;
embed embed2
  • Nasaktan Ang Isang 7-Year-Old Sa Davao Dahil Sa Sumabog Na Lobong Ito

    Imbes na helium ang hangin sa loob ng lobo, ang delikadong hydrogen ang laman nito.
    by Jocelyn Valle .
Nasaktan Ang Isang 7-Year-Old Sa Davao Dahil Sa Sumabog Na Lobong Ito
PHOTO BY Tina Co
  • Hindi nawawala ang mga lobo sa mga pagdiriwang, lalo na kung children’s party. Bilang palamuti, tunay na nakakadagdag sila ng kulay at sigla. Kaya ginagamit pa minsan sa parlor games. 

    Ang problema, napapadalas ang mga aksidenteng sangkot ang lobo sa iba-ibang bahagi ng mundo. Nariyan ang balloon explosion sa India, Malaysia, at Thailand. Napatunayan sa mga imbestigasyon na hindi ang nakagawiang helium ang hangin na nasa loob ng mga lobo. Bagkus, hydrogen ang laman ng mga iyon.

    Dito sa Pilipinas, isang pamilya sa Davao City ang nakaranas ng pagsabog ng lobong puno rin ng hydrogen nito lang 2021. Ibinahagi ng mommy na si Tina Co ang kuwento sa isang Facebook post.

    Aniya, ang sumabog na lobo ay parte ng balloon bouquet na ginamit sa 7th birthday ng kanyang anak na lalake. “Nicely done” raw ang arrangement ng mga lobo kaya nagpasya silang itabi ang balloon bouquet hanggang maubos ang hangin at mangulubot ang mga ito.

    Noong gabi ng February 6, napagkatuwaan ng birthday boy at kanyang mga kapatid ang pinakamalaking lobo sa balloon bouquet. Pinagpasa-pasahan nila ang lobo na parang beach ball, at nakisali pa ang kanilang mga magulang sa paglalaro. 

    Pagkatapos, sabi ni Tina, binitbit ng birthday boy ang lobo pagpunta nito sa kuwarto. Bigla na lang daw silang nakarinig ng malakas na pagsabog at nakaramdam ng pagyanig sa bahay. Nakita pa raw nila ang spark o apoy kasabay ng tunog na “boom.”

    Dali-dali daw nilang pinuntahan ang bata sa kinaroonan nito. Nakita nilang nagkalat ang pira-pirasong lobo sa kuwarto. Mayroong dumikit sa kisame at marami pa ang natunaw sa sahig. May dumapo sa braso ng bata at napaso ito nang bahagya. Pero himalang hindi napuruhan ang kanyang mukha at mga mata.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Laking pagtataka ni Tina at kanyang asawa kung bakit nagkaroon ng pagsabog. Alam daw nila na ligtas gamitin ang helium dahil hindi ito sumasabog. Doon nila naisip na baka hindi helium ang ginamit ng balloon seller. Malamang hydrogen, na mas mura (“1/4 the cost of helium”) pero lubhang delikado. 

    Nagkatotoo ang hinala ng mag-asawa nang sumagot ang balloon seller sa message ni Tina. Humingi ng dispensa ang balloon seller. Umamin siya na hydrogen ang laman ng mga lobo at nakalimutan ng kanyang staff na maglagay ng warning sticker. 

    Paliwanag ni Tina na hindi niya pakay na hiyain ang balloon seller sa kanyang Facebook post. Ang nais niya ay paalalahanan ang mga magulang na huwag bayaan ang mga anak na maglaro ng mga lobo. Hindi raw nakakasiguro kung helium o hydrogen ang laman ng mga iyon.

    Pagkakaiba ng helium sa hydrogen sa balloon

    Tinuturing na “special gas” ang helium dahil hindi ito nasusunog. Kaya tinatawag din itong noble gas. Kabaliktaran naman ang hydrogen na mabilis masunog. Kapag nalapit sa apoy, kahit mula lang sa posporo, sumasabog talaga ang hydrogen.

    May mga test na ginawa ang Public Lab na nagpapakita kung paano sumasabog ang lobong puno ng hydrogen. Bukod sa open flame, puwede ring maging mitsa ng sunog ang static electricity kapag nadikit sa hydrogen. 

    Ang balloon explosion sa Malaysia ay pinaniniwalaang nagmula sa cigarette lighter. Mga paputok o firecrakers naman daw ang dahilan ng balloon explosion sa India.

    Sa Thailand, sinasabing nag-leak ang hydrogen mula sa lobong hawak ng 6-year-old boy. Sakto namang binubunot niya ang cellphone mula sa pagcha-charge nito sa loob ng lulan niyang kotse. Nagkaroon daw ng spark kaya tuluyang sumabog.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Sa kaso ng anak ni Tina sa Davao City, walang sangkot na open flame, firecrackers, o cellphone. Kaya ang suspetsa niya at kanyang asawa, “friction could have triggered the explosion plus the leaking of oxygen/hydrogen.”

    Hindi na raw kailangan ng spark o open flame dahil, ayon sa kanilang research, puwedeng mag-react ang hydrogen kasabay ng oxygen at friction upang makagawa ng energy.

    Kaya naman, aniya, “The big balloon contained tiny balloons inside, which was a recipe for disaster.”

    Kailangan ng regulasyon 

    Dahil sa balloon explosion, naghain si Davao City councilor Maria Belen Acosta ng panukala para maging "regulated" ang paggamit ng hydrogen na hangin sa lobo. Sa ganyang paraan daw maiiwasan ang posibleng panganib para sa mga bata at pinsala sa mga ari-arian.

    Paliwanag ng councilor na nakakabahala na mas pinipili ng balloon sellers ang hydrogen dahil mas mura ito kesa sa helium, na siya namang ligtas na gamitin. Diin niya na ang hydrogen ay “notoriously flammable” at isang “dangerous substance." 

    Ayon sa news report, nai-file sa ilalim ng first reading ang panukala ni Acosta. Tatalakayin itong muli ng committee on Peace and Public Safety para sa public consultation tungo sa paggawa ng mga probisyon at pagpataw ng mga multa. 

    Para sa national level, maaaring makakuha ng ideya mula sa gobyerno ng Thailand. Tinutulak ng kanilang Consumer Protection Board na gawing "controlled goods" ang hydrogen balloons. Dapat din daw mag-display ang balloon sellers ng warning na nagsasabbing, "Do not place near flame or heat." 

    Mainam din ang naisip ng kanilang Disease Control Department na maglabas ng warning at guidelines para mabawasan ang insidente ng balloon explosion.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kabilang dito ang hindi pag-iiwan ng lobo sa loob ng kotse habang naka-park sa ilalim ng init ng araw. Isa pa ang hindi pagtatali sa mga lobo nang hindi sila magdikit-dikit at gumawa ng friction.

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.
Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles