Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
Walang Chart Na Magsasabi Na Nasa 'Normal Range' Ka Ng Pagiging Ina
PHOTO BY Hannah Ilagan ng Garage x Studio
  • "Nanays, gusto niyo ba sumali sa isang photoshoot? Naghahanap yung kaibigan ko ng mga pwede," sabi ng isa kong kaibigan sa aming chat group. 

    Para sa aming mga nanay na kadalasang nasa bahay, safe space namin ang chat group. Dito kami naglalabas ng mga agam-agam sa pagiging first-time mom, pagbabahagi ng mga tips sa iba't ibang bagay, mga larawan at video ng aming mga anak na ayaw namin ibahagi sa social media, at problemang pang-nanay na maaaring hindi maintindihan ng aming mga kaibigang hindi pa nagkakaanak.  

    Naisip kong sumali dahil hindi pa ako nagkakaroon ng studio picture kasama ang aking pamilya. Bilang isang pamilyang walang kasambahay, halos lahat ng trabaho sa maghapon ay naiiwan sa akin habang nasa trabaho ang aking asawa. Paminsan naman ay gusto kong maramdaman ang pagiging espesyal. 

    More from Smart Parenting

    Nanay na nga ba ako

    Kinwento sa amin ni Hannah, ang photographer sa likod ng Garage x Studio, kung ano nga ba ang kanyang inspirasyon sa kanyang proyektong #PhotographingMotherhood. Sabi niya, may iba raw kasing mga nanay na nagpapa-edit ng kanilang larawan, kesyo bawasan ang kapal ng ilang bahagi ng katawan o di kaya ay burahin ang mga peklat at stretch marks.  

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Napaisip ako ukol sa kanyang sinabi. Kadalasan ang pagiging nanay ay nagdudulot ng mga pagbabagong sa katawan ng babae na siya namang kitang-kita. Sa ganoong pamantayan, nanay na nga ba ako?

    PHOTO BY Hannah Ilagan ng Garage x Studio

    Naalala ko ang aking mga check-up sa aking ob-gyn. Lagi niyang sinasabi sa akin, "Para namang di nagbuntis/nanganak. Ang linis ng tiyan!" Kadalasan din kapag hindi ko kasama ang aking mga anak, palagi akong sinisingil ng pamasaheng estudyante, o di kaya'y tinatanong sino ang prof sa klaseng tinuturuan ko. Sa salon naman, paminsan na akong nasabihang masyadong makulay o maiksi ang aking buhok para sa aking mga anak o asawa. Minsan na rin akong nakatanggap ng payong mamili sa dalawang bagay: pag-aaral at trabaho o pananatili sa bahay.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

     

    Ang sukat nang pagiging ina

    Kadalasan ang pagiging nanay ay nasa kalooban natin. Ito ay bigat ng puso sa tuwing nakakakita ko ang mga kaibigang tapos na sa master's degree. Para sa iba, ito ay ang kapatid na nangibang bansa na, ang kaklase noong kolehiyo na marami nang napuntahang lugar, o di kaya ay ang dating ka-opisinang umangat na sa kanilang trabaho. 

    PHOTO BY Hannah Ilagan ng Garage x Studio
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang pagiging nanay rin ay ang pagod ng isipan, o mental workload, sa maraming bagay, gaya ng mga kuru-kuro at desisyong kakabit ng isang takal na lang ng bigas ang natitira sa para sa maghapon, nakatambak ang tiklupin sa gilid ng kama, sulat mula sa paaralan ni Ate na nagsasabing kailangan niya ng costume, o di kaya ay kasing simple ng itsura ng mga gamit na wala sa tamang lalagyanan. At para sa ibang mga nanay, wala pa rito ang postpartum blues at postpartum depression na maaaring mayroon siya ngunit patuloy pa rin ang ngiti sa kanyang mga labi.  

    Napagtanto ko na ang pagiging nanay ay hindi nasusukat ng kahit ano mang pamantayan. Walang standard charts na maaaring magsabi kung ako ba ay nasa normal range ng isang pagiging ina. Hindi pisikal na kaanyuan ang medida sa kung gaano na kalaki ang ating natutunan mula sa araw na nahagkan mo ang ating mga anak. Hindi rin papuri o pangungutya mula sa iba ang batayan ng ating halaga sa mata ng ating pamilya. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Pinili ko ang pagiging ina 

    Para sa akin, ang pagtanggap sa bagong kabanata ng aking buhay ang siyang nagpagaan sa aking araw-araw. Ako ngayon ay isa nang Mama, at pwede rin akong maging iba pa. May mga araw pa ring nagagalit ako at tinatanong ang mundo bakit mas madali para sa mga lalaki ang mga bagay, o bakit mas madali maging babae sa ibang parte ng daigdig. Ngunit mas dumadami na ang mga araw na bukal sa loob kong gumising nang maaga para maghanda ng baon, magtiklop ng labahin, at magwalis kahit na may babasahin pa ako para sa aking thesis.  

     

    PHOTO BY Hannah Ilagan ng Garage x Studio
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

     

    Siguro ang mga tanong ko tungkol sa "bakit ba mahirap maging nanay" ay hindi ko mapag-iisipan kung hindi ako inilagay ng daigdig kung nasaan ako ngayon. Wala pa akong konklusibong sagot sa mga tanong na ito, ngunit sa pagiging nanay, at sa pagbabahagi at pakikibahagi sa iba ukol sa pagiging nanay sa social media, unti-unti kong naiintindihan ang aking sarili. Unti-unti ay minamahal ko na ang aking sarili, anuman ang tingin ng iba sa akin.  

    Siguro ang photoshoot na ito ay isa lamang katunayan ng aking pagmamahal sa bagong ako, kahit wala naman talagang mukang bago – maliban sa dalawang bata na kasama ko sa larawan at isang asawa na nagmamasid at nagpapaalalang, "Okay lang maging masaya, okay lang maging ikaw."  

    Nawa'y lahat ng nanay sa mundo, anuman ang inyong kulay at laki, ay mahanap ang inyong kasiyahan at pagtanggap sa bagong kabanata ng inyong buhay.

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles