Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
  • 'Ang Pinakamadilim na Parte ng Pagiging SAHM: Pagkawala ng Iyong Identity at Kalayaan'

    Sakripisyo at pagmamahal — dalawang salitang madalas na naiiugnay sa pagiging isang magulang.
    by Dinalene Castañar-Babac .
'Ang Pinakamadilim na Parte ng Pagiging SAHM: Pagkawala ng Iyong Identity at Kalayaan'
PHOTO BY iStock
  • Isang bagay na napakahirap talaga sa panahon ngayon ang pagkuha ng tagapag-alaga ng anak. Masuwerte kung may kamag-anak na kasama sa bahay o magulang na kaya pang alagaan ang iyong anak. Pero syempre mahirap din ang umaasa lamang. Ngunit, mas mahirap din humanap ng mapagkakatiwalaan lalo na sa pagbabantay ng iyong anak.

    Ganito ang naging dilemma ko rin nang magkaroon ako ng anak. Mahirap iwan ang propesyon mo, pero paano kung anak mo ang may kailangan na sa iyo? Nagbasa ako ng mga artikulo tungkol sa pagiging SAHM (stay-at-home-mom). Marami na rin akong kaibigan na pinili ang buhay na ito. Paano kaya nila kinakaya mula sa pagiging career woman sa pagiging simpleng maybahay?

    Dahilan ng isang ina para maging stay-at-home o SAHM

    Naalala ko ang isang malapit na kaibigan sa akin, tumatak sa akin ang kaniyang sinabi nang tanungin ko siya kung kumusta ang pagiging SAHM. “Well, all I can say is that every day is a struggle, to the point of almost giving up. But at the end of the day, the simple joys of motherhood still outweigh its sacrifices.”

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Naisipan kong itanong sa kanya ang mga umiikot sa aking isipan. Narito ang aming naging usapan, sakaling makatulong din sa iba at makapagbigay ng inspirasyon.

    More from Smart Parenting

    Bakit mo pinili maging stay-at-home mom o SAHM?

    Kinailangan ko kasing lumiban muna sa trabaho noong nanganak ako sa aking pangalawa dahil nahirapan kaming mag-asawang maghanap ng maasahang bantay sa aking dalawang anak. Ang panganay ko noon ay toddler pa lang. Naranasan ko kasi sa aking panganay na bigla na lamang nagbibitiw ang yaya nang wala pa akong nahahanap na kapalit. Ilang beses din ito nangyari habang ako’y nagtatrabaho pa, at hindi ko na alam kung kanino ko muna iiwan ang aking anak para makapasok sa trabaho.

    Noong naging dalawa na ang anak ko, napagtanto ko na hindi ko na kayang iasa sa iba, kahit sa aking mga kamag-anak, ang pag-aalaga sa kanila dahil una sa lahat, ito ay responsibilidad ko bilang isang magulang. Lalo na at nagpapasuso ako noon at binalak ko ring ipagpatuloy ito hanggang magdalawang taon ang aking bunso. Marami rin akong nakausap na mga SAHM na nakakumbinsi sa aking malaki ang benepisyo ng pagiging hands-on sa mga anak. Naging sagot din sa aking panalangin nang payagan ako na lumiban muna sa trabaho.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Nagkaroon ka ba ng alinlangan bago piliing gawin ito?

    Sa totoo lang ay isang leap of faith ang desisyong ito. Ang pinakamalaking tanong noon ay kung kakayanin naming mag-asawa na isa lamang ang nagtatrabaho. Maliban dito ay mahirap para sa akin na iwan ang aking career dahil ang pagtuturo ay aking passion at malaking parte ng buhay ko. Naging buo lamang ang loob ko rito noong pinayuhan ako ng pedia ng aking mga anak na hindi ko na maibabalik ang panahong maliliit pa sila at nakadepende pa sila sa akin, ngunit ang trabaho o career ay puwede ko pang balikan kahit kailan ko gusto.

    More from Smart Parenting

    Ano-ano ang mga naging adjustment mo noong una bilang SAHM?

    Hindi naging madali sa akin ang malaking pagbabago sa aking routine. Nasanay kasi ako na bawat oras ay bilang at may naka-schedule na gawain. Noong unang araw ko yata bilang isang SAHM ay hindi ko alam ang aking gagawin kasama ang mga bata. Sinubukan kong magplano ng mga gawain ngunit mabilis ang takbo ng oras kapag kasama sila sa bahay. Minsan parang hindi natatapos ang mga gawaing-bahay at pag-aasikaso sa mga bata. Kailangan pa ay magaling ka sa multitasking lalo na sa akin na may dalawang batang binabantayan. Noon, akala ko mahirap na ang magturo sa klase, ngunit mas mahirap pa palang maging magulang. Walang pahinga — 24/7 kang ina.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ano-anong mga naging pagbabago sa iyo nang hindi nagtatarabaho sa opisina?

    Naging mas matapang at matatag ako noong naging SAHM ako. Kami lamang ng aking mga anak sa bahay kaya kailangan kaya kong gawin lahat at harapin ang aking mga takot. Noong una ay hindi pa ako marunong magluto at takot ako sa mantika pero natutunan kong mahalin ang pagluluto at maraming nagsasabing masarap na akong magluto ngayon. Nahirapan din ako noong una na umalis ng bahay nang kami lang tatlo ng aking mga anak pero kalaunan ay nagamay ko na rin at napawi ang aking pangamba. Natuklasan ko na marami pa pala akong kayang gawin at nasubukan ko ang aking lakas bilang babae.

    May panahon ba na gusto mo na sukuan ang pagiging SAHM? Bakit?

    Sa katunayan, araw-araw ng pagiging SAHM ay struggle. Kailangan kong labanan ang pagod hindi lang sa pisikal, lalo na sa emosyon at isipan. Kailangan labanan ang kalungkutan at pangamba, dahil madalas pakiramdam ko na ang bigat ng aking pasan at nag-iisa lamang ako na nagdadala nito. Nandiyan din ang takot dahil hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa kong pagpapalaki sa aking mga anak.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    At ang pinakamadilim na parte ng pagiging isang SAHM ay ang pagkawala ng iyong identity at kalayaan. May mga gabi na lubhang nangungulila ako sa mga bagay na nagagawa ko noon, nangangamba ako sa kung anong mangyayari sa akin kapag malalaki na ang aking mga anak, at winawari ko kung sino ako maliban sa isang ina. Madaling lamunin ng mga negatibong saloobin kapag nasa bahay ka lamang at nalayo ka sa mga tao at bagay na mahalaga rin sayo. Hamon sa akin araw-araw na iwaksi ang “mom guilt” at tanggaping makabuluhan at sapat ang aking mga ginagawa bilang ina.

    More from Smart Parenting

    Ano ang nagbibigay dahilan sa iyo para magpatuloy sa ganitong setup?

    Sapat nang makita kong masaya ang aking mga anak na kasama nila ako upang magpatuloy ako sa pagiging SAHM. Naalala ko ang sinabi ng aking panganay na 3 taong gulang na huwag na raw akong magtrabaho dahil iiyak siya. Naabutan niya kasi akong nagtratrabaho noong sanggol pa lamang siya at walang araw na hindi siya umiiyak tuwing aalis ako.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Iyong sinabi niya ay isang patunay na malaki ang naging epekto sa kaniya ng pagiging SAHM ko. Nakita ko na hindi mababayaran ang panahong kasama ko sila. Iyong naparamdam ko sa kanila na hindi ko sila iiwan at sila ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko ang huhubog sa kanila na maging taong puno ng pagmamahal.

    Ano ang mga suporta na ibinigay ng asawa mo sa iyo? Paano ka niya natutulungan?

    Ang pinakamalaking tulong na binibigay niya ay ang pakikibahagi sa responsibiladad bilang magulang na palakihin nang maayos ang aming anak. Ginagampanan niya ang tungkulin niya bilang ama hindi lang sa pagbigay ng pangangailangan pati na rin sa pag-gabay at pag-alaga sa kanila. Kahit galing siya sa trabaho ay binibigyan niya ng oras ang aming mga anak at binibigyan din niya ako ng pagkakataong tapusin ang aking gawain at asikasuhin ang personal kong pangangailangan.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ano ang maipapayo mo sa mga nanay na gusto ring maging SAHM?

    Hindi biro ang pagsubok na inyong tatahakin pero tandaan ninyo na walang yaman o gantimpala ang makapapantay sa alaala, aral, at pagmamahal na iiwan ninyo sa mga bata. Higit sa lahat huwag ninyong pababayaanan ang inyong sarili dahil ang inyong paglago at kaligayahan ay makabubuti rin sa inyong mga anak. Huwag kayong magatubiling humingi ng tulong sa ibang tao sapagkat kailangan ng isang komunidad sa pagpapalaki ng bata. Alalahanin ninyong hindi kayo nag-iisa.

    Alam natin na mahalaga na alagaan ang sarili para sa ating pamilya. Mag-click dito upang makakuha ng payo  paano gawin ito.

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles