embed embed2
May 2-Hour Evening Routine Na Makakatulong Para Mabawasan Ang Tigas Ng Ulo Ng Anak Mo
PHOTO BY Shutterstock/LookerStudio
  • Ang pagiging magulang ay isang 24/7 na responsibilidad. Wala itong pinipiling oras, lalo na kung maliliit pa ang mga anak mo.

    Kaya naman hindi nakapagtataka kung maraming mga magulang ang nakakaramdam ng tinatawag na parental burnout. Maraming mga nanay na rin ang nagbahagi sa amin na nagiging magagalitin na sila.

    Sa dami kasi ng mga kailangan mong intindihin at sa dami ng mga kailangan mong asikasuhin, hindi talaga maiiwasang masagad ang iyong pasensya.

    Sa isinulat ni Heather Miller para sa Working Mother, sinabi niya na kung overwhelmed ka na sa mga gawaing bahay pati na rin sa mga kailangan ng anak mo sa school, may 2-hour night routine na makakatulong sa iyo.

    Ayon kay Miller, kung ang anak mo ay edad 5-13, asahan mong ikaw ang magsisilbing "project manager" niya. Lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa kanyang pag-aaral.

    Kaya sa halip na utusan mo ang anak mo na gumawa ng kanyang assignment, mas maganda na samahan mo siya habang ginagawa niya ito.

    Malimit na multitasking ang ginagawa ng mga magulang at walang masama dito. Pero madalas, nagiging sanhi ito ng burnout at hindi mo nagagawa nang maayos ang mga responsibilidad mo.

    Para maiwasan ito, pwede mong subukan ang tinatawag ni Miller na Prime-Time Parenting. Ito ay isang two-hour school night routine na magsisimula mula 6 p.m. hanggang 8 p.m.

    What is prime-time parenting?

    Sa dalawang oras na ito, wala kang ibang pwedeng pagtuunan ng pansin kundi ang anak mo. Ibig sabihin, itatabi ninyo ang ano mang gadgets, workc computers, TV, tablet, at iba pa.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sabi ni Miller, marami kang pwedeng gawin sa dalawang oras na ito. Kabilang diyan ang mga sumusunod:

    • Pangungumusta sa araw ng anak mo
    • Pagluluto ng masusustansiyang pagkain
    • Pagkain kasama ang pamilya
    • Pagtulong sa mga anak mo na gumawa ng assignment
    • Paghahanda sa mga gagamitin niyo bukas ng umaga
    • Pagbabasa kasama ang iyong anak

    Pagpatak ng 8 p.m., dapat ay handa na para matulog ang mga bata. Mayroon ka nang oras para asikasuhin ang mga kailangan mong gawin na hindi mo magawa.

    Sa obserbasyon ni Miller, mas nagiging maayos ang pamamahinga ng mga bata sa pamamagitan ng prime-time parenting. Nababawasan ang kanilang kakulitan at hindi na sila ganoon ka-demanding sa atensyon. Nagiging mas resilient, less impulsive, at mas masiyahin din ang mga bata. 

    Hindi lang mga anak mo ang matutulungan ng routine na ito. Gagaan din ang buhay mo kung susundin mo ang mga itatalaga mong routines sa bahay.

    Kung puyat kasi ang anak mo, mas mapupuyat ka dahil sa hating-gabi mo pa gagawin ang mga kailangan mong gawin.

    Ang kakulangan mo sa tulog ang isa sa mga dahilan kung bakit nagiging magagalitin ka at mas mabilis kang mapagod.

    Tandaan na ang routine ay hindi lamang para sa mga bata. Malaki rin ang maitutulong nito sa iyo.

    Umpisahan ang 'training' o pagsasanay sa mga anak mo na sumunod sa routine habang bata pa sila. Ayon sa mga eksperto, mas nagiging masaya ang mga bata kung alam nila ang susunod na mangyayari sa araw nila. Hindi mo namamalayan, pati ikaw ay nakikinabang na rin.

    CONTINUE READING BELOW
    watch now

    Ikaw? Anong klaseng routine mayroon kayo sa bahay? Paano ito nakatulong sa inyong mag-iina? I-share mo na iyan sa comment section.

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles
Close