Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
Bakit Kailangan ang Hepatitis B Vaccine ni Baby Bago Lumabas ng Ospital
PHOTO BY iStock
  • Isa ang hepatitis B sa mga pangunahing problema sa bansa pagdating sa kalusugan. 20 hanggang 30% ng mga taong nagkakaroon nito na may edad 30 hanggang 50 ay nagkakaroon ng chronic liver infection. Ayon sa World Health Organization (WHO), 9,000 ang namamatay taun-taon dahil sa chronic liver disease. Bagamat walang lunas para sa hepatitis B, mayroong bakuna para rito, kaya napakaimportanteng makatanggap ng HBV vaccine o hepatitis B vaccine ang iyong sanggol bago siya lumabas ng ospital.

    Noong 2018, ipinahayag ng Hepatology Society of the Philippines (HSP) na “in Filipino babies without contraindications, hepatitis B vaccination is recommended within 24 hours of birth.” (Kung walang kontraindikasyon, , inirerekomendang mabakunahan ang mga sanggol ng hepatitis B vaccine sa loob ng 24 oras ng kapanganakan.) Ito ay para masiguro ang bisa ng bakuna na maiwasan ang impeksyon, ayon sa Department of Health (DOH).

    Ano ang hepatitis B?

    Ang hepatitis B ay isang virus na umaatake sa atay. Ayon sa hepatitis B Foundation, kilala ito bilang “silent epidemic” dahil karamihan sa mga may sakit nito ay walang nararamdamang sintomas kung hindi pagkalipas ng maraming taon, kapag mayroon na sila ng mga sakit tulad ng hepatitis (pamamaga ng atay), cirrhosis (malubhang sakit sa atay) o liver cancer (hepatocellular carcinoma). Dahil dito, hindi rin nila namamalayan na maaring nakahawa sila ng iba.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    “Among Filipinos, hepatitis B is the leading cause of liver damage resulting to cirrhosis and cancer,” (Sa mga Pilipino, hepatitis B ang pangunahing dahilan ng sakit sa atay na nagdudulot ng cirrhosis at cancer) ayon sa dating Secretary of Health Dr. Paulyn Jean Ubial sa isang article sa SmartParenting.com.ph. Dagdag pa niya, 7.3 milyong Pilipino ay may hepa B, at liver cancer ang pangalawang pinaka-nakamamatay na cancer sa bansa. 

    More from Smart Parenting

    Mga sintomas ng hepatitis B

    Ang hepa B virus ay maaring acute o chronic. Ang acute hepatitis B ay isang panandaliang sakit na lumilitaw sa loob ng anim na buwan matapos ma-expose sa virus ang isang tao. Ilan sa mga sintomas ay ang mga sumusunod:

    • Lagnat
    • Mabilis mapagod
    • Walang ganang kumain
    • Pagkahilo
    • Pagsusuka
    • Sakit ng tiyan
    • Madilaw na kulay ng ihi
    • Kulay clay na tae
    • Sakit sa kalamnan at kasu-kasuan
    • Paninilaw ng balat at puti ng mata

    Ang chronic hepatitis B naman ay isang sakit na tumatagal at maaring hindi magpakita ng kahit anong sintomas, pero pwede itong magdulot ng matinding pagkasira ng atay na maaring nakamamatay.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Paano kumakalat ang impeksyon

    Naipapasa ang virus sa dugo at fluid na dumadaloy sa katawan. Maari itong maipasa ng isang ina sa kanyang anak habang kanya itong ipinagbubuntis o matapos ipanganak, kahit hindi niya alam na meron siyang hepa B. Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention, pwede ring maipasa ang virus sa pamamagitan ng:

    • Paggamit ng razor o sipilyo ng taong may hepatitis B
    • Kung mahahawakan ang dugo o sugat ng taong may virus
    • Pakikipagtalik
    • Paggamit ng karayom o syringe na ginamit ng taong may hepa B
    • Pagka-expose sa dugo ng taong may hepa B gamit ang karayom o iba pang matulis na bagay

    Paano ito ginagamot

    Wala pang natatagpuang gamot para sa hepatitis B, pero may ilang bagay na makakatulong kung ikaw ay may acute hepatitis B tulad ng pagkakaroon ng sapat na pahinga, pagkain ng tama at pag-inom ng maraming tubig. Makakatulong rin ang pagtungo sa ospital kung ang pasyente ay hindi makakain nang maayos o nagsusuka. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    May mga gamot na nirereseta ang mga doktor para sa mga may chronic hepatitis B, depende sa pangangailangan ng may sakit. Kailangang i-monitor ng maigi ang mga taong may chronic hepatitis B, kahit wala silang nararanasang sintomas para malaman nang maaga kung nagdulot na ito ng komplikasyon sa kanilang atay gaya ng cirrhosis at liver cancer.

    More from Smart Parenting

    Paano kung may hepatitis B ang iyong baby?

    Karamihan sa mga bagong-silang na sanggol na nakakuha ng virus ay hindi magpapakita ng mga sintomas, pero may 90% na posibilidad na magkaroon sila ng chronic o panghabang-buhay na hepatitis B. Ganun din ang mga sanggol at maliliit na bata. “The younger a person is when infected, the higher the chance that he or she will have a life-long infection with the virus,” sabi ng HSP. (Mas maaga nilang nakuha ang virus, mas malaki ang posibilidad na maging paghabang-buhay ang infection nito sa kanila.)

    Kaya napakaimportanteng mabakunahan sila ng HBV vaccine – pinoprotektahan nito ang lahat ng mga sanggol (may hepa B man ang nanay o wala) para hindi nila makuha ang virus, at maiwasan ang seryosong komplikasyon sa atay hanggang pagtanda.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kailan dapat magpa-bakuna

    Tatlong beses ibinibigay ang hepatitis B vaccine simula kapanganakan. Bahagi ito ng Childhood Immunization Schedule na inilalabas taun-taon ng Philippine Pediatric Society (PPS) at Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines (PIDSP), kasama ang Philippine Foundation for Vaccination (PFV)

    Sa Pilipinas, kasama ang hepatitis B immunization sa Maternal, Newborn, Child Health and Nutrition package ng DOH. Ito ay libre at sapilitan sa lahat ng sanggol, ayon sa nakasaad sa Republic Act 10152 (An Act Providing for Mandatory Basic Immunization Services for Infants and Children).

    Tatanggap ang mga sanggol ng HBV vaccine sa mga sumusunod na edad:

    • Pagkasilang sa kanila
    • Isa hanggang dalawang buwan
    • Tatlo hanggang apat na buwan

    Kapag natapos na ang tatlong dose ng hepatitis B vaccine, 98% ng malulusog na sanggol ang nagkakaroon ng sapat na proteksyon sa virus, ayon sa American Academy of Pediatrics (AAP).

    Mas mainam kung matatapos ang HBV vaccine sa loob ng 6 hanggang 18 buwan. Para sa mga sanggol na ipinanganak sa inang may hepatitis B, isang karagdagang shot na tinatawag na hepatitis B immune globulin (HBIG) ang ibinibigay pagkapanganak. “HBIG gives a baby’s body a ‘boost’ or extra help to fight the virus as soon as he is born,” ayon sa CDC. (Tinutulungan ng HBIG na labanan ang virus sa oras na ipanganak ang sanggol.)

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Hinihikayat ang mga bata hanggang edad 19 taon na magpabakuna ng HBV kaagad. Pwede rin ito sa mga taong may edad na 19 pataas, pero kailangan muna nilang kumonsulta sa doktor. 

    Ligtas ba ang hepatitis B vaccine?

    Ayon sa CDC, ang HBV vaccine ay gawa rin sa hepatitis B virus, pero hindi ito magdudulot ng impeksyon. Ito ay ligtas at mabisa sa pag-iwas sa hepatitis B.

    Karamihan ng mga taong tumatanggap ng bakunang ito ay walang nararanasang kahit anong side effect. Subalit meron rin namang nakakaranas ng pamamaga ng bahagi ng katawan kung saan binakunahan, at mababang lagnat. Sinisiguro rin ng AAP na ligtas ito para sa mga sanggol.

    Hindi inirerekomenda ang bakunang ito para sa mga taong may yeast allergies o may hindi magandang reaksyon sa vaccine, ayon sa Hepatitis B Foundation website.

    Bukod sa paninigurong mababakunahan ang inyong baby sa loob ng 24 oras pagkasilang, mariin ring hinihikayat ng HSP ang mga buntis na magpa-test para sa hepatitis B. May mga blood test na pwedeng gawin para malaman kung mayroon silang hepa B. “Knowing whether a pregnant mother has hepatitis B is important because transmission of the virus can be prevented.” (Mahalagang malaman kung may hepatitis B ang buntis para maiwasang maipasa niya ang virus sa kanyang anak.)

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Para sa kumpletong listahan ng Childhood Immunization Schedule of 2019, i-click ito

    Ang mga impormasyong nakalahad dito ay nagmula sa Why Your Newborn Shouldn't Leave the Hospital Without the Hepatitis B Vaccine

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles