
Isa sa mga tanong na madalas ipadala sa amin ng mga nanay na miyembro ng aming online community ay kung tama ba ang ginagawa nila para sa kanilang mga anak.
Nakakalungkot mang aminin, madalas kasi ay wala silang tiwala sa sarili nilang mga desisyon. Malimit din nilang ikumpara ang kanilang sarili sa isa't-isa. Narito ang isang #SPConfessions tungkol dito na ipinadala sa amin.
Bakit hindi natin dapat ikumpara ang sarili natin sa iba
Naguilty ako nang may nag-post about how proud she is for breastfeeding her baby. One month lang kasi ako nagpadede. It is the best pa naman para kay baby diba?
Kaya lang sabi ng doctor, kailangan ko itigil ang pagpapasuso dahil makakasama kay baby ang mga gamot para sa aking postpartum depression. Unahin ko muna daw ang aking sarili, para maalagaan ko ng tama ang aking anak.
Nalungkot ako nang makita ko 'yung post ng isa. Naka-cloth diaper ang anak niya at sabi niya gumaya na rin dapat ang iba. Nakakatipid na nga naman, nakakatulong pa sa kapaligiran.
Sinubukan ko naman, kaya lang nagtatrabaho ako maghapon at pagdating ko sa bahay, wala na akong lakas na maglaba pa.
Nainggit ako nang may nakita akong naka-carrier. Gusto ko rin ng ganoong, kaya lang, ang mahal pala. 'Yung mura naman, hindi raw recommended ng experts. Hindi raw safe para sa little one ko.
Nainsecure ako nang mabasa ko ang post ng isang nanay. Nag mo-Montessori way of learning daw sila. "Kaya ko din 'to," sabi ko. Kaya lang, wala naman akong alam kung ano 'yun.
"Aaralin ko," sabi ko, 'pag tulog na mga anak ko. Kaya lang, pagkatulog nila, pagod na rin ako at naipikit ko na rin ang aking mga mata.
Nakonsensiya ako nang makita ko ang post ng isang nanay. Healthy ang pagkain na ihinahanda niya para sa baby niya. Napaka-matrabahong gawain, pero pinagtitiyagaan niya. Sa amin kasi, kung ano ang nasa hapag, 'yun na rin ang pagkain ni baby.
Kinabahan ako nang makita ko ang paalala ng isang mommy na huwag masyadong i-expose sa gadget si baby. Tama nga naman! Pero kanina, dahil gusto ko ring magpahinga, pinayagan ko siyang manood ng Cocomelon at Dave and Aya.
Madalas kong kinukwestiyon kung mabuti nga ba akong ina, lalo na kapag nakikita ko ang post ng iba. Iba na kasi ang pamantayan ng pagiging mabuting magulang ngayon.
Sa social media, napakaraming nanay na mukhang milya-milya ang galing sa pag-aalaga ng bata kumpara sa iyo.
May karapatan naman silang maging proud, dahil bawat kilos ng isang ina, kilos ng isang babaeng inaalay ang oras at pagod niya para sa batang iniluwal niya.
Noon pa man, mahirap na ang maging nanay, pero mas naging mahirap sa panahon ngayon. Ang panahon kung kailan madaming mata ang kumikilatis sa iyo kung anong klase ka bang ina.
Ito ang panahon kung kailan naikukumpara mo ang buhay na naibibigay mo sa anak mo sa naibibigay ng iba sa anak nila—dahil sa nakikita mo sa social media. Idagdag mo pa ang frustrations mo bilang isang tao.
Pero kanina, habang nakaupo ako at nagtutupi ng damit, ang anak ko naglalaro sa likod ko, inaayusan ako ng buhok. Pumunta siya sa harap ko at sabi, "You're beautiful, Mommy! I love you!" Sabay yakap at halik pa. Isang dalawang taong gulang na bata lang pala ang makakasagot sa akin kung mabuti ba akong ina.
Madalas tayong magkumpara, pero tandaan natin, ang tamang pamamaraan ng pagpapalaki ng anak ay hindi iisa.
Kung pakiramdam mo may pagkukulang ka bilang isang ina, tignan mo kung ano ang mga mayroon ka at ang mga nagawa mo na.
Kailanman hindi tayo magiging perpekto. Pero hanggat sinusubukan natin, hanggang sa abot ng ating makakaya, sa mata ng ating mga anak, tayo ang bida, hindi ang iba.
Ang kwentong ito ay hango sa isang tunay na #SPConfessions na ipinadala sa amin sa Smart Parenting Village. Ang ilang mga detalye ay bahagya naming binago upang bigyang proteksyon ang nagpadala sa amin nito.
Mayroon ka bang sarili mong #SPConfessions na nais ibahagi sa amin? Ipadala lang kay Sara Palma sa Smart Parenting Village o hindi kaya ay i-email sa amin sa smartparentingsubmissions@gmail.com.