dengue virus. Mapapansin na lang kapag nakagat at nagkaroon ng sintomas, tulad ng dengue rashes. Kaya panay ang paalala ng Department of Health (DOH) para makaiwas kahit hindi tag-ulan dahil buong taon umaatake ang mga lamok at may nagkakasakit.

    Mga dapat malaman tungkol sa dengue

    Ang dengue ay isang acute viral infection na karaniwang apektado ang mga bata, lalo na ang mga sanggol, ngunit maaaring dapuan nito kahit anong edad. Hindi ito nakakahawa, pero may paraan kung paano naipapasa ang sakit na dengue.

    Nakukuha ito mula sa kagat ng lamok na Aedes aegypti at Aedes albopictus. Nangingitlog ang mga lamok na ito sa anumang lalagyan na kayang mag-ipon ng tubig gaya ng takip ng bote, basurahan, lumang gulong, patuluan ng pinggan at mga halaman, at iba pa.

    Naninirahan ang mga ganitong lamok sa loob at labas ng bahay. Nangangat sila sa pagitang ng 2 oras pagkaraan ng pagsikat ng araw at dalawang oras bago lumubog ang araw.

    Paano malalaman na may dengue?

    Ang pagkakaroon ng mga sintomas ng dengue ay maaaring mild o severe dengue. Mas nakababahala ang severe dengue dahil maaaring mauwi ito sa pagkamatay, kaya kinakailangan ng tutok na gamutan sa hospital.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kabilang sa mild na sintomas ng dengue ang mga sumusunod:

    • Mataas na lagnat
    • Pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan
    • Pananakit ng ulo
    • Pananakit sa may likod ng mata
    • Pagsusuka
    • Kawalan ng ganang kumain
    • Pagkakaroon ng dengue rashes

    Karaniwang tumatagal ang sintomas nang dalawa hanggang pitong araw at kadalasan naman na gumagaling ang dinadapuan ng sakit na ito pagkaraan ng isang linggo, ayon sa mga eksperto.

    Kadalasan ding mataas na lagnat ang unang sintomas ng dengue. Minsan mahirap malaman kung dengue ang sanhi ng sakit o impeksyon na dulot ng lagnat. Posible ring matukoy ito sa iba pang sintomas, gaya ng pagkakaroon ng dengue rash.

    Kapag may lumabas na rashes sa katawan ng may dengue, sinusuri ng doktor ang hitsura nito. Bukod sa mga clinical examination sa mga sintomas na ginagawa ng mga doktor, isinasagawa rin ang blood test para talagang makumpirma kung dengue nga ang sakit.

    Ano ang dengue rashes?

    Ang dengue rash o rashes ay isa lamang sa mga sintomas kapag may sakit na dengue ang isang tao. Karaniwang lumabas ito sa loob ng tatlo hanggang apat na araw ng paglalagnat at napapalibutan ang buong mukha at katawan.

    Itsura

    Ang rashes ay mga maliit at mapulang pantal sa balat. Hindi ito nakaumbok o nakapaibabaw sa balat, kaya hindi magaspang sa pandama. Hindi ito halos maramdaman ng kamay kapag idinampi o hinaplos ang balat.

    Pagiging makati

    Minsan maaaring maging makati ang mga pantal at mas nakaradagdag ito ng iritasyon at hindi pagiging komportable lalo na't may lagnat. Kapag may makating rashes, maaaring makaranas din ng mas pagiging sensitibo ng balat kasama ng pamamaga ng mga palad o talampakan.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Anong dapat gawin kung may dengue rashes?

    Maaaring mawala ang mga pantal kapag nagsimula na ring mawala ang lagnat at nagsisimula nang gumaling. Dahil dynamic, o nagbabago, ang sakit na dengue, ang lagnat ay minsan nawawala, pero bigalang bumabalik.

    Karaniwang mga bata ang nagkakaroon ng dengue rashes, ayon sa Medscape. Tinatawag din itong saddleback fever. Kaya naman ipinapayo ng mga ekspertong bantayang mabuti ang mga rashes kung dumarami o nawawala na.

    Sakali namang lagnatin ulit, lumalabas ang rashes sa loob ng isa hanggang dalawang araw pagkaraan ng pagbaba ng lagnat. Tumatagal naman ang rashes mula isa hanggang limang araw.

    Maaaring indikasyon din kasi ang pagdami ng mga rashes sa pagbaba ng platelet count. Kapag nangyari ito, nangangailangan ng masusing pagbabantay para maiwasan ang iba pang komplikasyon at mauwi sa mas malalang sitwasyon.

    Kung may dengue rash, agad na magpakonsulta sa doktor. Kapag nararanasan din ang ibang sintomas ng dengue at hindi pa nakapagpapakonsulta, magpahinga lamang. Uminom ng maraming tubig para manatiling hydrated, lalo na kung mataas ang lagnat.

    Maaaring uminom din ng mga paracetamol na mabibili ng over-the-counter sa mga botika para makontrol ang paglalagnat at maibsan ang anumang pananakit ng katawan.

    Paano makakaiwas sa dengue

    Walang direktang gamot para sa dengue, pero ang mga kaakibat na sintomas nito ay maaaring magamot. Maayos din mapamahalaan ang mga sintomas para agad na gumaling at maiwasan ang paglala ng sitwasyon o magdulot ng ibang komplikasyon. Isa kasi ang dengue virus ay sa endemyang sakit na pinakamabilis dumami o kumalat.

    Mahigpit ang panawagan ng DOH sa publiko na palagiang maglinis ng bahay at bakuran. Dahil ang unang hakbang para makaiwas sa dengue ay magsisimula sa tahanan.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Pinapaigting ng DOH ang ang kampanyang 4S kontra-dengue:

    Search and destroy mosquito-breeding sites

    Malaking tulong na mahanap at mapuksa ang mga pinamumugaran (breeding sites) ng mga lamok. Pangunahin dito ang mga lugar kung saan naiipon ang tubig, tulad ng maduming estero, nakatiwangwang na gulong, basurang lata, at iba pa.

    Secure self-protection measures

    Mga halimbawa nito ang pagsusuot ng pantalon (long pants) at pang-itaas na may mahabang manggas (long sleeved shirts), pati na paggamit araw-araw ng pantaboy ng lamok (mosquito repellent).

    Seek early consultation

    Kung ikaw o iyong anak ay may nararamdaman ng mga sintomas ng dengue, mahalaga na magpasuri na sa doktor.

    Support fogging/spraying

    Makipagtulungan sa inyong barangay sa pagtukoy sa hotspot areas, kung saan tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit sa dalawang magkasunod na linggo. Magsasagawa ang barangay ng pagpapausok (fogging/spraying) nang mapuksa ang mga lamok at maiwasan ang outbreak.

    Mainam na sundin ang ganitong kampanya nang maiwasan ang mabilis na paglaganap ng kaso ng dengue sa komunidad. Paalala ng mga eksperto na huwag nang hintayin na dapuan ng sakit hanggang makaramdam ng mga sintomas, tulad ng dengue rashes.

    ---

    Mga pinagkunan ng impormasyon:

    DOH Reminds Public to Do the 4-S Against Dengue

    https://doh.gov.ph/node/16849

    Dengue: Symptoms and Treatment

    https://www.cdc.gov/dengue/symptoms/index.html

    How is rash characterized in dengue?

    https://www.medscape.com/answers/215840-43504/how-is-rash-characterized-in-dengue?reg=1

    Read also Dengue Outbreak Guidelines from Pediatricians

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles