Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
  • Pinautang Mo na Nga, Pahirapan Ka Pa Maningil: 7 Bagay na Pwede Mong Gawin

    Para mabawi ang perang pinaghirapan mo, narito ang ilang diskarte na baka sakaling makatulong.
    by Aneth Ng-Lim .
Pinautang Mo na Nga, Pahirapan Ka Pa Maningil: 7 Bagay na Pwede Mong Gawin
PHOTO BY @ThamKC/iStock
  • Masarap kasama si Sheila lumabas. Maraming kwento, dumadating sa tamang oras, walang reklamo kung saan mo gusto pumunta, at walang pinipiling kakainin. Ang problema lang: parating ikaw ang taya. Ang mas malaki pang problema: mahilig siyang mangutang. Ang pinakamalaking problema: hindi siya nagbabayad.

    Kung mayroon kang isang Sheila o maraming Sheila sa buhay mo, hindi mo maiwasang magsawa magpahiram ng pera, at pagtagal ay pagtaguan o iwasan ito. Pero tama ba na huwag ka na niya bayaran? Mahirap man siya singilin, matalik mang kaibigan o kamag-anak pa man, hindi naman dapat basta-basta palagpasin.

    More from Smart Parenting

    Paano maningil ng utang

    Maaari mong sabihin na nandiyan na iyan at wala ka nang magagawa. Hindi na siya makakautang ulit. Pero paano naman ang perang napahiram mo na? Para mabawi ang perang pinaghirapan mo, narito ang ilang diskarte na baka sakaling makatulong.

    1. Wag na magpaligoy-ligoy pa.

    Nakakatawa isipin na ikaw na pinagkakautangan ang siya pang nahihiyang maningil. Likas sa ating mga Pilipino ang ayaw ng gulo. Kaya naman maraming hindi nababayaran dahil umaasa sila na darating ang araw, babalik na lang ang pera nila.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Pero malabo itong mangyari. Kaya kung hindi mo didiretsuhin, baka wala kang marating. Kausapin mo ang may utang sa iyo at ipaala ang utang. Kung marami na, isa-isahin mo ito at ibigay ang buong halaga. Sabihin din kung kelan ito hiniram (dahil baka ilang taon ka na hindi nababayaran) tapos tanungin kung kailan siya makakabayad.

    2. Magdala ng pruweba kung meron.

    Kapag nagpahiram ka ng pera, maganda sana may kasulatan kayo. Hindi naman kailangang pormal na kontrata.  Kahit simpleng kasulatan lang at nakalagay doon kung magkano ang hiniram, kung may interes at takdang araw ng pagbabayad.

    Kung walang kasulatan, hindi pa rin huli ang lahat. Ilista mo ang mga araw na nilapitan ka at kung mga magkano ang hiniram sa iyo. Dalhin ang papel sa susunod kayong magkita. Pwede rin i-save mo sa smart phone mo (may app na pwede mong ilista ang mga may utang sa iyo) para malinaw ang lahat. Baka magulat ka malaki laki na rin pala ang nawala sa iyo.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    3. Baka umangal kaya maghanda ka ng sagot.

    Kapag pinaalala mo ang mga utang niya kay Sheila, marami itong dahilan. Una, sasabihin nakalimutan niya kasi kaya hindi siya nagbayad. O kaya hihirit pa na “utang ba iyon? Akala ko ni-libre mo ako.” Meron pang ikatlo, babalikan ka pa na “hindi naman Php5,000 hiniram ko, Php2,000 lang”.  

    Kaya kung walang kasulatan, kapag nilista mo ang mga utang, maghanap ka ng ibang detalye para hindi ka malito.  Nakasulat ba sa credit card mo kung magkano ang binili niya na hindi binayaran? Tseke ba ang pinahiram mo?  Kasi kapag tseke nakalista iyon sa bangko mo. Dapat handa ka suportahan ang listahan mo para hindi ka na maloko pa ulit.

    4. Magbigay ka ng petsa — at sabihing kailangan mo rin.

    Malabong mabayaran ka sa araw na maningil ka, pero kung sasabihin mo na kailangan mo mabayaran sa loob ng dalawang linggo, hindi na masamang palugit iyon. May panahon siya ihanda ang pambayad at hindi mo na problema kung sa iba siya mangutang o magbenta siya ng gamit.  

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Magandang magsabi ka ng petsa, at sabihin mo rin na kung para saan mo ito kailangan. Matrikula ng anak, o kaya pampaayos ng bubong na bahay. O kaya para makabayad ka rin ng utang mo sa iba. Mahalaga na maintindihan niya na mayroon ka ring pangangailangan, hindi na ginigipit mo lang siya ng walang dahilan.

    More from Smart Parenting

    5. Paano kung walang cash?

    May mga nagungutang para sa emergency. Nagkasakit ang anak o may na-aksidente. Kapag ganoon ang kalagayan, maaaring hindi ka agad mabayaran. Pero kung ang nangungutang ay kagaya ni Sheila na para sa gamit pang-personal, huwag ka mahiya maningil. Kasi hindi rin naman siya nahihiya mangutang.

    At kung sagutin ka niya na wala siyang cash, isipin mo kung ano sa mga gamit niya ang puwede mo na lang kunin.  Siyempre mas maganda kapag cash pero kung malabo ka talagang mabayaran, mabuti nang may nakuha ka kaysa wala. May bago ba siyang cellphone? iPad kaya? Laptop? Alahas? Relo? Pumili ng gamit na maaari mong ibenta o kung hindi man, magagamit mo. Ang mahalaga, hindi ka masyadong nalugi.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    6. Naumpisahan na kaya ituloy-ituloy mo na.

    Napakaswerte mo kung bayaran ka kaagad pagkatapos mo maningil ng isang beses lamang. Pero ang mga mahilig mangutang, magaling magtago at mabigay ng kung anu-anong dahilan. Kaya naman kulitin mo rin. Naumpisahan mo na maningil, ituloy-tuloy mo na sa pagpapaalala hanggang mabayaran ka.

    Halimbawa, kung nangako sa iyo na magbabayad sa Biyernes, Miyerkules pa lang i-text mo na ang oras at saan kayo magkikita. Kapag humingi ng palugit, magbigay ka ng isa o dalawang araw. Baka tumawad pa — basta kunin mo kung magkano ang i-abot. Tapos tanungin mo agad kailan ang bayad ng balanse.

    More from Smart Parenting

    7. Kung pahirapan talaga, i-barangay mo na.

    Kapag kamag-anak o kaibigan, sa barangay ka dapat unang maghain ng pormal na reklamo. Huwag naman sana makarating dito pero minsan iyon na lang talaga ang paraan. Madalas nagkakaayos na sa barangay at hindi na umaabot sa korte.  

    Gusto mo man na kayo-kayo na lang sana ang magka-ayos, kung hindi ka naman pinapansin, nandiyan ang baragay para tumulong. Ang barangay ay mediator lamang — nandoon ito para makinig sa dalawang panig at ayusin ang problema.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Hindi madali maningil ano? Kaya sa susunod, isipin mabuti kung dapat ba magpahiram. Kung papayag ka, gumawa ng kasulatan at siguraduhin na malinaw ang usapan. Nang sa gayon, hindi masira ang pagkakaibigan or relasyon sa pamilya. 

    Sa totoo lang, kung ang pinapahiram mo ay mga kagaya ni Sheila, hindi mo sila natutulungan. Ang nangyayari ay kinukunsinti mo ang kanilang mga luho at hindi tuloy sila natututong humawak ng pera. Sa susunod na may lumapit sa iyong kagaya ni Sheila, diretsuhin mo na hindi ka nagpapautang. Pwede ka magbigay ng dahilan, halimbawa sabihin mo ilang beses ka na natakbuhan at sapat lang ang kita mo para sa iyo, pero hindi naman kailangan ipaliwanag ang pag-hindi mo.  

    Sundin mo man ang pitong diskarte nakalista dito, wala pa ring garantiya na mababayaran ka. Sana magsilbing aral ito sa iyo sa susunod na may lalapit at manghihiram. Kung hindi ito para sa matinding pangangailan, isipin mong mabuti bago ka magsabi ng oo.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles