embed embed2
Nakakahawak Ng Crayon Ang Toddler At Kaya Mag-Scribble Ang Ilang 16 Month Baby Milestones
PHOTO BY Canva
  • Laro dito, lakad doon na walang humpay. Ikot dito, takbo naman doon. Dahil nasa toddler age na ang iyong baby sa ganitong panahon, walang tigil ang kaniyang pagkikilos na tila hindi napapagod sa paglilikot. Handa na siya sa 16 month baby o developmental milestones.

    Developmental milestones ang mga kakayahan o kasanayan (skills) na may kinalaman sa pag-uugali (behavioral), paggana (functional), o di kaya pangangatawan (physical) na kayang gawin ng mga karamihan sa mga bata ng partikular na edad. Paalala lang nga eksperto na may sariling bilis, o pace, ang bawat bata. Kaya mainam na magkuwento sa pediatrician ng mga nagagawa na ng anak.

    Sa edad 16 months, nagpapatuloy ang mga toddler sa pagtibay ng kanilang mga buto kaya naman mas maayos na nilang nababalanse ang kanilang katawan. Mas mainam na rin ang kanilang paglalakad na hindi na halos natutumba. Nagagawa na rin nilang magtadyak ng paa; umakyat sa mga upuan at mesa; maglakad nang pabaligtad; at kahit na ang pagtakbo nang hindi natatakot na madapa.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Gusto nilang subukan ang mga bagay-bagay na nakikita nila pati ang iyong ginagawa. Laging nakabuntot sa iyo at gusto nilang gawin din ang ginagawa mo, gaya ng pagpupunas ng mga muwebles, pagwawalis, pagluluto, o paghuhugas ng plato.

    Maaaliw ka rin na nakikita mong maghahawak sila ng walis at gagayahin ang ginagawa mong pagwawalis. Tila natutuwa at nae-excite pa silang gawin ito. Gustong-gusto rin nilang nagbubuhat ng mga box o anumang bagay na maibigan nila.

    Higit na mapagmasid ang toddler sa kanilang paligid at pilit na gagayahin ang kanilang nakikita o naririnig. Kaya maging maingat din sa iyong mga sinasabi dahil maaaring ulitin nila ito. Mas marami silang nauunawang salita kaysa sa nasasabi. Nakapagsasalita man siya, pero medyo malabo pang intindihin o nabubulol pa sila.

    Pero sadya talagang magkakaiba-iba ang mga baby. May nauuna at may nahuhuli sa kanilang development kaya hindi dapat agad na mag-aalala. Gaya sa personal na karanasan ng writer na ito: Ang panganay ko sa ganitong edad ay halos bulol pa kung magsalita samantalang ang bunso ay diretso nang magsalita nang tumuntong siya sa ganitong buwan.

    CONTINUE READING BELOW
    watch now

    16 month baby milestones

    Narito ang ilang mahahalagang development sa iyong baby sa pagsapit niya sa ganitong edad:

    Physical milestones

    • Nakalalakad nang mag-isa na hindi kailangan ng anumang gabay o alalay
    • Nakaakyat-baba sa mga upuan, sofa, kama nang walang tulong
    • Nakaiinom sa baso, pero hindi maiiwasan na may kaunting pagtulo o tapon
    • Nakagagamit ng kanilang kamay o kutsara sa pagkain
    • Nakahahawak ng krayola at lapis at nagagawang makapag-scribble

    Social milestones

    • Nakapagtuturo ang isang bagay na nakakakuha ng kaniyang interes o gusto niyang makahawakan
    • Nakatutulong na sa kaniyang pagbihis sa pagtaas ng kamay o pagtaas ng paa
    • Nakapaglilipat ng mga pahina ng libro
    • Nailalahad ang kamay para ipakitang hugasan ito
    • Nakapagpapakita ng emosyon, gaya ng kapag naiinis o nagagalit, kaya halimbawa, binabato ang mga bagay o kinakagat ng kaniyang kalaro
    • Natatakot o nahihiya kapag may ibang tao at pipiliing lumapit o magtago sa iyo, pero nagpapakita naman ng pagkilala o nagbibigay atensyon sa mga taong pamilyar sa kaniya
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Communication milestones

    • Nakapagsasalita ng 3 o higit pang salita bukod sa mama at dada
    • Nakasusunod sa isang panuto na hindi kailangang ipakita kung paano ito gagawin
    • Naituturo niya ang mga bahagi ng kaniyang katawan kapag tinanong siya halimbawa, “Nasaan ang mata mo?”
    • Nakikilala at nasasabi niya ang tawag sa isang bagay na madalas niyang makita

    Activities para sa development ng toddler

    Sa edad na ito na maaari mong simulan nang ituro sa iyong toddler na maunawaan ang bagay na katanggap-tanggap at hindi. Bahagi ang pag-tantrums ng ganitong edad na hindi mo mapipigilan. Maaaring turuan siya na hindi tama ang paghahagis ng bagay o panghahampas.

    Nagsisimula na rin silang maitindihan na ang ginagawa niya ay makakasakit ng iba. Kaya naunawaan niya na kapag gumagawa siya ng tama o maayos siyang nagbe-behave, makatatanggap siya ng papuri mula sa iyo, gaya ng palakpak, matamis na yakap, at halik.

    Pero kapag alam niyang may mali siyang nagawa, alam niyang mapagagalitan din siya. Kaya nga makikita mong may mali siyang nagawa kapag tahimik o pangiti-ngiti sa iyo para hindi mapagalitan. Tunay na matutuwa ka at mamangha sa mga kayang magawa na ng iyong baby.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Makatutulong ang sumusunod na mga gawain sa patuloy na paggabay sa kaniyang paglaki lalo na unti-unti na siyang mas nagiging independent:

    1. Makipaglaro sa kanila gamit ang mga laruan, gaya ng blocks, plastic containers, at iba pa.

    2. Makipaglaro sa kanila ng mga role-playing, gaya ng bahay-bahayan, pagbili sa tindahan.

    3. Basahan sila ng kuwento para mas makadagdag sa kanilang bokabularyo at mapalawak ang kanilang imahinasyon sa mga larawang nakikita.

    4. Kantahan sila ng mga nursery rhymes o iba pang awiting pambata.

    5. Hikayatin silang gumamit ng kutsara at uminom sa baso.

    6. Hayaan silang maglalakad-lakad basta hindi masyadong lalayo sa iyo.

    7. Maging konsistent sa mga routine na ginagawa ninyo araw-araw. Madali niyang matutuhan at matatandaan ang mga bagay-bagay at inaasahan sa kaniya.

    8. Magtakda ng mga hangganan sa mga dapat niyang gawin na naipaliliwanag sa kaniya kung ano ang posibleng mangyari kapag ginawa niya ito. Halimbawa ang paghawak sa saksakan, pagbubukas-bukas ng mga drawer, pag-akyat-akyat sa mga upuan, at iba pa.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sa kabilang banda, tiyak ding ikaw ang unang susuko sa pag-aalaga ng iyong baby dahil sa edad na ito maraming bagay silang gustong i-explore pa habang patuloy ang kanilang development at inaabot ang 16 month baby milestones.

    Sadyang mapapagod ka sa paghahabol o pagsaway sa kaniya sa mga bagay na gusto niyang subukang gawin. Kaya paalala lang sa ating mga mommy na kailangan mo rin magkaroon ng maraming lakas at higit sa lahat, habaan ang pasensya para sa iyong anak. Humingi ng tulong kung kailangan mo at magpahinga rin.

    Kung nakakaramdam ka rin ng pagkainis, lumayo sa iyong anak nang bahagya para maiproseso ang sarili. (Basahin ang ilan pang tips dito.)

    ---

    Mga pinagkunan ng impormasyon:

    Developmental Milestones Table, Washington University

    https://depts.washington.edu/dbpeds/Screening%20Tools/Devt%20Milestones%20Table%20%28B-6y%29%20PIR%20%28Jan2016%29.msg.pdf

    Child development milestones

    https://www.cambscommunityservices.nhs.uk/advice/staying-safe/childhood-development/milestones

    Speech and language development (from 12 to 24 months)

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    https://www.gosh.nhs.uk/conditions-and-treatments/procedures-and-treatments/speech-and-language-development-12-24-months/

    ---

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles
Close