-
Grade 5 Student, Namatay Sa Brain Hemorrhage Matapos Sampalin Diumano Ng Guro
Panawagan ni Elena sa DepEd, "Hustisya po talaga para sa pagkamatay ng anak ko."by Judy Santiago Aladin . Published Oct 3, 2023
- Shares
- Comments

Babala: Ang artikulong ito ay nagbanggit ng mga pagkakataon ng pisikal na pang-aabuso at kamatayan. Maaring mahirap ito para sa ilang mga mambabasa.
Namatay ang isang Grade 5 student mula sa Antipolo, Rizal, ilang araw matapos itong sampalin diumano ng guro nito.
Ayon sa ulat ng GMA News at DZRH News, namatay ang 14 anyos na si Francis Jay Gumikib o FJ kahapon, ika 2 ng Oktubre, ilang araw matapos itong maospital dahil sa iniindang pagkabingi at pananakit ng ulo.
Kuwento ng ina ni FJ na si Elena Minggoy, nagsumbong ang kanyang anak noong ika 20 ng Setyembre dahil sinampal daw siya ng kanyang guro.
"Sabi po ng anak ko, 'Teacher, ang iingay po nila.' Sabi [daw] ni teacher, 'Gusto mo pati ikaw makisali ka rin.' Tapos nung naupo siya, binalikan siya ni teacher, hinila siya sa uniform, tapos sinabunutan siya, pagsabunot sa kanya, sinampal siya," isinalaysay ni Elena sa GMA News.
Mula noon, hindi na raw nawala ang pananakit ng ulo ni FJ, partikular sa kanyang kanang tainga. Nawalan din daw ito ng balanse at nakaranas rin ng pagsusuka. "Parang marami daw gumagapang sa tainga niya," dagdag naman ni Elena sa DZRH.
"Sana wala nang mangyayaring ulit na ganitong kaganapan na may mamamatay na estudyante dahil lamang sa pananakit ng teacher." —Elena Minggoy
Setyembre 26 nang sinugod nila si FJ sa ospital dahil parang lantang gulay na raw ito. Na-comatose si FJ, at tuluyan nang binawian ng buhay kahapon, ika 2 ng Oktubre, bandang alas-diyes ng umaga.
Ayon sa pulisya, itinatanggi ng guro na sinampal niya ang bata. "Sabi ng teacher, hindi naman niya sinampal o tinampal. Pero yung aksyon na ginawa niya nung dinemo niya is ginanun [mahinang sampal sa pisngi] lang niya yung bata," pahayag ni PEMS Divina Rafael ng Antipolo police sa GMA News.
"According po dun sa mga bata, hinawakan po sa damit, then nahawakan sa buhok, saka po natampal," dagdag niya.
Pumunta raw si Elena sa eskwelahan isang araw matapos ang pananakit sa kanyang anak, at nakausap nito ang homeroom adviser. Hindi raw niya kayang harapin ang gurong nanakit dahil sa sobrang galit niya. Hindi naman alam ng adviser ang dahilan kung bakit sinaktan ang kanyang anak. "Sana ipinatawag nalang kami kung ano man ang pagkakamali, kaysa saktan ang anak ko," hinaing ni Elena sa DZRH.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWAyon kay P/Lt. Col Ryan Manongdo, maaaring sampahan ang guro ng complaint na homicide kaugnay ng paglabag sa Republic Act 7610. Sa ilalim ng batas na ito, pinoprotektahan ng batas ang mga kabataan mula sa pang-aabuso.
Sasailalim pa lamang sa autopsy si FJ. Magsasagawa rin daw ng sariling imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) ukol dito.
Pighati ng ina
Marami ang hindi makapaniwala na aabot sa pagkamatay ang pananakit ng guro kay FJ. "Yun nga po ang di ko maintindihan. Iniisip ko, 'yung mga teacher po may mga anak din po yan," sabi ni Elena sa DZRH. Ibinahagi din ni Elena na "malaking tao" raw ang gurong nanakit sa anak niya.
Sa ulat ng DZRH, brain hemorrhage ang sanhi ng kamatayan ni FJ base sa record nito sa ospital.
Kuwento ni Elena, dalawang taong huminto sa pag-aaral si FJ, na pangatlo sa limang magkakapatid. Aniya, ngayon pa lamang naospital si FJ magmula nang bata pa ito. Ang hanapbuhay nila ay ang pagtitinda ng buko.
CONTINUE READING BELOWwatch nowPanawagan ni Elena sa DepEd, "Hustisya po talaga para sa pagkamatay ng anak ko."
At para naman sa mga guro, pahayag ni Elena sa ABS-CBN News, "Ang masasabi ko lang po sana maging aral sa mga teacher yan, yung katulad nito sa pananakit ng bata na nangyari sa anak ko. Sana wala nang mangyayaring ulit na ganitong kaganapan na may mamamatay na estudyante dahil lamang sa pananakit ng teacher."
What other parents are reading

- Shares
- Comments