Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
  • 5 Natatanging Kuwentong-Bayan na Kakaaliwan ng mga Bata

    Dalhin ang inyong mga anak sa mahiwagang mundo ng ating sariling kuwentong-bayan sa pamamagitan ng mga librong ito.
    by Graciella Musa and Mariel Uyquiengco .
5 Natatanging Kuwentong-Bayan na Kakaaliwan ng mga Bata
  • Dahil sa masaganang bilang ng mga pangkat-etnikong nakakalat sa libu-libong pulong bumubuo sa bansa, masasabing mayaman din tayo sa mga alamat, mitolohiya, at kuwentong-bayan na sumasalamin sa ating kasaysayan at kultura.

    Nakalulungkot lang na mas pamilyar pa ang ating mga anak sa mga kuwento ng mga Kanluranin. Mula pagbubuntis sa sinapupunan hanggang sa mga unang taon ng ating mga anak sa mundo, Mother Goose rhymes na ang inaawit at binabasa natin sa kanila. Bakit ganito? Dahil mas madaling makakuha ng kopya ng mga kuwentong ito kaysa mga lokal na kuwento at epiko na madalas na matatagpuan sa mga lumang antolohiya.

    Sa pag-unlad ng teknolohiya at pagpasok ng globalisasyon, higit na nabababad ang ating mga anak sa maka-Kanluraning aklat at kultura. Responsibilidad natin bilang mga magulang na ipakilala sa kanila ang napakagandang mundo ng kuwentong-bayan nating mga Pilipino at ibahagi sa kanila ang mga kuwentong narinig natin noong panahon ng ating kabataan. Maaari rin nating sabay na tuklasin ang mayamang koleksiyon ng alamat, mitolohiya, at kuwentong-bayan ng ating bansa kasabay ng ating mga anak.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Ibinahagi ni Frances Ong, patnugot ng Tahanan Books (publikasyon ng mga aklat pambata), ang limang kuwentong-bayan na naaalala niya mula sa kaniyang pagkabata. Matatagpuan ito sa serye ng mga buong husay na iginuhit na klasikong kuwentong pambata ng Tahanan Books na nagkamit na ng maraming gantimpala at pagkilala.

    1. The Story of the Piña (Ang Kuwento ng Pinya)

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

     

    Si Pinang ay isang maganda ngunit tamad na dalaga. Isang araw, nagkasakit ang kaniyang nanay at pinakiusapan siyang magluto ng pagkain para sa kanilang dalawa. Dahil sanay siyang walang ginagawa sa bahay, tumanggi si Pinang sa unang pagkakataon. Nang sunud-sunod nang nagsisigaw ang kaniyang nanay, napilitan din siyang sumunod. Gayunpaman, nahirapan siyang hanapin ang sandok. Nakaramdam ng kabiguan ang kaniyang nanay kaya hiniling niyang magkaroon ng 100 mata ang kaniyang anak dahil sa katamaran nito. Pagkatapos noon, bigla na lang naglaho si Pinang, at isang kakaibang dilaw na prutas na may 100 mata ang natagpuang tumutubo sa kanilang bakuran.

    Gaya ng ibang kuwentong-bayan, marami ring bersyon ang kuwento ng pinya. Ayon kay Ong, ang pinakapopular na bersyon ay didaktiko o moralistiko — “iyan ang mapapala mo sa pagiging tamad at batugan.” Sa bersyon ng Tahanan, ipinakitang ginagawa ni Pinang ang lahat ng kaniyang makakaya, at napagkamalan lamang siya ng kaniyang nanay na nagtatamad-tamarang muli. Para kay Ong, ang kuwento ng pinya ay  isang paalala sa parehong magulang at anak.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Basahin ang kuwentong ito sa aklat ng Tahanan Books na “Why The Piña Has A Hundred Eyes and Other Classic Philippine Folk Tales About Fruits”, na matatagpuan sa National Bookstore, Fully Booked, at The Learning Basket.

    More from Smart Parenting


    2. The Monkey and the Turtle (Ang Matsing at ang Pagong)

     

    Noong una, maituturing na magkaibigan ang Matsing at ang Pagong. Isang araw, may nakita silang halamang saging na lumulutang sa tubig. Nagpasya silang hatiin ito sa dalawa at itanim. Akala ng Matsing, ang taas na bahagi ng halaman ang mas mabuti; kaya itinanim niya ito ngunit nabigo nang mamatay ito. Itinanim naman ng Pagong ang ugat at nabibiyayaan siya ng punong namumunga nang masagana. Ngunit dahil hindi nito kayang akyatin ang mga saging nang mag-isa, humingi ito ng tulong sa Matsing. Gayunpaman, kinain ng tusong Matsing ang lahat ng bunga! Bilang paghihiganti, pinaligiran ng Pagong ng mga patpat ang puno, na ikinamatay ng Matsing pagbaba nito mula sa puno. Sinubukang maghiganti ng mga kaibigan ng Matsing ngunit naisahan sila ng Pagong na ihagis ito sa lawa, na kaniyang tahanan.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ayon kay Ong, ang kuwentong-bayan na ito ay maaaring ituring na pinakapopular na kuwentong-bayan ng bansa dahil nakapaglathala si Jose Rizal ng bersyon nitong mayroong ilustrasyon sa Trubners Oriental Record. Ipinahayag niya na nakakawili ang kuwento dahil itinatampok nito ang tagisan sa pagitan ng malakas at madamot, laban sa mahina ngunit maparaan. Maaaring pumanig at makisimpatiya ang mga bata sa Pagong. 

    Basahin ang kuwentong ito sa aklat ng Tahanan Books na “The Carabao-Turtle Race and Other Classic Philippine Animal Folk Tales”, na matatagpuan sa National Bookstore, Fully Booked, at The Learning Basket.

    More from Smart Parenting


    3. The Necklace and the Comb (Ang Kuwintas at ang Suklay)

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

     

    Noong unang panahon, abot-kamay ang kalangitan at madaling naaabot ng mga tao ang mga ulap. Si Inday, isang magandang babaeng nakatanggap ng pamana sa kaniyang ika-16 na kaarawan, ay nakawilihang magsuot ng kuwintas at magsuklay kahit nasa trabaho. Isang araw, habang nagbabayo siya ng palay, ipinatong niya sa ulap ang kaniyang alahas upang hindi masira ang mga ito. Habang binabayo niya ang palay, itinulak naman pataas ng kabilang dulo ng pandikdik ang kalangitan. Huli na nang mapansin niyang umakyat na ang kalangitan kung nasaan din ang kaniyang mga minanang kagamitan. Kalaunan, ang kaniyang suklay ay naging buwan at ang mga butil ng kaniyang kuwintas ay naging mga bituin.

    Sinusubukang ipaliwanag ng mga kuwentong-bayan ang natural na mundo. Ang “The Necklace and the Comb” ay isang kahali-halinang kuwentong naglalahad kung paano nabuo ang buwan at ang mga bituin. Naibigan ni Ong ang kuwentong ito dahil sa kalugud-lugod at mala-pantasyang larawang-diwa nito.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Basahin ang kuwentong ito sa aklat ng Tahanan Books na “The Warrior Dance and Other Classic Philippine Sky Tales”, na matatagpuan sa National Bookstore, Fully Booked, at The Learning Basket.

    More from Smart Parenting


    4. Why the Fish Has Scales (Kung Bakit May Kaliskis ang Isda)

     

    Noong unang panahon, nabiyayaan ng isang napakagandang anak ang isang  magsasaka at asawa nito. Dahil sa kaniyang sukdulang ganda, hindi pinapayagan ng kaniyang mga magulang ang bata na gumawa ng kahit anong trabaho. Lumaki siya sa layaw at naging palalo. Isang araw, habang pinagmamasdan niya ang sariling repleksyon sa ilog, nagpakita sa kaniya ang pinuno ng mga alimasag upang ipahayag ang paghanga sa kagandahan ng dalaga. Napahiyaw ang dalaga at itinaboy ang pangit na alimasag. Sa pagkapahiya, kinalmot ng pinuno ng mga alimasag ang kaniyang mukha gamit ang kaniyang sipit at isinumpang magiging isda siyang nagtataglay ng maraming kaliskis. Ipinapaliwanag nito kung bakit iniiwasan at kumakaripas sa paglangoy ang mga isda kapag nakikita ang kanilang repleksyon.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang kuwentong ito na tungkol sa kagandahan at pagiging palalo ay maaaring magsilbing paaalala sa mga maliliit na bata.

    Basahin ang kuwentong ito sa aklat ng Tahanan Books na “The Girl Who Turned Into A Fish and Other Classic Philippine Water Tales”, na matatagpuan sa National Bookstore, Fully Booked, at The Learning Basket.

    More from Smart Parenting


    5. Mother Mountain (Inang Kabundukan)

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

     

    Sa isang isla sa Batanes, isang balo ang may dalawang anak na nais lamang maglaro buong araw. Ang tanging hiling lang ng nanay sa kaniyang mga anak ay maghanda ng hapunan sa oras na umuwi siya galing sa pagtatrabaho sa bukid. Isang gabi, pagkauwi ng nanay, hindi niya makita ang kaniyang dalawang anak, kaya mag-isa siyang naghain at naghapunan. Nang dumating na ang dalawa at nakitang ang kanilang nanay na ang abala sa pagluluto sa kusina, nagpasya silang maglaro na lang ulit. Hindi nakayanan ng nanay kaya tahimik siyang lumisan sa kanilang tahanan. Gayong sinundan ng mga anak ang kanilang nanay, huli na. Naghugis-bundok na siya, at pinangalanang Bundok Iraya.

    Napukaw ng “Mother Mountain” si Ong dahil tinalakay ng kuwento ang pangunahing takot ng mga bata: kung hindi ka magiging mabait, aalis ang nanay. Kahanga-hangang kuwento rin ito tungkol sa pagkabuo ng isang bundok na kahugis ng babae.

    Basahin ang kuwentong ito sa aklat ng Tahanan Books na “The Termite Queen and Other Classic Philippine Earth Tales” na matatagpuan sa National Bookstore, Fully Booked, at The Learning Basket.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sa kanilang paglaki, mainam na magkaroon ang bawat bata ng kanyang paboritong kuwentong narinig mula sa kanilang pamilya at kasama sa pamayanan. Lumikha ng mga alaala at ipakilala sa inyong mga anak ang maka-Pilipinong pamumuhay at kultura sa pamamagitan ng ating mga kuwentong-bayan.

    Ang mga impormasyong nakalahad dito ay nagmula sa 5 Well-loved Philippine Folk Tales Young Kids will Enjoy.

    Ang mga larawan ng libro ay mula sa tahananbooks.com

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles