embed embed2
Hindi Nakakahawa Ang Dengue, Pero Naipapasa Ang Sakit Sa Ganitong Paraan
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Halos kalahati ng populasyon ng mundo ay naninirahan sa mga lugar kung saan mataas ang panganib ng dengue, kabilang na ang Pilipinas. Kaya marami ang nagtatanong kung paano naipapasa ang sakit na dengue, na kadalasang mga bata ang tinatamaan.

    Mga dapat malaman tungkol sa dengue

    Isang mosquito-borne illness ang dengue, ayon sa Mayo Clinic. Ginagamit ng mga lamok, partikular ang babaeng lamok, ang kanilang proboscis, o ang tila tubo na bibig, para sugatan ang balat ng madadapuan nilang tao o di kaya hayop. Tinatawag na host ang mga nakagat na tao o hayop.

    Mula sa sugat, sisipsipin ng lamok ang dugo ng host. Kailangan ng mga babaeng lamok ang mga bitaminang nasa dugo ng host para makagawa sila ng mga itlog. Kaya nilang mangitlog sa isang patak ng tubig, kaya talaga namang napakabilis din talagang dumami ng mga lamok.

    Naaakit din ang mga lamok sa body odors, carbon dioxide, at sa init mula sa katawan ng tao at mga hayop. Karamihan sa mga lamok ay pumipili ng oras ng pag-atake, at madalas tuwing madaling-araw o sa dapithapon.

    Habang kumukuha ang mga lamok ng dugo sa host, nagi-inject din sila ng laway sa balat. Ang laway ng lamok ay mayroong anticoagulants at anti-inflammation substances na pumipigil sa bloodclotting. Dahil dito, hindi nata-trap ang kanilang proboscis sa host.

    Sa oras na maramdaman ng katawan ng tao ang foreign substances, agad magpapakawala ang immune system ng histamine at cytokines. Ang mga ito ang sanhi ng pangangati ng balat kapag nakakagat tayo ng lamok sa alinmang bahagi ng ating katawan.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kapag ikaw o ang anak mo ang nakagat ng lamok, hindi lamang ang pangangati ng balat ang dapat mong alalahanin. Mas malala ang kakayahan ng mga lamok na ito na magdala ng iba't ibang sakit, at isa nga sa mga ito ang dengue.

    Paano naipapasa ang sakit na dengue

    Hindi nakakahawa ang dengue, ayon sa mga eksperto, at hindi ito naipapasa sa pamamagitan ng paghawak sa taong meron nito. Maipapasa lang ang dengue kapag nakagat ang taong may dengue ng lamok na kabilang sa grupo ng Aedes genus. Ang virus na nasa dugo ng taong may dengue ang magdadala ng impeksyon sa lamok.

    Mula sa tiyan ng lamok, mapupunta ang virus sa salivary glands nito at saka doon pa mas lalong magpaparami. Buong buhay ng mga lamok na ito, patuloy lang ang pagkakalat ng nasabing mga virus.

    Kabilang ang dengue virus sa virus family Flaviviridae, at naipapasa ito sa pamamagitan ng kagat ng lamok na Aedes aegypti at Aedes albopictus. Karaniwang may puting marka ang binti ng mga lamok na ito. Kilala rin sila sa pagkakalat ng zika virus, yellow fever, chikungunya, at iba pang disease agents.

    Karaniwang nakikita ang lamok na ito sa mga bansang may mainit na klima dahil sa ganoong environment higit silang dumarami. Hindi na lamang sa Southeast Asia makikita ang mga lamok na ito dahil nakarating na rin sila sa ibang mga rehiyon dahil sa palitan ng mga produkto, urbanisasyon, at pagbiyahe ng mga tao sa buong mundo.

    Pinaniniwalaang ang dengue virus ang pinakakaraniwang arthropod-borne disease, at endemic ito sa 100 na mga bansa. Halos kalahati ng populasyon ng mundo ay naninirahan sa mga lugar kung saan mataas ang risk ng dengue.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Noong 2017, nasa 44,000 ang mga kaso ng dengue sa Pilipinas. Ayon kay Dr. Carmina Delos Reyes, isang pediatrician at kasapi ng Philippine Pediatric Society, hindi na lamang sa tag-ulan dumarami ang kaso ng dengue fever. Paliwanag niya, “Dati sa Pilipinas, seasonal ang occurrence ng dengue. Tag-ulan at tag-baha, doon lang ang rise in cases. Ngayon, all-year round meron tayong dengue.”

    Taong 2019 nang magdeklara ang Department of Health (DOH) ng National Dengue Alert. Iniulat ng ahensya nitong mga nakaraang mga taon na bumaba na ang kaso ng dengue sa bansa. Sa isang panayam noong 2021 sa DOH Western Visayas, binanggit ni DOH WV Center for Health Development (DOH WV CHD) entomologist na si Malou Monegro na patuloy pa rin ang kampanya para sa dengue prevention sa gitna ng COVID-19 pandemic.

    Aniya, “Dengue is year-round so we could not eliminate the cases. But we reiterate the need for an enhanced 4S – search and destroy of mosquito-breeding sites, secure self-protection, seek early consultation and support fogging and spraying in hotspot areas."

    Ang Iloilo province, halimbawa, ay mayroong “Limpyo Iloilo (Clean Iloilo)” na inilunsad noong nakaraang taon para mabawasan ang dengue cases, at ito ay sa tulong na rin ng local government units (LGUs). Kailangan pa rin mag-ingat dahil nagkakaroon ng surge kada tatlong taon, paalala ni Monegro.

    Mga sintomas ng dengue

    Kapag nakagat ng lamok na may hatid na dengue, nasa apat na araw ang incubation period ang pagkakaroon ng dengue fever. Ang mild symptoms ng dengue ay madalas ding maiugnay sa iba pang mga karamdaman o kondisyon na nagdudulot ng lagnat, pananakit ng katawan, o rashes. Kapag infected na, magkakaroon din ng discrete macular o maculopapular rash.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Higit na makukumpirma kunng dengue nga ito kapag ang lagnat at may kasama na ring:

    • Rash
    • Joint pain
    • Muscle pain
    • Pananakit ng ulo
    • Nausea at pagsusuka
    • Pananakit ng buto
    • Pananakit ng mga mata (tipikal na sa likod ng mata ang sakit)

    Ilan pa sa mga sintomas nito ang mga sumusunod:

    • Lumalambot at sumasakit ang tiyan
    • Dumudugo ang ilong o gilagid
    • Nagsusuka ng dugo, o may dugo sa dumi (stool)
    • Labis na pagod, hindi mapakali, o nagiging iritable

    Mainam pa rin ang agad na pagpapatingin sa doktor upang makasiguro at mabigyan ng wastong diagnosis. Kadalasang tumatagal ang mga sintomas ng dengue sa loob ng dalawang hanggang pitong araw. Karamihan ng nagkakaroon nito ay nakaka-recover din sa loob ng lima hanggang pitong araw.

    Kung hindi giginhawa ang pakiramdam, nagiging kritikal ang lagay ng pasyente. Bumabagsak ang platelet count at labis na ang panghihina. Sa mas malalalang mga sitwasyon, nariyan din ang retroorbital pain, myalgia, backache, sore throat, at pananakit ng tiyan.

    Nagiging walang gana o lethargic din ang mga pasyente at nakararanas ng anorexia at nausea. Maaari itong maging life-threatening. May ilan din na nagkakaroon ng komplikasyon tulad ng liver failure, acute kidney injury, at multiorgan failure.

    Mga paraan para maibsan ang dengue

    Paalala ng mga eksperto na walang ispesipikong gamot para sa dengue. Nama-manage lamang ang mga sintomas nito sa tulong ng mga doktor at healthcare providers. Supportive care, tulad ng painkillers at mga inumin, ang maibibigay sa pasyente upang manatili silang hydrated.

    Mahalaga ring bantayan ang white blood cells (WBC) at platelet count, at sikaping mapataas at maging normal ito. Ilan sa sinasabi ngunit hindi pa kumpirmadong nakatutulong na home remedies ay ang pag-inom ng isang pack ng Yakult at pagkain ng ice cream na vanilla ang flavor. Ilan pa sa nasubukan ng ibang pasyente ay ang tawa-tawa at papaya juice (na mula sa dahon ng papaya).

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Mahalagang sabihin din sa doktor kung saan ka nanggaling o bumiyahe upang matukoy kung saan posibleng nakuha ang dengue.

    Tandaan ang mga sumusunod na tips para sa mga may dengue:

    • Magpahinga nang mabuti
    • Uminom ng acetaminophen (kilala rin bilang paracetamol) upang bumaba ang lagnat at maibsan ang pananakit ng katawan.Iwasan ang aspirin o ibuprofen.
    • Uminom ng maraming tubig para hydrated ka. Uminom ng mga inuming mayaman sa electrolytes.

    Ang severe dengue ay medical emergency. Maaaring magdulot ito ng sumusunod na mga komplikasyon:

    • Liver injury
    • Cardiomyopathy
    • Pneumonia
    • Orchitis
    • Oophoritis
    • Seizures
    • Encephalopathy
    • Encephalitis

    Isa sa dalawampung taong nagkakaroon nito ay lumalala ang kondisyon. Posible rin itong mauwi sa shock, internal bleeding, at sa kamatayan.

    Kung dati ka na ring nagka-dengue, mataas ang pagkakataong magka-severe dengue ka sa susunod na pagkakataon. Kaya dapat maging maingat palagi.

    Ang mga sanggol at buntis ay napakataas ng risk ng severe dengue. Ayon sa ulat ng Centers for Disease Control and Prevention, maaari ring maipasa ng buntis na infected ng dengue ang virus na ito sa kanyang fetus o sa oras na ipanganak ang kanyang baby. May isang ulat na rin na nagsasaad na naipapasa ang sakit na dengue sa pamamagitan ng breast milk. Malungkot isipin na ilan ito sa mga paraan kung paano naipapasa ang sakit na dengue.

    Hindi ito karaniwang nangyayari ngunit kasama rin sa posibleng mga paraan ng pagkalat nito ang blood transfusion, organ transplant, needle stick injury, at iba pang laboratory, o healthcare setting exposures.

    Para makaiwas sa mga lamok, pati na dengue, siguraduhing walang nakatenggang tubig sa iyong paligid. Iwasan rin ang tubig na naiiwan sa loob ng matagal na panahon, tulad ng buckets o mga balde, flower pots, at lumang mga gulong- sa mga espasyong ito kasi madalas na nabubuo ng mga lamok ang kanilang lifcycle.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Basahin dito ang pinakapinagkakatiwalaang mga produkto na makatutulong sa inyong pamilya upang makaiwas sa dengue.

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles