“Isang milagro” ang paggaling ng isang 5-month-old baby boy sa Brazil mula sa COVID-19 pagkatapos niyang mamalagi sa ospital ng 54 days, ang 32 dito ay sa ilalim ng induced coma at may kakabit na ventilator. Ito ang paniniwala ng mga magulang ng sanggol na Dom ang pangalan.
Nagkuwento ang tatay ni Baby Dom na si Wagner Andrade sa ulat ng CNN na nalathala noong May 30, 2020. Aniya, nagsimulang magkasakit ang sanggol ilang buwan nang isilang ito. Hirap daw itong huminga kaya akala ng mga doktor mayroon itong bacterial infection at binigyan ng gamot para sa ganoong sakit.
Pero imbes na gumaling, lumala pa daw ang kondisyon ni Baby Dom. Doon nagpasya si Wagner at kanyang misis na si Viviene Monteiro na ilipat ang kanilang anak sa ibang ospital. Pagdating sa Pro-Cardiaco Hospital sa siyudad ng Rio de Janeiro, binigyan ang sanggol ng coronavirus test kit at doon natukoy na COVID-19 ang sakit nito.
Hindi lang malinaw hanggang ngayon kung saan at paano nakuha ni Baby Dom ang virus. Ang hinala ng kanyang daddy, baka daw nahawa ito nang minsang bumisita silang mag-anak sa bahay ng isang kamag-anak.
Mula noon, dugtong ni Wagner, napansin ni Viviene na may kakaibang ingay sa tuwing hihinga si Baby Dom. Tumawag silang mag-asawa sa ilang doktor upang humingi ng medical opinion.
Ang isa sa mga doktor ay nagbigay ng payo na i-record sa video ang paghinga ng sanggol. Sumunod naman sila at ipinadala ang video. Nang mapanood daw ng doktor, sinabihan sila na dalhin kaagad ang kanilang anak sa ospital.
Ngayong magaling na si Baby Dom, hindi daw maipaliwanag ni Wagner ang saya na kanyang nararamdaman. Inasam nilang mag-asawa na maiuwi na kaagad ang kanilang anak, at nagawa nila iyon sa wakas pagkalipas ng 54 days. Tamang-tama ang timing ng pag-uwi ng sanggol para sa pagdiriwang ng kanyang ika-anim na buwan nitong June 14.
Kung hindi man milagro ay isang inspirasyon ang kuwento ni Baby Dom sa gitna ng nakakabahalang pag-akyat ng bilang ng COVID-19 cases sa Brazil. Sunod sa United States, pangalawa na ang Latin American country na ito sa buong mundo na may pinakamaraming nag-positibo sa coronavirus.
Ayon sa June 25 data ng John Hopkins University Center for Systems Science and Engineering, mayroon ng 1,188,631 kaso sa Brazil, at 53,830 sa mga iyon ang pumanaw na.
Sa datos naman na nakalap para sa CNN article at nagmula sa Ministry of Health ng Brazil, 25 na sanggol hanggang 12 months ang nasawi na mula sa COVID-19 deaths.
We use cookies to ensure you get the best experience on SmartParenting.com.ph. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. Find out more here.