Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
  • 5 Bagay na Hindi Mo na Dapat Ilagay sa Social Media

    Iniisip mo pa bang mabuti ang inilalagay mo sa iyong social media accounts?
    by Ana Gonzales .
5 Bagay na Hindi Mo na Dapat Ilagay sa Social Media
PHOTO BY iStock
  • Ayon sa isang pag-aaral mula sa Global Web Index, nangunguna ang Pilipinas sa listahan ng mga users na nakababad sa social media. Ayon sa naturang pag-aaral, mahigit apat na oras ang ginugugol nating mga Pinoy sa ating social media accounts sa isang araw. Mahigit animnapung milyong Pilipino ang nasa Facebook at humigit-kumulang sampung milyon naman ang gumagamit ng Instagram.

    Bakit nga ba nauubos ang oras natin sa social media sites tulad ng Facebook at Instagram?

    Isa sa mga pinakasimpleng dahilan kung bakit nakatutok tayo sa social media sites tulad ng Facebook at Instagram ay boredom—mabisang pampalipas ng oras ang social media sites. Ayon pa sa pag-aaral, dahil sa mga notifications, likes, at comments, nagiging habit na natin ang tignan nang paulit-ulit ang ating mga telepono para sa kung ano mang bago.

    Sa haba rin ng panahong ginugugol natin online, minsan hindi na natin napapansin kung ano nga ba ang mga bagay na hindi na natin dapat ibinabahagi sa ating mga social media accounts, lalo na sa panahon ngayon ng cyber bullying at iba pang cybercrimes. Anu-ano nga ba ang mga bagay na hindi na natin dapat pang inilalagay sa social media?

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Ang iyong home address at telephone number

    Kasama rin dito ang iyong bank details at iba pang impormasyon na delikadong makarating sa mga taong hindi mo naman kilala. Bago ka mag-post ng mga pictures ng inyong bahay online, siguraduhin mo munang hindi makikita ang anumang impormasyon na maaaring makapagsabi sa ibang tao kung saan ka nakatira. Para sa mga magulang, madaling makalimutan ang paalalang ito, lalo na pagdating sa mga online invitations sa celebrations tulad ng birthday, binyag, o kasal. Bago ka mag-post ng anumang invitations mo online, printed man o digital, siguraduhing natakpan mo muna ang mga impormasyong nabanggit na maaaring maglagay sa iyo at sa pamilya mo sa peligro.

    Masyadong maraming pictures ng iyong anak

    Hindi problema at hindi rin masamang maglagay ng pictures ng iyong mga anak online. Ngunit kung masyado na itong marami at hindi na angkop ang mga kuha, maaaring makasama pa ito sa iyong anak sa kanyang paglaki. Bago ka mag-post ng pictures ng anak mo online, siguraduhin mo munang may takip ang kanyang private parts at hindi mo ikokompromiso ang privacy ng iyong anak. Ayon kay Genevieve von Lob, isang clinical psychologist, ang bawat larawan at video na ilalagay mo sa social media ay lilikha ng tinatawag na 'digital tattoo'—lalo na kung mag-viral ang video o litrato. Sabi ng social psychology professor na si Sonia Livingston, "What will matter to children is to feel they have agency, respect, and dignity."

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Mga hinaing mo tungkol sa iyong trabaho

    Kung may hindi ka man gusto sa iyong kasalukuyang trabaho, hindi mo na dapat itong ilagay pa sa social media. Ayon sa The Balance, maraming kumpanya ngayon ang may batas na maaaring magamit laban sa iyo kung lagi kang nagco-complain online tungkol sa trabaho mo. Bukod pa rito, hindi mo din dapat ibahagi sa social media mo ang mga classified information na ibinabahagi sa iyo ng kumpanyang pinatatrabahuhan mo. Laging tandaan na kung hindi mo kayang panindigan ang kalalabasan ng mga inilalagay mo online, mas makabubuti pang huwag na lamang silang ilagay doon.

    Mga away ng pamilya

    Kung may conflict kayo ni mister o hindi mo gusto ang iyong mga in-laws, mas magandang hindi mo na ito ilagay sa social media accounts mo. Tulad ng pagpo-post ng hinaing mo tungkol sa trabaho, wala ring mabuting maidudulot ang pagrereklamo mo tungkol sa iyong pamilya lalo na kung makikita nila ang mga sinabi mo. Minsa’y nagiging hingahan na ng sama ng loob ang Facebook dahil mas madaling mag-post kaysa makipag-usap sa mga tao. Ngunit kung tutuusin, hindi matatapos ang problema o confllict sa pamilya kung hindi ito pag-uusapan at dadaanin lang sa mga posts online.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Mga reklamo mo tungkol sa ibang tao

    Sa isang article sa Cosmopolitan Philippines, ibinahagi nila na hindi mo na dapat ilagay sa iyong social media accounts kung mayroon ka mang naging masamang experience sa isang business, online seller, kaibigan, ex-, o kahit ano pa mang sitwasyon na naramdaman mong naging biktima ka. Ayon kay Atty. Paul Cornelius T. Castillo, hindi ito ang professional choice at maaari kang masampahan ng kaso dahil dito.  “You commit libel when you impute a crime, defect, or circumstance that dishonors an individual (dead or alive) or a corporation, when such dishonored person is identifiable,” pahayag niya. 

    Hindi mo na rin dapat i-share online ang mga hindi magagandang bagay na ginagawa mo—lalung-lalo na kung labag ito sa batas. Kailangan mo ring mag-ingat sa iyong mga biro, dahil maraming bagay na ngayon ang maaaring ma-misinterpret.

    More from Smart Parenting

    Hindi natin maikakaila na magandang teknolohiya ang social media. Napaliit nito ang mundo sa paraang hindi nagawa noon ng dyaryo, radyo, at telebisyon. Madali nang makakita ng balita ngayon kahit saang panig pa ng mundo ang hanapin mo. Maaari mo na ring makausap ang malalayo mong kamag-anak at kaibigan sa isang pindot lang. Ngunit sa kabila ng mga kabutihang dulot nito, nakakabit pa rin ang responsibilidad na gamitin ito ng maayos. Ayon nga sa isang kasabihan, kahit anong sobra ay masama.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Mayroon ka pa bang ibang naiisip na hindi na dapat ibinabahagi online? I-send mo lang sa smartparentingsubmissions@gmail.com.

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles