Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
  • Mga Red Flags Kung Nahulog Mula sa Kama o Mataas na Lugar ang Iyong Anak

    Ang pagkamatay ng isang 11-taong gulang na batang lalaki na nahulog mula sa kanyang bunk bed ay isang paalala na kailangang matutunan at maintindihan ng ating mga anak ang mga medical emergency.
Mga Red Flags Kung Nahulog Mula sa Kama o Mataas na Lugar ang Iyong Anak
PHOTO BY iStock
  • Uso ang bunk bed sa mga pamilyang may dalawa o higit pang anak, lalo na kung sila ay nasa iisang kwarto — bukod sa nakatitipid ng espasyo, gusto rin itong tulugan ng mga bata. Ngunit alam ninyo ba na may panganib ring dala ang ganitong klase ng kama — gaya ng nauntog na ulo — na siyang pwedeng maging sanhi ng aksidente?

    Noong Setyembre 29, 2018, isang 11-taong gulang na batang lalaki ang namatay matapos mahulog mula sa itaas ng bunk bed ng isang dormitoryo sa Rizal Memorial Complex. Ang bata ay isa ring atleta ng wushu at kasama sa national training pool.

    Ayon sa ulat ng Spin.ph, alas tres ng Sabado ng umaga nang mahulog si Rastafari Daraliay mula sa tuktok na bahagi ng bunk bed. Bumalik siya sa pagtulog matapos sabihin sa mga teammate na ayos lang siya, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na siya nagising. Isinugod siya sa ospital kung saan siya ay pumanaw na.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Iniulat ng morning news show na Unang Hirit na ang nakasaad sa death certificate ni Daraliay ay "epidural hemorrhage and skull fracture." Ayon sa Healthline, ang epidural hemorrhage or hematoma ay "nangyayari kapag may namumuong dugo sa pagitan ng bungo at ng lamad na proteksyon ng utak" (“occurs when a mass of blood forms in the space between your skull and the protective covering of your brain.")

    Mahirap matukoy kung gaano kalala ang isang head injury. Ito ang rason kung bakit mahalagang ituro sa inyong mga anak na huwag balewalain ang mga aksidenteng may kaugnay sa pagkahulog, lalo na kung nauntog ang kanilang ulo nang wala kayo sa kanilang tabi. Kung mangyaring mahulog sila at matamaan ang kanilang ulo, kailangang matutunan nilang sabihin ito sa taong mas nakatatanda sa kanila.

    Itinatayang 20 hanggang 50% ng mga pasyenteng nagkaroon ng epidural hematoma ay nakaranas ng "lucid interval." Sa una ay mukhang maayos ang kanyang pakiramdam, pero ito ay pansamantala lamang. Pagkaraan ng ilang minuto o oras, mabilis na lalala ang kaniyang kondisyon — maaari siyang mawalan ng malay, magkaroon ng matinding sakit ng ulo, panlalabo ng paningin, pagkalito, pati na ang bulol na pananalita (slurred speech). Kailangan nang dalhin sa emergency room ang pasyente sa sandaling maranasan ang lahat ng mga sintomas na nabanggit.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Mga red flags kung sakaling mahulog mula sa bunk bed o mataas na lugar ang inyong anak

    Una, kailangang suriin kung may physical injuries (hal. sugat, galos, bukol, o bali) at lapatan ito ng paunang lunas, sabi ni Dr. Faith Buenaventura-Alcazaren, M.D., isang pediatrician mula sa Marikina Doctors Hospital and Medical Center. Suriin ang ulo kung may pasa o bukol, ang bandang tiyan kung may kahit anong senyales ng pamamaga, at ang mga braso at binti kung sila ay nakagagalaw nang sabay at hindi nalilimitahan ng kahit anong pananakit.

    Kung ang inyong anak ay walang malay o mahirap gisingin, nagsusuka ng may puwersa (projectile vomit), at pabiglang gumagalaw ang kanyang mga braso't binti (rhythmic jerking), dalhin na siya agad sa ospital. Maaaring nakararanas ng pagdudugo ang kaniyang utak.

