
Kamakailan ay nag-anunsyo ang Maynilad Water Services Inc. na magkakaroon ng rotational water service interruption simula ngayong araw sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon dahil sa patuloy na pagbaba ng water level sa Angat Dam.
Nag-anunsyo rin ng rotational water service interruptions ang Manila Water. Kabilang dito ang Metro Manila at Rizal province.
Kasunod nito, sinabi ni Sevillo David, executive director ng National Water Resources Board (NWRB) na hindi kailangang mag-hoard o mag-ipon ng lampas-lampas sa pangangailangan sa isang araw. "Kung may mga instance kasi na sa ilang lugar ay malakas ‘yung kanilang paghugot ng tubig ay naapektuhan po ‘yung ibang nangangailangan. So mas maganda po kung mag-iipon tayo ayon sa mga-- 'yung tama lang pong dami para maitawid naman sa susunod na pagdating ng tubig,” pahayag ni David.
Sabi pa niya, nasa 186 meters na ang water level sa Angat Dam, mababa mula sa 191 meters noong mga huling linggo ng Setyembre. Bagaman pasok pa rin ito sa minimum operating level, pinairal na ng mga water concessionaires ang reduced allocation para masigurong tatagal ang supply ng tubig hanggang sa susunod na taon.
Pinayuhan din ng NWRB ang mga residente ng apektadong area na gumamit ng deep wells para mapunan ang pansamantalang kakulangan ng tubig.
Sabi naman ng Metropolitan Waterworks and Sewage System (MWSS) chief regulator na si Patrick Lester Ty, kailangang paigtingin ng Maynilad at Manila water ang kanilang mga contingency measures para siguraduhing hindi lubos na mahihirapan ang mga consumers dahil sa rotational water interruptions. “They should strictly adhere to the schedule of water interruptions as announced,” pahayag niya. Ayon pa sa kaniya, kailangang magdagdag ng stand-by water tankers o static tanks para magkaroon ng pagkukuhanan ang mga apektadong residente.
Sinagot naman ito ni Randolph Estrellado, Maynilad chief operating officer, “Rationing will start tomorrow (Thursday).” “We expect to continue rationing until releases from Angat are increased to the normal level of 48 cms (cubic meters per second),” dagdag pa niya.
Nagpahayag din ang MWSS na kailangang tignan ng Maynilad at Manila Water ang output nila mula sa kanilang mga water treatment plants sa Putatan, Muntinlupa, at Cardona, Rizal. Ang Cardona at Putatan plants ay kumukuha ng tubig mula sa Laguna de Bay at maaaring makatulong pangdagdag sa tubig na nakukuha mula sa Angat Dam sa Bulacan. Kailangan lang na specially treated ang tubig na kinukuha sa Laguna de Bay bago ito maging ligtas para sa mga consumers.