embed embed2
1 Kada 10 Na Batang Pinoy Mula Edad 6 Hanggang 12 Apektado Ng Vitamin D Deficiency: Survey
PHOTO BY freepik/jcomp
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Kapag sinabing vitamin D, kaagad pumapasok sa isip ang sinag ng araw, o sunshine. Malaki kasi ang papel ng sunshine sa paggawa ng vitamin D sa katawan ng tao. Kaya tinatawag din itong "sunshine vitamin."

    Pero kahit pala sa tropical countries, tulad ng Pilipinas na madalas na maaraw, ay marami ring nagkukulang sa bitaming ito na tinatawag na vitamin D deficiency.

    Base sa 2018 Expanded National Nutrition Survey (ENNS) ng Department of Science and Technology- Food and Nutrition Research Institute’s (DOST-FNRI), 1 kada 10 (10.3 percent) na batang Pinoy mula edad 6 hanggang 12 ay may vitamin D deficiency.

    Pinakamarami sa kanila ang naitala sa National Capital Region (NCR), partikular sa urban areas. Mas marami rin ang mga batang babae kesa sa batang lalaki ang may kakulangan sa vitamin D.

    Benepisyo ng vitamin D

    May parehong katangian ang vitamin D bilang nutrient na ating nakakain at hormone na likas na ginagawa ng ating katawan, ayon sa Harvard School of Public Health. Isa itong bitamina na fat-soluble, o iyong natutunaw sa fat sa katawan at naiimbak sa tissue para magamit kung kinakailangan.

    Kilala ang vitamin D sa pagtulong sa katawan na masipsip at mapanatili ang mga mineral na calcium at phosphorus. Kritikal kasi ang papel na ginagampanan ng calcium at phosphorus sa pagbuo ng mga buto sa katawan. Tumutulong pa ang vitamin D sa paghilom ng mga buto pagkatapos mapinsala o di kaya sumailalim sa operasyon.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Bukod diyan, napatunayan sa mga pag-aaral na nakakatulong ang vitamin D na mabawasan ang paglago ng cancer cell, makontrol ang infection, at maibsan ang pamamaga sa katawan. (Basahin dito kung paano malalabanan ang sipon at trangkaso.)

    Gaano karaming vitamin D ang kailangan?

    Sinusukat ang vitamin D sa pamamagitan ng international units (IU). Narito ang rekomendadong dami ng vitamin D na dapat nakokonsumo kada araw:

    • 400 IU para sa mga sanggol na wala pang 1 year old
    • 600 IU para sa mga batang 1 year old pataas at adults hanggang 70 years old
    • 800 IU para adults lampas 70 years old

    Rekomendado rin para sa mga bata na kumunsumo ng vitamin D na higit pa sa 600 IU, o kahit pa hanggang 1,000 IU, ayon sa Kids Health. Maaaring mas marami pa ang kailangang vitamin D ng mga batang:

    • May problemang pangkalusugan, tulad ng obesity, celiac disease, at cystic fibrosis, pati na pagkakaroon ng higit sa isang bali sa buto o di kaya pananakit ng buto
    • Nagpapagaling mula sa operasyon sa buto, tulad ng fusion surgery para sa sakit na scoliosis
    • Umiinom ng gamot, tulad ng anti-seizure medicines, na humaharang sa paggamit ng katawan ng vitamin D

    Kung ekslusibo mong pinapadede si baby, siguraduhin na nakakakonsumo ka ng vitamin D na 600 IU kada araw. Hindi kasi sapat ang naibibigay na vitamin D ng breast milk lang, ayon sa MedlinePlus ng United States National Library of Medicine.

    Kung formula milk naman ang pinapadede mo kay baby, siguraduhin na makainom siya ng 32 ounces kada araw. Mayroon kasi ang baby formula na 400 IU per liter.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Epekto ng vitamin D deficiency

    Kapag labis ang kakulangan ng bata sa vitamin D, maaaring mauwi ito sa pagkakasakit ng rickets. Isa itong rare disease na nagdudulot ng paglambot at pagbaluktot ng mga buto.

    Sa mga adults naman, posibleng magdulot ang vitamin D deficiency sa pagbaba ng bone density, na siya namang sanhi ng osteoporosis at pagkabali ng mga buto (fractures). Dagdag pa ang osteomalacia, na nagpapahina at pananakit ng mga buto, pati na paghina ng mga muscles.

    Pinag-aaralan din ng researchers ang posibleng koneksyon ng vitamin D deficiency sa iba pang problemang pangkalusugan, tulad ng diabetes, high blood pressure (hypertension), cancer, multiple sclerosis, at iba pang autoimmune disorders.

    (Basahin dito ang epekto ng kakulangan ng vitamin D sa mga buntis.)

    Paano maiiwasan ang vitamin D deficiency?

    May tatlong pangunahing paraan para makakuha ng sapat na vitamin D, ayon sa Yale Medicine.

    Kumain ng pagkaing mayaman sa vitamin D

    Ang dalawang uri ng vitamin D (vitamin D2 at vitamin D3) ay likas sa mga pagkaing tulad ng:

    • Salmon
    • Tuna
    • Mackerel
    • Beef liver
    • Egg yolk

    Pero dahil hindi kadalasang nakakakonsumo ng sapat na dami ng mga pagkaing may likas na vitamin D, may pagkaing ginagawa na may dagdag na bitaminang ito. Tinatawag ang mga itong fortified, tulad ng fortified milk, cereal, at ibang uri ng orange juice.

    Magpaaraw

    Paliwanag ng mga eksperto na hindi mismo ang araw, o sun, ang nagbibigay ng vitamin D sa katawan. Pero kapag nalantad ang katawan sa araw, gumagawa ang balat ng sarili nitong vitamin D. Meron kasi ang katawan na tinatawag na vitamin D receptor cells para makagawa ng vitamin D kapag natamaan ng ultraviolet B (UVB) mula sa araw.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Pag-inom ng supplements

    Rekomendado ng mga eksperto ang vitamin D supplement para sa mga nakakaranas na ng vitamin D deficiency at sa mga hindi sapat ang nakukonsumong vitamin D. Mayroong multivitamins na kumpleto sa vitamin D at meron din namang ekslusibong vitamin D supplement. Mainam na komunsulta sa doktor, lalo pa para sa sanggol at bata.

    Basahin dito para naman sa vitamin B deficiency.

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles