Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
  • Paano Mangutang sa Kamag-Anak at Kaibigan Nang Walang Samaan ng Loob

    5 tips para mas madaling makautang ng pera
    by Aneth Ng-Lim .
Paano Mangutang sa Kamag-Anak at Kaibigan Nang Walang Samaan ng Loob
PHOTO BY @Attila Barabas/iStock
  • Tumataas ang presyo ng mga bilihin pero ang kita niyong mag-asawa ay pareho pa rin. Kapag ganito ang kalagayan, hindi maiiwasang magipit lalo na kapag biglang may nagkasakit na anak o may malaking gastusin sa eskwela.

    Kapag kapos ang budget, kanino ka pwedeng lumapit? Kadalasan, ang unang takbuhan ay ang iyong mga magulang, kapatid, o malapit na kamag-anak. Pero paano kung gipit din sila? Makakautang ka ba sa iyong ka-opisina o mga kaibigan?

    Nakakahiya mang manghiram, bilang magulang, kailangang unahin ang pangangailangan ng pamilya. Ayaw mong magutom ang mga bata, o hindi madala sa doktor kapag may sakit, o huminto sa pag-aaral dahil lang kapos ang pera.

    More from Smart Parenting

    Hindi naman masama ang lumapit sa pamilya o kaibigan kapag may pangangailangan. Ang hindi maganda ay ang humiram para sa mga luho kagaya ng bagong celphone, o kaya para mamasyal sa ibang lugar o bansa. Iwasan din ang mangutang nang sunod-sunod, pagkatapos ay hindi na babayaran. Siguradong kapag nangailangan ka na naman, hindi ka na makakaulit.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kung kinakapos ka at nag-iisip kung kanino ka lalapit, basahin ang mga sumusunod na payo para mas malaki ang tsansang makahiram ka, at hindi niyo pag-awayan ang bagay na ito sa hinaharap.

    Tips para mas madaling makautang

    1. Ipaliwanag mabuti kung saan mo gagamitin ang pera.

    Bakit mo kailangan ang pera? Para ba ito sa matrikula? O baka kaya na-ospital ang anak mo at medyo malaki ang gastusin? Bago ka tumawag sa taong uutangan, ihanda mo ang iyong sasabihin. Ipaalam mo kung magkano ang iyong kailangan, para saan ito gugugulin, at magkano ang balak mong hiramin. Maaring ang gastos ay P10,000, pero kaya mo naman bayaran ang kalahati, kaya ang kapos mo na P5,000 na lang ang iyong uutangin. Iwasang magsinungaling. Kapag nahuli ka, baka hindi ka na makalapit ulit.

    2. Linawin kung kailan ka magbabayad.

    Mahirap magpahiram kung hindi mo alam kung babalik pa ang pera mo. Kaya kung gusto mong umoo ang kausap mo, magtakda ka ng petsa. Maaring sa sununod na sweldo, o sa susunod na buwan. Pwede ka ring makiusap na babayaran mo paunti-unti. Kapag maayos ang usapan at tutuparin mo ito, walang magiging problema.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kung sakaling hindi ka makabayad sa tamang araw, huwag ka magtago. 

    Tawagan o puntahan ang pinagkakautangan at magpaliwanag. Magsabi ka rin ng bagong takdang araw ng pagbabayad.

    3. Kung hindi ka makabayad, ano ang maiaalok mo?

    Nangyayari rin naman na gusto mong magbayad pero bigla na namang may isang bayarin o problemang dumating. Huwag mo isipin na kaya nilang maghintay nang matagal bago mabayaran. Lahat ng tao ay may pangangailangan.  Maaaring inuna ka nila pero hindi ibig sabihin na hindi nila ito mararamdaman kung hindi mo sila mabayaran.

    Kapag may aberya sa pagbabayad, lumapit uli at kausapin sila nang maayos. Maghanda ka rin ng bagay na maiaalok mo. May alahas ba na pwede mong iwan sa kanila habang hindi ka pa nakakabayad? O kaya pag-usapan niyo kung pwede kang magdagdag ng interes sa iyong utang. Kadalasan, kung sila ay kamag-anak o malapit na kaibigan, tatanggihan nila ito. Pero maganda na nag-alok ka.

