Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
  • Newborn Checklist: Mga Dapat Ihanda sa Unang Tatlong Buwan ng Inyong Baby

    Ito lamang ang kakailanganin mong checklist para sa bagong-silang na sanggol.
    by Rick Jay Cabillo and Rachel Perez .
Newborn Checklist: Mga Dapat Ihanda sa Unang Tatlong Buwan ng Inyong Baby
PHOTO BY iStock
  • Nanganak ako bago pa man dumating ang aking inaasahang due date. Nagpunta ako sa ospital bitbit ang isang bag na dali-dali ko lang hinanda. Nang makumpirma na manganganak na nga ako, mabilisang pumunta ang kinakasama ko noon sa mall para bumili ng mga gamit para sa baby na nakalista sa pregnancy book ko. Marami sa mga ito ang hindi namin kinailangan.

    Mga kailangan para sa iyong baby sa unang tatlong buwan  

    Kapag unang beses mo pa lang maging magulang, nakakatuksong bumili ng maraming gamit pang-baby. Ngunit tandaan na mabilis na kalalakihan ng baby mo ang mga damit niya. Bilang gabay, heto ang listahan ng mga dapat bilhin para sa baby.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Layette (o unang damit ng iyong baby)

    • Tie-sides, maikling manggas
    • Tie-sides, mahabang manggas
    • Mga cap/bonnet
    • Booties 
    • Mittens o mga guwantes
    • Shirts, walang manggas
    • Shirts, maikling manggas
    • Shirts, mahabang manggas
    • Mahabang pants/pajamas
    • Onesies, maikli at mahaba
    • Sleepsuits o mga pantulog 
    • Receiving blankets
    • Diapers o mga lampin

    Sa isang artikulo sa Smart Parenting, inirekomenda ni Dr. Cricket Chen, M.D. na pumili ng mga damit pang-sanggol na gawa sa cotton fabric. Maaari kang manghiram na lamang nito o bumili lang ng tatlong set dahil mabilis kalakihan ito ng mga baby. Mas madali ang pagbibihis sa bagong-silang na sanggol gamit ang tie-sides na damit. Ang mittens o pares ng guwantes ay makakatulong para maiwasang makutkot ng baby mo ang kanyang mukha, dagdag ng pedia na si Dr. Florianne Valdes, M.D. Gumamit ng takip sa ulo o bonnet kapag ipinapasyal sa labas si baby. Habang lumalaki ang iyong sanggol, maaaring gumamit na ng shirts, onesies, at pajamas, kaya’t pupuwedeng kumuha ng apat hanggang anim bawat isa.

    More from Smart Parenting

    Ang receiving blankets ay maaari ring magamit pang-swaddle o pambalot sa inyong sanggol, at puwede ring gawing tuwalya minsan. At dahil ang balat ng mga baby na bagong panganak ay lubhang sensitibo, inaantala ng ilang ina ang paggamit ng mga disposable diaper nang ilang linggo. Kung minsan din, hindi sukat ang newborn diaper sa baby. Gayunman, ang cloth diapers ay mapakikinabangan din bilang burp cloths.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Isaalang-alang ang panahon o klima kapag bibihisan ang inyong baby, at kung kayo lalagi sa kuwarto na naka-aircon. Kung lalamigin ka, malamang ay ganoon din si baby. Gumamit ng banayad na laundry wash detergent para labhan ang damit ni baby bago ito ipasuot sa kanya.

    Nursery (o kuwarto/tulugan ng iyong baby)

    • Matibay na mattress o kutson
    • Fitted bed sheet
    • Waterproof sheet/rubber mat
    • Sleepsack 
    • Changing pad
    • Co-sleeper/Crib

    Mas mainam na mas kaunti ang mga gamit na nakalagay sa tulugan ni baby. Hindi mo kailangan ng mga kumot, bolster pillows, o mga stuffed toy, dahil makakadagdag lang ito sa panganib ng sudden infant death syndrome (SIDS). Sa halip na kumot, gumamit ng sleepsack — ito ay mas ligtas na alternatibo upang hindi malamigan si baby habang natutulog. Sa mga laruan naman, sinasabi ni Dr. Chen na nagiging interesado lamang ang mga baby sa mga laruan na nakapagpapasigla ng development kapag sila ay nasa edad tatlong buwan pataas.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sapat na ang dalawang set ng sheets at mga punda. Ang mga co-sleeper naman ay magandang alternatibo sa crib o kuna. Nakatitipid ito sa espasyo at mainam para sa ligtas na co-sleeping o pagtulog katabi ni baby. Kung mas gusto mo ng kuna, pumili ng isang klase na puwedeng kalakihan ng iyong anak, o kaya iyong maaring i-convert sa playpen kapag siya ay mas malaki na. Mainam din na maglagay ng changing table at ng breastfeeding chair o nook, pero depende ito sa iyo. 

