;
embed embed2
  • Ito Ang Kuwento Paano Naging Matagumpay Na Negosyante Ang Isang Dating Namamasura

    Iginapang ni Joy Binuya ang pag-aaral hanggang nakapagtapos bilang magna cum laude.
    by Bernie V. Franco for Pep.ph .
Ito Ang Kuwento Paano Naging Matagumpay Na Negosyante Ang Isang Dating Namamasura
PHOTO BY Instagram/joybinuyaa
  • Si Joy Binuya, ang kanyang mga kapatid, at ang kanilang ina ay nangangalakal ng basura sa Payatas, Quezon City, para kumita at may makain.

    Noon iyon. Ngayon, si Joy, 30, ay nagmamay-ari ng negosyo.

    Distributor siya ng beauty essentials at mayroon siyang labing-apat na staff members, kabilang na ang kanyang mga kapatid.

    May ipon na rin si Joy. Focused siya sa pagsi-save kesa sa pagbili ng kung anu-anong luho. Alam niya ang halaga ng bawat pisong kanyang pinagpaguran.

    Nakabili na siya ng isang condominium unit. Naipagawa at ginawang two stories ang kanilang bahay, na dati ay halos magiba na at natutuluan kapag umuulan.

    Napag-aral niya ang kanyang sarili sa kolehiyo at nagtapos ng magna cum laude noong 2019.

    Malayo na ang nararating ng dalaga.

    Pero bago siya umabot sa tinatamasang magandang buhay, hindi biro ang hirap na pinagdaanan niya at ng kanyang pamilya.

    Joy's former house and the construction of her two-story house.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Inilahad ni Joy ang kanyang success story sa isang mahabang Facebook post noong April 17, 2019.

    Nakausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa pamamagitan ng tawag ngayong Huwebes, October 7, 2021.

    Minarapat naming pagtagniin ang Facebook post at interview kay Joy para maging malinaw ang kanyang kuwento.

    Life near the dumpsite

    Title ni Joy sa kanyang post: “BASURERA TURNED CEO "

    Bungad ni Joy, salat sila sa buhay noon at nakatira malapit sa Payatas, Quezon City.

    Panlima siya sa anim na magkakapatid, at bata pa lamang siya, mulat na siya sa kahirapan.

    Lahad niya, “I was 5 years old when my father died from heart attack... Wala kahit pisong naiwan sa amin.

    “Yung nanay ko naman, walang trabaho that time and buntis pa sa bunso namin."

    Kung anu-ano raw ang mga trabahong pinasok ng kanyang ina para matustusan silang magkakapatid.

    Sabi ni Joy, “She thought of many ways to earn like gumawa ng basahan, mag-manikurista, mananahi, and yung pinaka naging work niya is pamamasura.”

    Mula 1996 hanggang sa ipasara ang dumpsite, ang main source of income daw nila ay pangangalakal ng basura.

    Sambit ni Joy, “Yes, sa pamamasura kami nabuhay at nakapag-aral.”

    Sa panahong iyon, bagamat hangad niyang makatapos ng college, hindi siya sigurado kung mangyayari ito.

    Pag-alala ni Joy, “Malungkot kapag nakikita mo yung mga kasabayan mo nagtapos ng high school, nakakasakay mo, naka-uniform na pang-college…

    “’Tapos ikaw nakapang-saleslady,"

    Pero aniya, hindi naman daw sa minamaliit ang trabaho ng saleslady dahil ito ang naging trabaho niya sa maraming taon.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Nang makatapos raw ng high school ang kanyang ate at kuya, mas pinili ng mga ito ang magtrabaho para tulungan ang kanilang ina sa pamamagitan ng pangangalakal.

    Patuloy ni Joy, “Ako naman din tumutulong sa kanila pagkagaling ko from school.

    "Naghahatid ako ng pagkain. Umaakyat ako sa bundok ng basura kahit ang init-init. Hehe.

    “Tumutulong din ako magpili ng kalakal, bakal, sibak, panta, etc.

    “Puwede nga ako mag-work [sa] junk shops, eh, haha, charot.”

    Tanong ng PEP.ph, "Kailan siya nagsimulang tumulong sa pangangalakal ng basura?"

    Tugon ni Joy, “Grade 4 noong elementary. Kasi hindi pa ako marunong, e, kaya tulung-tulong lang.”

    Hanggang sa makatuntong ng high school ay tumutulong pa rin daw siya sa pangangalakal kasama ang kanyang mga kapatid.

    “Kapag kayang sumama sa kanila, umaakyat pa din ako sa dumpsite,” sabi niya.

    Magbabasurang iskolar

    Pagsapit ng high school, suwerte siyang maging scholar sa programa noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

    Pero kinakailangan pa rin niyang maghigpit ng sinturon.

    Aniya, “Elementary and high school, isa lang uniform ko. Wash and wear pa. ’Tapos wala pa kaming plantsa haha.”

    Sa oras ng recess ay humihiwalay raw si Joy sa kanyang mga kaklase.

    Pagbabalik-tanaw niya, “Kunwari bababa sa canteen, pero wala namang pambili.

    "Magpapatagal lang kasi nakakahiya naman mag-stay sa room na sila kumakain, ‘tapos ako wala."

    Kapag tinatanong siya ng mga kaklase pagbalik sa classroom, sasabihin raw ni Joy na kumain siya ng biscuit “kahit wala naman talaga.”

    Limang piso raw ang baon niya, pero dahil gustong makaipon para makabili ng work books, maglalakad na lang siya pauwi.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    “Lagi ko inuuna bilhin [ang] MATH work book. Kahit wala na ako ng iba basta may Math ako.”

    Pagdating naman sa ibang work books, sinusulat niya ang mga ito sa yellow pad paper dahil wala siyang pang-xerox.

    “Tiyaga lang kahit laki na ng kalyo ko sa kamay.”

    Saleslady

    Nagtapos ng high school si Joy noong 2008, at gaya ng kanyang mga kapatid, nagtrabaho na siya para makatulong sa pamilya.

    “After high school, habang bakasyon pa at wala pa mahanap na trabaho, pumasok akong tindera sa mga tiyangge.

    "Yung may ‘WANTED TINDIRA’ ganun," may halong biro niyang post.

    Pinapatungan niya ang ibinebentang timba, walis, at tabo para sa kanya raw mapunta ang tig-PHP20.

    Sundot ni Joy, “Hahaha. Sorry po. Nakatulong naman kayo sa akin po. Hehe.”

    Isang Chinese ang kanyang amo noon at PHP100 ang sahod niya kada araw.

    Ani Joy sa PEP, tatlong buwan lang siya roon at nagpaalam na sa amo para mamasukan bilang saleslady sa kilalang mall.

    Unforgettable kay Joy ang pang-iinsultong ibinato sa kanya ng kanyang amo nang magpaalam siya.

    “Sabi niya, ‘Akala mo matatanggap ka dun, high-school grad ka lang. Sige, mag-apply ka dun sa inaasam-asam mong SM!’”

    Dugtong ni Joy, “At natanggap na nga ako sa SM, dito na ako nabulok. Hehe charot.”

    Mula 2009 hanggang 2013, nagpaikot-ikot si Joy bilang saleslady at clerk.

    “Lahat na ata ng branch ng SM na-assign na ako.

    “Andiyan yung mumurahin ka ng customer, mamaliitin ka, duduruin ka.

    “Akala niyo okay kami, no? Kasi kuntodo makeup ‘tapos nakatakong pa.”

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Pag-amin niya, “Deep inside wala nang pera iyan. Nakasangla pa ATM. May 5-6 pa.

    “Every night pag uuwi, umiiyak ako bago matulog kasi paulit-ulit na lang, walang nagbabago hindi ka masaya.”

    Sabi ni Joy, “So, dun lang umikot yung ilang taon ko. Endo [end of contract], apply. Endo, apply.”

    Joy Binuya, second from left, spent more than five years as saleslady at famous mall company.

    Storming the heavens

    May isang pagkakataon raw na “feeling down na down” na siya at “parang wala nang patutunguhan yung life ko.”

    Dumaan siya sa St. Peter Parish: Shrine of Leaders sa Commonwealth, Quezon City, at doon ibinuhos ang lahat ng kanyang luha.

    “I’m telling Him that, ‘Lord, I'm tired. Ang dami ko pa pong pangarap. Kayo na po bahala sa akin if ano mang plano Niyo po para sa akin.’

    “Alam mo, true enough na ibibigay ni Lord yung pinagdadasal mo. Just learn to wait.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    “Hindi mo alam kasi bigla na lang at di mo inaasahan.”

    Taong 2014, nagdesisyon si Joy na pasukin ang “drop-shipping” ng beauty products.

    Paglalarawan niya tungkol sa drop-shipping, “Yung wala akong puhunan.

    "Kumbaga, nagbebenta lang ako para doon sa iba, pero parang ako yung parang middle man nila.

    “Reseller ka, pero wala kang onhand [money]. Taga-post ka lang, pero tumatanggap ka ng payment, ganoon. Doon ako nakaipon.”

    Kuwento ni Joy, “I bought phone, ‘tapos napansin ko yung opportunity ng social media kasi sobrang daming nag-o-order online.

    “So I tried maging reseller. Wala akong puhunan except may cp [cellphone], load for internet, and sipag.

    “May mga times na utang pa, but it’s okay, nagsisimula pa lang, e.

    “Kumikita ako ng 20 pesos, masaya na ako. Iipunin ko then pag lumaki, magdadagdag ako ng ibebenta. Until nakaipon ako.

    “Kasi ang bilis nakaipon. Ang lakas kasi. Nung 2014, wala pa masyadong nagbebenta ganoon, so, ang bilis kong nakaipon.”

    Enterprising student

    Taong 2015 nang magdesisyon si Joy na ipagpatuloy ang pag-aaral. Isinabay niya ang pagtatrabaho.

    Nag-enroll siya sa National College of Business and Arts sa Fairview, Quezon City.

    “Una, nagdadalawang-isip pa ako talaga kasi feeling ko nabobo na ako. Feeling ko mangungulelat na ako.”

    Anim hanggang pitong taon kasi nang mahinto siya sa pag-aaral.

    “Pero siyempre, DREAM ko talaga ito. So, grab ko na."

    Kumuha siya ng Bachelor of Science in Business Administration Major in Marketing Management.

    Aniya, “First choice kong course was Accountancy, pero dahil feeling ko nga nabobo na ako, pinili ko mag-BSBA dahil magagamit ko din naman sa business."

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Naging qualified din siya para sa scholarship kaya sinunggaban din niya ito.

    “Nagpursige ako kasi makakabawas din yun sa gastos kasi less sa tuition."

    Hindi rin naging madali ito dahil bibitbitin niya ang mga products pa-Cubao na siyang drop-off point, bago siya papasok sa school.

    “Study and doing business at the same time.

    “Mahirap pero dahil gusto mo yung ginagawa mo, hindi mo iniinda yung hirap.

    “I was so blessed kasi di ako pinabayaan ni Lord.”

    Magna cum laude

    Sa paglago ng kanyang negosyo, binitawan na ni Joy ang drop-shipping at nag-on-hand na siya.

    “Maliit lang nung 2015. Habang nag-aaral ako, lumalago na siya.

    “Meron na akong [pera], bumibili na ako ng products na bulk. May discount na ako, kaya ako na mismo nagsi-ship ng items.

    “Galing na mismo sa akin. Hindi na siya galing sa supplier. “

    Taong 2019, nakapagtapos na si Joy bilang magna cum laude.

    “Ngayon, graduate na ako. Lahat ito pinaghirapan ko,” ani Joy sa kanyang post.

    “Kaya alam niyo na bakit ganun na lang ako kasipag, bakit nagagalit ako sa ibang taong walang pagpapahalaga sa pag-aaral nila.

    “Hindi lang naman pera ng magulang ninyo ang sinasayang niyo, kundi nasasayang din yung tinuturo ng guro ninyo sa inyo.”

    Sana raw ay pahalagahan ng mga estudyante ang pagkakataon nilang makapag-aral.

    “Mas maraming deserving na sana nasa posisyon ninyo, pero kayo ang inilagay diyan, kaya you should be thankful,” aniya.

    “Ang sarap sa feeling na napagtapos mo yung sarili mo. Sobrang laking achievement.”

    Growing business

    Samantala, matapos magtapos, nakapasok si Joy bilang fiscal clerk sa Supreme Court.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Isinabay rin niya ang kanyang negosyo.

    Hanggang sa tumama ang pandemya, pero patuloy ang paglago ng kanyang negosyo.

    Pagkatapos ng anim na buwan, nagbitiw na siya bilang clerk at itinuon na ang buong atensiyon sa pagbebenta ng kanyang beauty products.

    Anim na taon na ang kanyang negosyong Clarity Essentials at patuloy ang paglago nito sa gitna ng pandemya.

    Nakagpatayo rin siya ng office sa kanilang bahay, “Dito lang din sa house namin, nagpagawa ako ng sariling office, ‘tapos work place."

    Joy turned the first floor of their two-story house into an office-store.

    Fourteen na ang kanyang mga empleyado, kasama ang kanyang mga kapatid.

    Ang kanilang mga products ay idini-deliver sa pamamagitan ng dalawang kilalang online shopping and selling services sa bansa at pati na rin via Facebook.

    “Online po kasi siya, e. Araw-araw may order.

    “May manufacture po kami [ng products]. Sila po talaga kuhaan namin.”

    Focused daw ngayon si Joy sa pagpapalaki ng kanyang negosyo.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Masaya raw siyang makitang nadadagdagan ang kanyang mga empleyado at makatulong sa pagbibigay ng work.

    Payo naman ni Joy sa mga may mga pangarap na nais abutin, “’Wag ka lang mag-quit.

    “May goal ako kahit di ko alam paano makakamit siya noon. ‘Tapos pray lang ako nang pray.

    “’Tapos biglang 360, biglang ikot mo ganito na siya.

    “Kasi kailangan may goal ka, kahit di mo alam kung paano mo siya maa-achieve.

    “’Tsaka ayun, pray, pray, pray. Masipag lang ako magdasal.”

    May mga oras raw noon na nais na niyang sumuko. Pero nagpakatibay si Joy sa lakas ng kanyang hangad maiangat ang pamilya mula sa hirap.

    Aniya, “Umiiyak ako palagi. Hindi ko alam kung itutuloy ko pa, pero tinuloy ko pa rin.

    “Sa family pag nakikita mo situation nila, pag sumuko ka, paano na rin sila.”

    Ayaw raw ni Joy na manatiling nagbabasura ang kanyang pamilya, “Gusto ko silang alisin sa ganoong life.”

     

    This story originally appeared on Pep.ph.

    *Minor edits have been made by the SmartParenting.com.ph editors.

    What other parents are reading


  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles