embed embed2
Preauricular Sinus Ang Butas Sa Tabi Ng Tenga: Bakit Nangyayari  At Paano Ito Nagagamot
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Ilang beses nang napag-usapan ang preauricular sinus sa Smart Parenting Village, ang online community page ng Smart Parenting. Marami pa rin kasing hindi nakakaalam tungkol dito, kaya naman hindi maiiwasan ng magulang na matakot kapag nakakakita ng butas malapit sa tenga ng anak.

    Tulad ng isang mommy na nag-post  sa Smart Parenting Village ng litrato ng kanyang batang anak na nakatutok sa maliit na butas malapit sa tenga. Nagtatanong siya sa mga kapwa niya miyembro ng referral na ear, nose, throat (ENT) doctor para matignan ang namamagang tenga ng bata.

    Sagot ng isa pang mommy tungkol sa butas malapit sa tenga: "May ganyan po 'yung pinsan ko. Minsan namaga din. 'Yun pala napasukan ng tubig. Kaya ginawa niya plina-plaster niya tuwing naliligo 'tapos kalaunan pina-lazer para ipasara...Adult na 'yung pinsan ko po."

    Sabi ng isa pa nilang kamiyembro: "Meron din kami ng eldest son ko, pero di naman s'ya pinapasok ng tubig. Kasi siguro di s'ya ganun kalaki ang butas."

    Nagpatotoo naman ang mommy na nakaranas mismo: "Preauricular sinus. May ganyan po ako. Parang malalim na kanal po kase 'yan sa loob ng butas, 'yun po 'yung tinatangal pag di na nadala ng antibiotic. Prone po s'ya sa infection kaya best na 'wag laruin o pindut-pindutin.

    "Kaso pag di na talaga nagawa ng antibiotic, sina-suggest na talaga ng ENT na tanggalin na s'ya. Natanggal na 'yang ganyan ko. Laking ginhawa po. Minor surgery lang po 'yan. Kinabukasan, okay na po ako at walang iniisip na may mamaga ulit."

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Dagdag pa niya, "Namamana din yata s'ya kaya ngayon, 'yung baby ko naman may ganyan din, huhuhu! Di ko na lang ginagalaw din at pag malaki na s'ya, turuan ko s'ya na 'wag paglaruan' yung hole. Or pag kaya na n'ya, i-suggest ko na paalis na lang din."

    Ano ang preauricular sinus?

    Kilala ang preauricular sinus sa mga tawag na preauricular pit (o ear pit), preauricular cyst, at preauricular fissure. Pero iba pa ito sa preauricular skin tag (kuntil kung tawagin ng mga Pinoy), na nakausling balat sa harapan ng tenga at hindi nakakabit sa sinus tract.

    Ang preauricular pit, ayon sa Children's Hospital of Philadelphia (CHOP), ay isang sinus tract, o lagusan, na dumadaloy sa ilalim ng balat na hindi dapat. Mapapansin lamang ito sa pamamagitan ng isa o higit pa na maliit na butas sa may tabi o harapan ng tenga at nasa itaas ng ear canal. Minsan makikita rin ito sa ilalim ng ear canal at malapit sa lobe, o iyong parte ng tenga na kadalasang sinusuutan ng hikaw.

    Bakit nagkakaroon ng preauricular sinus?

    Sa ika-anim na linggo (week 6) ng pagbubuntis nabubuo ang auricle, o ang panlabas na parte ng tenga. Kapag nagkaaberya sa pagbubuo ng auricle, doon nagkakaroon ng preauricular sinus si baby. Kaya ipapanganak si baby na meron na siyang butas sa labas ng tenga. Ang preauricular sinus ay isang congenital malformation.

    Maaaring namamana (inherited) ang pagkakaroon ng preauricular sinus, ayon sa academic paper na may titulong "The preauricular sinus: a review of its clinical presentation, treatment, and associations." Nailathala ito sa United States National Library of Medicine.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Sabi pa ng mga eksperto, walang kinalaman ang preauricular pit sa problema sa pandinig. Pero maaaring magdulot ito ng pagtubo ng cyst, na benign at hindi cancerous, pati na ang pagkakaroon ng infection, tulad ng nana, na kilala sa medical term na abscess.

    Dahil sa infection, maaaring makaramdam ang bata ng mga ganitong sintomas:

    • Pamamaga at pananakit sa tabi ng tenga na may isa o higit pang butas
    • Pamumula o paglabas ng nana mula sa butas
    • Pagkakaroon ng lagnat
    • Pagtubo ng bukol sa tabi ng butas, na senyales ng cyst na puwedeng maging sanhi ng paglala ng infection

    Paano nagagamot ang preauricular sinus?

    Kapag nagkaroon ng infection ang preauricular sinus, kailangang ipatingin na ito sa ENT doctor o otolaryngologist. Maaari niyang resetahan ng gamot ang bata. Kung hindi na umubra ang gamot at nagpaulit-ulit ang infection, maaaring irekomenda ng doktor na tanggalin ang preauricular sinus sa pamamagitan ng operasyon.

    Pero kung hindi naman malaking problema o abala sa bata ang preauricular sinus, puwedeng pabayaan na lang. Kaya mahalagang komunsulta sa doktor nang makasiguro sa lagay at kondisyon ng batang may preauricular sinus.

    Basahin dito tungkol sa sakit sa tenga at dito para sa gamot sa sakit ng tenga.

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles