-
Ang Pinkamainam Na Proteksyon Sa Ngayon Laban Sa Mysterious Virus Sa China
by Jocelyn Valle .
- Shares
- Comments

Naging alerto ang bansang Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) dahil sa isang “mysterious China disease” na may sintomas na parang pneumonia. Pinag-utos ni DOH Secretary Francisco Duque sa Bureau of Quarantine (BOQ) na pag-igtingin ang pagbabantay sa mga pumapasok sa bansa sa gitna ng mga ulat tungkol sa “unknown form of pneumonia” na lumalaganap sa Wuhan City sa China.
Pinaalalahan din ni Secretary Duque ang publiko, lalo ang mga kabibiyahe lamang sa China, na komunsulta sa doktor kung may nararamdamang flu-like symptoms. Binigyan diin niya ang pagsunod sa proper hand hygiene at cough etiquette para maiwasan ang pagkalat ng respiratory infections.
Ang wastong personal hygiene
Ibinahagi sa bansa ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Disease (PSMID) sa isang statement ang tamang kalinisan o hygiene para maiwasan ang respiratory tract infections o makahawa kung ikaw ay inuubo o sinisipon. May mysterious China disease o wala, paalala ng PSMID na ugaliin ang sumusunod:
- Ugaliing maghugas ng kamay, lalo na bago hawakan ang bibig, ilong, at mata. Gawin din ito pagkatapos humawak sa handrails at doorknobs, pagkagamit ng banyo, at kapag may respiratory secretion galing sa pag-ubo o pagbahing.
- Tandaan na maghugas ng mga kamay gamit ang tubig at sabon sa loob ng 40 hanggang 60 segundo. Maaari ding magpahid ng 70 hanggang 80 percent na alcohol o alcohol-based hand sanitizer sa loob ng 20 hanggang 30 segundo.
- Kung may ubo ay huwag kalilimutan ang mga sumusunod: takpan ang bibig at ilong gamit ang tissue paper kapag bumabahing o umuubo; itapon ang ginamit na tissue sa basurahan at hugasan ang mga kamay pagkatapos; magsuot ng plain surgical mask; ipagliban muna ang pagpasok sa trabaho o paaralan; iwasan ang mga mataong lugar; at magpatingin sa doktor kung kinakailangan.
- Magtanong din sa doktor tungkol sa influenza vaccine or flu shot sa taunang pagbabakuna.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWProteksyon sa respiratory infection kung lalabas ng bansa
Pagdating sa pagbibiyahe sa labas ng bansa, walang rekomendasyon ang World Health Organization (WHO) na maglilimita sa mga maglalakbay. Hindi rin ito sang-ayon sa pagpataw ng anumang travel o trade restrictions sa China. Mababa lang daw ang panganib na lumaganap ang sakit sa mundo. Pero may praktikal tips pa rin ang PSMID para sa karagdagang proteksiyon kung ikaw ay luluwas abroad.
- Iwasan ang paghawak sa mga ibon o manok at sa mga dumi nito. Kung maaari ay huwag pupunta sa mga poultry market o farm.
- Iwasan ang paglapit sa mga taong nagpapakita ng sintomas ng acute respiratory infections.
- Iwasan ang pagkain ng hilaw o hindi masyadong luto na animal products, kabilang na ang itlog, gatas, at karne. Huwag kumain ng mga kontaminado ng animal secretions at excretions, tulad ng ihi.
- Sakaling sumama ang pakiramdam habang bumibiyahe, lalo na kung may lagnat at ubo, ay masuot ng surgical mask at abisuhan ang hotel staff/tour escort, o di kaya ay magpatingin na sa doktor.
- Pagbalik mula sa biyahe ay komunsulta sa doktor kapag nilagnat at nakaramdam ng iba pang sintomas. Magsuot ng surgical mask papunta sa ospital at ilahad sa doktor ang pagbiyahe sa ibang bansa.
Ang napabalitang mga kaso diumano ng “pneumonia of unknown cause” kamakailan sa Wuhan City, China ay posibleng sanhi ng novel o bagong coronavirus na may koneksyon sa SARS-CoV at MERS-CoV, ayon sa WHO.
Noong 2002 ay nagkaroon ng outbreak ng Severe Acute Respiratory Syndrome Coronavirus (SARS-CoV) sa China at kumalat sa ibang bansa. Ilang daan ang naitalang namatay dahil dito, na ang karamihan ay sa China at Hong Kong.
CONTINUE READING BELOWwatch nowNoon namang 2012 umatake ang Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV), simula sa Saudi Arabia hanggang kumalat sa ibang parte ng rehiyon. Ilang daan din ang naiulat na naapektuhan nito.
Sa kasalukuyan ay wala pang naiulat na nasawi sa kaso ng mga respiratory illness sa Wuhan City na may populasyon na 19 million. Lagnat ang pangunahing sintomas na naramdaman ng mga dinapuan nito, ayon sa ulat ng WHO noong December 31, 2019. Ang ilang pasyente ay nakaranas ng hirap sa paghinga at, batay sa chest X-ray, may invasive lesion sa kanilang mga baga.
Wala pa ring napag-alamang human-to-human transmission ng nasabing coronavirus sa lugar na iyon. Ganyunpaman, ang mga karagtig-bansa nito, tulad ng Hong Kong at Singapore, ay pinayuhang maghigpit sa pagpasok ng mga galing Wuhan City.
What other parents are reading

- Shares
- Comments