-
10 Senyales Ng Post Traumatic Stress Disorder Sa Bata At Paano Makakatulong Ang Magulang
by Jocelyn Valle .
- Shares
- Comments

Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Tulad ng adults, maaaring dumaan ang mga bata sa mga pangyayaring nagdudulot ng stress at may epekto sa kanilang pag-iisip at pandama. Kadalasang nalalampasan ng mga bata ang ganitong stressful events. Pero meron sa kanila ang nagkakaroon ng matinding trauma, na dala-dala nila hanggang paglaki dahil sa post traumatic stress disorder.
Ano ang post traumatic stress disorder?
Isa itong mental health condition na kilala rin sa acronym na PTSD. Maaaring tamaan nito ang adults at mga batang dumaan sa trauma, o isang seryosong pangyayari na nagdudulot ng matinding takot para sa buhay at kaligtasan.
Mga halimbawa ng trauma na maaaring maging sanhi ng PTSD, lalo na sa mga bata, ayon sa Kids Health:
- Masamang aksidente o pinsala
- Biglaang pagpanaw ng magulang
- Bayolenteng pangyayari sa eskuwelahan o di kaya komunidad
- Kalamidad (natural disaster), pati na sunog
- Barilan o pambobomba (bombings)
- Pagiging punterya ng poot (hate) o di kaya banta ng pananakit
Mga dagdag na halimbawa ng traumatic events mula sa Standford Medicine Children's Health:
- Kagat ng aso at iba pang hayop
- Bayolenteng atake, tulad ng pagnanakaw, rape, torture, o di kaya kidnapping
- Pang-aabusong pisikal, sekswal, o di kaya emosyonal, kabilang ang bullying
- Pagkaabandona (neglect)
- Maselang prosesong medikal, tulad ng tuli (circumcision)
Base sa isang pag-aaral na naiulat sa United States National Library of Medicine, maraming mga batang Pinoy na lalaki at sumailalim sa tradisyonal na tuli ang nakaranas ng mga sintomas ng PTSD.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWAng traumatic event ay maaaring maging trigger ng PTSD sa bata kung:
- Nangyari ito mismo sa bata
- Nangyari ito sa taong malapit sa bata
- Nangyari ito habang napapanood ng bata
Paalala ng mga eksperto na hindi lahat ng trauma ay nagiging sanhi ng PTSD. Depende pa rin kung gaano kalala ang trauma at kung gaano kabilis nabigyan ng suporta ang bata para maharap ang trauma. Idagdag pa ang family history ng bata sa depression at anxiety.
Mga sintomas ng post traumatic stress disorder
Karaniwang hindi kaagad nakakaramdam ang bata ng mga sintomas, at dumadaan ng ilang buwan o di kaya taon bago lumabas ang mga ganitong senyales:
1. Pabalik-balik na alaala ng pangyayaring traumatic
2. Pagkakaroon ng masamang panaginip at problema sa pagtulog
3. Nagagalit kapag may nagpapaalala ng traumatic event
4. Kawalan ng positibong emosyon
5. Labis na takot o kalungkutan
6. Pagiging iritable
7. Pabugso-bugsong galit
8. Palaging nag-aabang ng posibleng banta at kaagad nagugulantang
9. Pakiramdam na walang magawa (helpless), nawawalan ang pag-asa (hopeless), o di kaya walang ganang makisalamuha (withdrawn)
10. Pag-iwas sa mga lugar o di kaya mga taong may kinalaman sa traumatic event
Kadalasan ding nagiging balisa at hindi mapakali ang bata, pati na walang atensyon at organisasyon ang pag-iisip, pagkatapos ng traumatic event, ayon sa U.S. Centers for Disease and Prevention (CDC).
Ang nangyayari tuloy nagpagsususpetsahan ang bata na mayroong sintomas ng attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD). Kaya mahalaga na komunsulta sa doktor nang mabigyan ng tamang diagnosis ang bata.
Diagnosis at treatment ng PTSD
CONTINUE READING BELOWwatch nowMasasabing merong PTSD ang bata kapag nakakaranas siya ng mga sintomas nang higit sa isang buwan at apektado na ang kanyang pamumuhay. Pero ang kanyang doktor ang magsasabi nito pagkatapos siyang bigyan ng mental health evaluation.
Pangunahing treatment sa PTSD ang therapy, pero puwede rin itong sabayan ng gamot para sa anxiety, mood problems, at sleep issues.
Trauma-focused cognitive behavioral therapy (TF-CBT) ang treatment para sa mga batang may PTSD. Ginagamit dito ang talk therapy, kung saan nagkakaroon ng pag-uusap ang bata sa kanyang therapist at gumagawa rin ng learning activities.
Ang trauma therapy naman para sa mga mas batang pasyente ay ginagamitan ng pag-uusap, paglalaro, paguguhit, at pagkukuwento. Mahalaga ang suporta ng magulang o tagapangalaga ng bata sa therapy nang maging ligtas ang pakiramdam ng bata at maging maging matagumpay ang treatment.
Tulong ng magulang sa anak na may PTSD
Bago pa makaranas ng PTSD ang anak, maaari mo siyang matulungan na malampasan ang traumatic event kung:
- Tuturuan ang bata na puwedeng siyang humindi sa sinumang nagtatakang hawakan siya sa katawan nang hindi tama at hindi siya kumportable
- Isusulong ang prevention programs sa komunidad o di kaya sa paaralan
Kung dumanas ang bata sa isang traumatic event, kahit wala pang diagnosis ng PTSD mula sa doktor, matutulungan mo ang anak sa ganitong mga paraan:
1. Aminin na nangyari ang traumatic event imbes na magkunwaring normal ang lahat.
2. Humingi ng payo mula sa mga bata o teenager na nakaranas at nalampasan ang epekto ng traumatic event.
3. Siguraduhing nasusunod ang appointment ng bata sa doktor. Maaaring umayaw siya sa umpisa ng therapy, pero kailangan mo itong tiyagain dahil kailangan niya itong gawin nang tuloy-tuloy sa loob ng ilang buwan.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW4. Gawing ligtas ang pakiramdam ng bata at makapag-relax siya.
5. Gawin ang mga bagay na pareho ninyong ini-enjoy.
6. Bigyan ng kumpiyansa ang bata na malalampasan niya ang trauma.
7. Sabihan ang teacher ng bata tungkol sa pinagdadaanan nitong post traumatic stress disorder nang maintindihan ang kawalan ng interes o hirap sa pag-focus.
Basahin dito kung paano magpalaki ng mga batang mentally strong.
What other parents are reading

- Shares
- Comments