    Kung siya ay nahulog mula sa mas mataas na lugar (kumpara sa regular na kama), at ito ay isang high impact injury (hal. mula sa pagtalon), dalhin na agad sa emergency room (ER) upang masuri, payo ni Dr. Buenaventura-Alcazaren.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Kung kayo ay nagbabalak bumili ng bunk bed para sa inyong mga anak, narito ang ilang panuntunang panggabay mula sa American Academy of Pediatrics (AAP) at Center for Injury Research and Policy para sa kaligtasan ng inyong mga anak:

    Isaalang-alang ang edad ng anak

     Ayon sa mga pag-aaral, karamihan ng mga aksidenteng bunk bed-related ay nangyayari sa mga bata anim na taong gulang pababa. Inirerekomenda ng AAP na iwasang patulugin sa itaas ng bunk bed ang mga batang edad anim na taong gulang pababa.

    Isandig ang kama sa dingding

     Ilagay ang bunk bed sa kanto ng kwarto upang ang dalawang gilid ay nakadikit sa dingding. Matutulungan nitong maiwasang mahulog ang inyong anak mula sa kama.

    Lagyan at siguraduhing nakakabit ang guard rails

     Ang paglalagay ng guard rails ay nakatutulong harangan ang inyong anak upang hindi siya mahulog o gumulong mula sa kama. Dapat ay may guard rails ang parehas na gilid ng itaas na bahagi ng bunk bed. Ang taas ng guard rail ay dapat hindi bababa sa limang pulgada mula sa itaas ng kutson.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kung may higit sa 3.5 pulgadang puwang ang ibaba ng kutson at ang guard rail, magdagdag pa ng isang guardrail upang mapunan ang puwang. Ayon sa New York City Department of Health, ang puwang sa pagitan ng bawat guard rail at ng banghay (frame) ng kama ay hindi dapat bababa sa 3.5 pulgada para maiwasang masakal o maipit ang inyong anak.

    Suriin kung ito ay matibay

    Ang itaas na higaan ng bunk bed ay dapat pirmi at hindi mauga. Lagyan ng karagdagang kahoy o bakal ang banghay ng kama upang suportahan ang kutson nang sa ganoon ay hindi ito mahulog.

    More from Smart Parenting

    Gumamit ng hagdan

    Turuan ang inyong anak na palaging gamitin ang hagdan para umakyat at bumaba mula sa bunk bed. Ipaalala na huwag gamitin ang ibang muwebles (hal. upuan, mesa) at guard rails ng kama para umakyat at bumaba mula sa kama.

    Siguraduhing nakakabit nang maayos ang hagdan para maiwasang madulas. Maaari ring magdagdag ng nightlight malapit sa hagdan upang makakita nang malinaw ang inyong anak sakaling kailangan niyang bumaba sa kalagitnaan ng gabi.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Iwasang magharutan (playing rough)

     Kausapin ang inyong mga anak at gawing patakaran na bawal magharutan sa kama. Pwede lang umupo at humiga sa kama at bawal tumalon, lalo na sa itaas ng bunk bed.

    Panatilihing malinis ang kama.

    Paalalahanan silang huwag gawing tambakan ang kanilang kama. Huwag magsabit ng mga bagay gaya ng sinturon, tali, at damit dahil maaari itong makasakal. Alisin din ang mga bagay na matutulis mula sa kama.

    Marapat ding inspeksyunin ng mga magulang ang kalagayan ng bunk bed. Siguraduhing nakakabit nang maayos ang mga guard rail at hagdan, pati na ang kabuuang banghay ng kama.

    Sakaling mahulog ang inyong anak mula sa itaas na bahagi ng kama o mauntog nang malakas ang kanyang ulo, turuan siyang sabihin ito sa mas nakatatanda sa kanya (kahit anong oras pa man ito mangyari) upang masuri kung talagang okay lang ba siya o kailangan na siyang dalhin sa ER.

    Ang mga impormasyong nakalahad dito ay nagmula sa What You Need to Teach Your Child If He Hits His Head After a Fall

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

View More Stories About
View more articles