    More from Smart Parenting

    4. Maghanda ng kasulatan para klaro ang kasunduan.

    Alam mo bang sa mga bansang Australia at New Zealand, may mga kaso kung saan kinailangang i-demanda ng mga magulang ang kanilang mga anak para sila ay mabayaran? Nakakalungkot isipin pero ayon sa mga nag-demanda, pinahiram nila ang kanilang mga anak para makabili ang mga ito ng sariling bahay. Noong tanungin naman ang mga anak sa korte, pinipilit nila na hindi ito utang, kung hindi perang binigay sa kanila ng mga magulang. Samantala, puno ng takot ang mga magulang dahil wala na ang kanilang ipon, at hindi na rin sila makapagtrabaho dahil sa kanilang edad. Kung sila ay may kasulatan, hindi siguro nangyari ito.  

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kung ikaw ay manghihiram, lalo na kung medyo malaki ang halaga, mas mainam na mayroon kayong kasulatan. Hindi naman kailangan ng komplikadong kontrata o gumastos pa para sa abogado. Ang importante lamang ay mailagay kung sino ang nangutang kanino, magkano ang utang, petsa ng pagbabayad, at multa kung sakaling hindi makapagbayad sa oras. Maganda ring magpirmahan tuwing magbabayad o kaya gumamit ng tseke. Mahirap na at baka magkalimutan.

    5. Makiusap na sa inyo na lamang ang usaping ito.

    Kung ikaw ang naghihiram, ayaw mo rin naman siguro na maraming nakakaalam. Kung ikaw naman ang nagpapahiram, mabuti na ring sikreto dahil baka mas marami pa ang lumapit sa iyo para mangutang. May mga pagkakataon rin na ang mga miyembro ng pamilya ay nag-aaway dahil sa utang—nandiyan na iyong may naiinggit (kasi naunahan mo manghiram) o nagagalit (kasi hindi sila pinahiram). Kapag kayo lang ang nakakaalam, mababawasan ang drama.

    Pero huwag mo gamitin ito para makahiram sa iba’t ibang kamag-anak at kaibigan. Kapag nahuli ka, maaring magalit lahat sila sa iyo. Sino pa ang pupuntahan mo kapag nangailangan ka?

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Paano kung hindi ka mapahiram?

    Maaring gipit rin ang iyong mga kamag-anak o kaibigan kaya hindi ka nila mapautang. O kaya, ilang beses ka nang nakalapit kaya hindi ka na mapagbigyan. Huwag kang magalit at irespesto na lamang ang kanilang desisyon.

    Kung talagang gipit, tingnan mo kung makakahiram ka sa opisina o kaya sa SSS o GSIS (depende kung ikaw ay empleyado sa pribado o publikong sektor) o kaya sa credit card o bangko. Ang mahirap lang sa mga ito, may nakatakdang interes at araw ng pagbabayad, kaya humiram lamang ng kailangan at siguraduhing kaya mong magbayad.

    More from Smart Parenting

    Sa totoo lang, madali nang mangutang ngayon. Mag-apply ka ng credit card at pwede ka nang mag-cash advance kapag na-aprubahan. Mayroon ding mga banko na nagbibigay ng personal loan, at makukuha mo ang cash sa loob lang ng isang araw.

    O kaya, gamit ang telepono mo, may mga App na nagpapahiram ng pera nang hindi na kailangan ng papeles, basta i-link mo lang ang Facebook account mo. Parang ang simple ano? Pero bantayan mong maigi ang interes dahil minsan, higit pa sa doble ang babayaran mo. Isipin mo rin kapag hindi ka nakapagbayad—pwede nilang ipaalam sa lahat ng Facebook contact mo ang iyong utang!

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kapag napapadalas ang paghiram, maganda sigurong tignan mo rin ang iyong gastusin. Gusto mo man mag-aral ang iyong mga anak sa magandang eskwela, baka hindi talaga kaya sa ngayon. O kaya, baka mas maiging lumipat sa mas maliit na bahay. Kailangan mo ba talaga ng mabilis na WiFi o bagong celphone? Tingnan lahat ng bagay na pwedeng bawasan o alisin nang sa gayon, liliit ang gastos, mababayaran ang mga utang, at sana sa darating na panahon, makakapag-ipon ka na rin para unti-unting gumanda ang buhay.

    More from Smart Parenting

View More Stories About
View more articles