    More from Smart Parenting

    Hygiene at pag-aayos

    • Hooded bath towels
    • Washcloths o mga bimpo
    • Baby bathtub
    • Bath support net
    • Baby soap o liquid baby body wash
    • Baby oil/lotion
    • Nail cutter o nail file (pambata)
    • Diaper rash cream
    • Wipes (malaking tulong!)
    • Nasal aspirator
    • Digital thermometer

    Maliit na palanggana ang ginagamit ng ilang mga ina sa halip na bathtub—depende ito sa iyo. Mahalaga na siguruhing suportado ang leeg ni baby gamit ang isa mong kamay kapag pinapaliguan siya, pagbibigay-diin ni Dr. Chen.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Maari kang bumili ng maliit na suklay at brush para kay baby, o maaari mo ring gamitin ang iyong kamay. Hindi mo rin kailangang bumili ng shampoo kung nais mo dahil sapat na ang head-to-toe wash na pampaligo. Gayundin ang baby oil o lotion, bagamat nakakatulong ito sa pag-moisturize ng balat ni baby pagkatapos maligo. Siguraduhing baby-friendly ang mga produktong gagamitin kay baby. Magtanong din sa pedia at sa mga kapuwa ina para sa kanilang rekomendasyon.

    Hindi ligtas gamitin ang cotton buds; hindi mo ito kailangan. Maghanda ng bagong nasal aspirator at digital thermometer kung sakali. Gamitin iyong bago para maiwasan ang paghawa-hawa o kontaminasyon. Nakakatulong ang nose aspirator kapag barado ang ilong ni baby. Magandang nakahanda na ang mga ito para mayroon kang agarang magagamit kapag kinailangan, gaya ng kapag medyo mataas ang temperatura ni baby.

    More from Smart Parenting

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Pagpapasuso at pagpapakain

    • Breast pump
    • Four-ounce feeding bottles
    • Milk storage containers
    • Nipple at bottle brush
    • Sterilizer
    • Nursing bra o bra para sa pagpapasuso
    • Nursing cover
    • Breast pads
    • Nipple cream

    Mainam ang pagpapasuso kay baby sa unang anim na buwan hanggang sa isang taon. Inirerekomenda din na pasusuhin ang sanggol direkta sa dede sa unang anim hanggang walong linggo bago magsimulang mag-express o mag-pump ng gatas. Makakatulong ang magandang klase ng nursing bra kung ikaw ay nagpapasuso at magiging mas madali din ito. Maari ring bumili ng nipple cream, bagamat para sa iba, mabisa ang breast milk mismo para pahilumin ang sugat o bitak sa utong.

    Malaking tulong ang mga breast pump at milk container bag kapag nagsimula ka nang mag-imbak ng gatas para sa mga panahong malayo ka sa baby mo. May mga manual pump o electric breast pump na pagpipilian. Kung isasama sa pag-alis si baby, kakailanganin mo ng mga breast pad upang hindi tumagas ang iyong gatas, at ng nursing cover (maari ring hindi) — depende lahat iyan sa iyo.

    Hindi nangangailangan ng bib ang mga baby na bagong panganak dahil hindi pa sila ngumunguya ng pagkain, pero puwede itong gamitin bilang pamunas ng lungad. Nagpapasuso ka man, nagmi-mixed feeding, o nagpapadede sa bote, mainam na mayroon kang dalang mga anim na feeding bottle. Hindi inirerekomenda ni Dr. Chen ang pag-sterilize ng mga bote sa pamamagitan ng microwave. Ang mga gamit panlinis para sa pagpapasuso at pagpapakain, gaya ng mga bahagi ng breast pump, ay dapat nalilinis nang mabuti upang maiwasan ang paglipat ng mga bacteria.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Mga gamit sa pamamasyal

    • Diaper bag
    • Carrier
    • Car seat
    • Stroller

    Tiyaking kakasya ang mga gamit ni baby sa diaper bag kapag isinama siyang mamasyal. May iba’t ibang klase ng carrier, baby clings, at stroller; pumili ng nababagay sa iyo at sa iyong sanggol. Ang mga car seat ay isa na ngayong requirement kapag isinakay si baby sa private na sasakyan, at tunay namang napatunayan na nakatutulong ito para panatilihing ligtas ang iyong sanggol kapag nasa biyahe.

    Ang mga impormasyong nakalahad dito ay nagmula sa Newborn Checklist: What to Prepare for Your Baby's First Three Months

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles