-
Dagdagan Ang Ipon Sa Tulong Ng SSS PESO Fund: Paano Mamuhunan Dito
Isa itong paraan para madagdagan ang retirement fund.by Jocelyn Valle .
- Shares
- Comments

Upang lalong mapaghandaan ang pagreretiro sa edad 60, nagbibigay ang Social Security System (SSS) sa kanilang mga miyembro ng pagkakataong madagdagan ang matatanggap na pensyon. Ito ay sa pamamagitan ng SSS Personal Equity and Savings Option (PESO) Fund, na boluntaryong huhulugan ng miyembro sa loob ng limang taon.
Magandang investment ang SSS PESO Fund, ayon sa ahensiya, dahil lalago ang perang ipapasok ng miyembro nang higit pa sa kikitain nito sa bangko. Inilalagay kasi ng SSS ang pondo bilang investment sa government bonds, tulad ng Treasury bonds at bills, kaya mas mataas ang interes. Garantisado ang kita dito at tax-free pa.
Requirements para makapagbukas ng SSS PESO Fund
Bukas ang enrollment ng SSS PESO Fund para sa lahat ng aktibong miyembro, mula employed, self-employed, voluntary, at overseas Filipino worker (OFW). Ngunit may ilang kondisyon.
Kailangan hindi lampas 55 years old ang miyembro. Dapat nakapagbayad na siya ng minimum na 6 months ng monthly regular SSS contribution sa loob ng isang taon bago dumating ang buwan ng kanyang enrollment.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWAng self-employed, voluntary, at OFW members ay kailangan na nagbabayad ng pinakamataas na halaga ng kontribusyon alinsunod sa Monthly Salary Credit (MSC) sa ilalim ng SSS regular program. Wala din dapat silang tinatanggap na anumang final claim mula sa SSS regular program.
Mada-download ang SSS PESO Fund Enrollment Form sa website. Makukuha din ito sa alin mang opisina ng SSS. Ngayong panahon ng community quarantine bunsod ng COVID-19 pandemic, hinihikayat ng ahensiya na gamitin ang kanilang web portal na My.SSS para sa ano mang transaksyon.
Maaaring gamitin sa web portal ang “Appointment System,” kung saan makakakuha ng schedule papunta sa alin mang SSS branch. Ipinapatulad din ang number coding scheme sa ilang branches upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Kapag natapos na ng miyembro ang enrollment sa SSS PESO Fund, puwede na siyang magsimulang magpasok ng pondo sa kanyang account. May minimum amount na Php1,000 kada hulog, na depende naman sa miyembro kung gaano kadalas niya gawin basta hindi siya lalampas sa halagang Php100,000 sa loob ng isang taon.
CONTINUE READING BELOWwatch nowMaaaaring maghulog para sa SSS PESO Fund sa SSS payment facilities. Ang ilan sa partner banks nito ay Asia United Bank, Bank of Commerce, PNB Savings Bank, Rural Bank of Lanuza, Union Bank of the Philippines, at Wealth Bank. Puwede rin sa pamamagitan ng e-wallet na GCash.
Tatlong klaseng investment para sa SSS PESO Fund
Ang lumalagong pondo ng miyembro ay ilalaan ng SSS sa tatlong klase ng account hinggil sa kanyang pangangailangan. Una dito ang retirement/disability, kung saan mapupunta ang 65 percent ng pondo. Sunod ang medical, na makakatanggap ng 25 percent, at ang natitirang 10 percent ay para sa general purpose. Kabilang sa general purpose ang pangtustos sa edukasyon, pabahay, at pagkakakitaan, pati na rin ang biglang pagkawala ng trabaho.
Sa loob ng limang taon na paghuhulog ng miyembro sa kanyang SSS PESO Fund, hindi siya maaaring mag-withdraw mula sa retirement/disability account. Papayagan siyang mag-withdraw mula sa account na medical at general purpose, pero may babayaran na penalty at service fees.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWKapag natapos na ng miyembro ang limang taon na paghuhulog sa SSS PESO Fund, makukuha lamang niya ang pondong kanyang pinag-ipunan kapag narating na niya ang retirement age at mag-apply ng retirement claim. Makukuha rin ito kapag nagkaroon siya ng total disability.
Idadagdag ang pondo sa matatanggap na retirement o total disability benefits mula sa regular SSS system. Puwedeng makuha ang kabuuang halaga sa pamamagitan ng monthly pension, lump sum, o kombinasyon ng dalawa.
Kung bawian ng buhay ang miyembro bago niya marating ang retirement age, ang pondo at death benefits na lump sum ay mapupunta sa kanyang beneficiary.
What other parents are reading

- Shares
- Comments