Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
  • Ubo, Sakit ng Ulo, Sipon, Maaaring Makuha sa Bahay: Paano Linisin ang Hangin Dito

    Maaaring magdulot ng sakit sa baga at iba pang problema sa kalusugan ang polusyon sa loob ng bahay.
    by Cielo Anne Calzado and Mimmy Delmendo .
Ubo, Sakit ng Ulo, Sipon, Maaaring Makuha sa Bahay: Paano Linisin ang Hangin Dito
PHOTO BY iStock
  • Parami na nang parami ang mga nagsusuot ng mask kapag lumalabas para maiwasan ang usok at pagkakasakit. Habang nasa labas ay exposed tayo sa polusyon, kaya marami sa atin ang hindi nakakampante hanggat 'di tayo nakakauwi sa ating mga tahanan. Ngunit paano kung mayroon ding  mga bagay sa loob mismo ng ating mga bahay na nagdadala ng iba’t ibang uri ng sakit? Ang polusyon sa hangin sa loob ng bahay ay delikado rin at dapat bigyan ng atensyon.

    Ayon sa World Health Organization (WHO), nasa 3.8 milyon katao ang namamatay sa polusyon sa hangin mula sa kani-kanilang tahanan taun-taon. Ang polusyong ito ay may iba’t-ibang pinagmumulan at kasama na rito ang mga gas, kemikal, at iba pa. Bukod sa usok na nagmumula sa sigarilyo at tabako, ang mga gasera at bagay na ginagamit natin sa pagluluto at iba pa ay maaari ring makapagdulot ng polusyon sa hangin. Kung saradong sarado ang bahay at hindi maganda ang bentilasyon nito, maaaring maging nakamamatay ang polusyon na ito. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Mga kadalasang sanhi ng polusyon sa hangin sa loob ng bahay

    Mabuting malaman kung ano ang mga nagsasanhi ng polusyon upang maiwasan ang mga ito at maging mas malinis ang hangin sa loob ng tahanan. Heto ang ilang mga paalala at halimbawa:

    Usok ng sigarilyo

    Ayon sa WHO, ang usok ay isa sa mga pinakadelikadong uri ng polusyon, ngunit ito rin ay pinaka-pamilyar sa lahat. Bukod sa sigarilyo ay pinagmumulan rin ng polusyon ang usok na galing sa kerosene na ginagamit sa sa mga kalan o gaserang pang-ilaw. Maaaring magdulot ito ng bronchitis.

    Sobrang basa o halumigmig

    Sino ang mag-aakala na nagdudulot rin ito ng polusyon sa hangin? Kapag napabayaang basa ang ibang bahagi ng bahay, maaaring magdulot ito ng problema sa kalusugan. Ayon sa Smarter House, isa ang halumigmig (excess moisture) sa pangunahing nagdudulot ng polusyon sa loob ng tahanan, ngunit marami ang hindi nakakaalam dito. Maaaring maapektuhan nito hindi lamang ang kalusugan ng mga tao, kundi pati ang integridad ng gusali. Ang mga lugar na basa o mahalumigmig ay tinutubuan ng amag at pinamumugaran ng maliliit na insektong tinatawag na dust mites. Maaaring maging sanhi ang mga ito ng hika at allergies. Nasisira din ng mga ito ang mga bagay na gawa sa kahoy at napapabilis ang pamumuo ng kalawang.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Mga kagamitang may gas o LPG

    Ang pagsisindi ng mga ito ay naglalabas carbon dioxide, carbon monoxide, at water vapor na maaaring kumalat sa loob ng bahay kapag hindi maganda ang sirkulasyon ng hangin, ayon sa Smarter House. Sinasabi rin ng WHO na nakamamatay ang paghinga ng masyadong maraming carbon monoxide. Ayon sa kanilang website, pinapababa ng carbon monoxide ang kakayahan ng tao na mag-ehersisyo. Nagdudulot rin ito ng hika sa mga kabataan, sakit sa puso, at iba pang mga sakit.

    Volatile organic compounds (VOCs)

    Pamilyar sa mga mahilig sa halamang naglilinis ng hangin ang VOCs. Kabilang dito ang formaldehyde at ibang kemikal na inilalabas ng mga produktong ginagamit madalas sa bahay katulad ng pintura, wax, spray, at mga gamit panlinis.

    More from Smart Parenting

    Paano linisin ang hangin sa bahay

    Iwasan ang polusyon sa hangin sa pamamagitan ng mga sumusunod:

    Gumamit ng mga halamang nakakapaglinis ng hangin bilang dekorasyon

    Magandang balita: may mga halaman na nakakapag-alis ng formaldehyde at VOCs sa hangin — at madali lang alagaan ang mga ito. Ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng NASA, may 17 uri ng halamang nakakapaglinis ng hangin na maaaring ilagay sa loob ng bahay. Halimbawa rito ang Aloe Vera, Spider Plant, Boston Fern, Bamboo Palm, at Devil’s Ivy. Maaaring ilagay ang mga ito sa paso at ilagay sa iba’t ibang bahagi ng tahanan, kabilang na ang mga kwarto.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Huwag manigarilyo sa tahanan

    Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, mula nung 1964 ay aabot na sa humigit-kumulang 2,500,000 na taong hindi naninigarilyo ang namamatay dahil sa mga problema sa kalusugan na dulot ng usok nito. Panatilihing ligtas ang pamilya sa pamamagitan ng pag-iwas sa paninigarilyo sa bahay. Bukod sa mababawasan ang polusyon sa hangin, maiiwasan rin ang kumplikasyon sa kalusugan na dulot nito.

    More from Smart Parenting

    Gumamit ng mga produktong maganda para sa kalikasan

    Maging mapanuring mamimili. Tignan muna nang maigi ang lahat ng sangkap ng isang produkto bago ito bilhin. Mas ligtas na pumili ng mga produktong organic at eco-friendly para sa bahay. Maaaring makabili sa mga tindahan tulad ng Messy Bessy at Ritual ng mga panlinis na walang nakakapinsalang kemikal para hindi na kailangang mangamba na kumakalat ang lason sa tahanan tuwing maglilinis ng sahig o maghuhgas ng pinggan.

    Tignan kung may amag sa bahay

    Sumangguni sa eksperto na makakapagsuri nang mabuti kung may amag sa bahay. Para maiwasan ang amag, siguraduhing walang butas o tagas ang kisame, tubo, gripo, at iba pang mga pinagdadaluyan ng tubig. Maganda ring buksan ang pinto at bintana ng banyo para pahanginan ito matapos gamitin.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Regular na maglinis

    Hindi lang ang madalas na pagwawalis at paglalampaso ang tinutukoy rito. Dapat maalis ang alikabok, at kung maaari ay mag-vacuum. Kinakailangan ring labhan ang mga unan at kutson.

    Ang mga impormasyong nakalahad dito ay nagmula sa Your House Could Be the Cause of Your Cough, Headache or Cold: How to Clean Your Air

    Hindi lang sa paglinis ng hangin maaasahan ang mga halaman. Mayroong mga halaman na tumutulong maiwasan ang lamok sa bahay. Alamin kung anu-ano sila sa pamamagitan ng pag-click dito.

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles