-
Nakakalakad Mag-Isa, Nagkakaroon Na Ng Temper, At Iba Pang 18 Month Baby Milestones
Tuloy-tuloy ang paglaki at paglago ni baby.by Jocelyn Valle .
- Shares
- Comments

Pag lampas ni baby ng 12 months at 1 year old na, tinatawag na siya ngayong toddler. Patuloy ang paglaki at paglago ng toddler sa pagdaan pa ng mga buwan.
Tuloy-tuloy din ang pag-abot niya sa baby o developmental milestones. Ito ang mga kakayahan o kasanayan (skills) na may kinalaman sa pag-uugali (behavioral), paggana (functional), o di kaya pangangatawan (physical) na kayang gawin ng mga karamihan sa mga bata ng partikular na edad.
Sa edad 18 months, o isa't-kalahating taon, kabilang sa baby milestones ang pagsisimulang maglakad mag-isa kahit nanginginig pa ang mga tuhod at magalaw ang mga braso. Nahihilig siya na magturo sa mga bagay para itanong kung ano ang mga ito. Nakakabigkas na rin kasi ng ilang mga salita.
Kapag binigyan mo siya ng isang jumbo crayon at ilang piraso ng papel, asahan mong gagawa siya ng sariling paraan ng pagsusulat. Matutuwa at mamamangha pa siya sa kanyang achievement. Kapag binigyan mo naman siya ng laruan na may tali, tulad ng toy dog, maaaliw siya sa kakahila at paikot-ikot dito.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWNagsisilbi ang developmental milestones bilang gabay, ayon kay Dr. Joey Cuayo-Estanislao, para malaman kung lumalaki ang ating mga anak sa inaasahang bilis. Dagdag niya na ang behaviors at skills ay lumalabas sa paglipas ng panahon bilang building blocks ng bata sa kanyang paglaki (growth), paglago (development), at patuloy na pag-alam (continued learning).
Paalala lang ng pediatrician at miyembro ng Smart Parenting Board of Experts na may sariling bilis, o pace, ang bawat bata kahit pa sabihing may typical age ang bawat developmental milestone. Mahalaga lang na sumangguni sa doktor na tumitingin sa anak nang masubaybayan ang paglaki ng bata.
18 month baby milestones
Narito ang listahan ng mga karaniwang nagagawa ng toddler sa ganitong edad batay sa guidelines ng United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC), American Academy of Pediatrics (AAP), at Stages Questionnaires. Ang huli ay isang tool na ginagamit ng pediatricians para sa screening ng development ng bata.
CONTINUE READING BELOWwatch nowMay gabay din ito nina Dr. Leoncia Que-Firmalo, isang pediatric neurologist, at Lillian Ng Gui, isang psychologist.
Pero ilan munang paalala:
1. Hintayin matapos ang ika-18 months bago obserbahan ang toddler sa kanyang 18-month-old milestones. Hindi kasi magkakapareho ang mga bata. Merong nauunang maabot ang milestones at meron ding nahuhuli nang kaunti.
2. Siguraduhin na husto ang toddler sa pagkain at pahinga. Mahirap siyang obserbahan kung hindi mapakali at panay ang reklamo. May mga activity kasi na puwede ninyong gawin.
3. Sa edad 18 months, rekomendado ng AAP na sumailalim ang bata sa screening para sa autism at general development. Mainam na kausapin ang pediatrician tungkol dito.
4. Sa tuwing regular checkup ng anak, kausapin ang kanyang doktor tungkol sa milestones na naabot na ng bata. Gawin ito nang matugunan ang iyong mga tanong at mabigyan ka ng paliwanag sa mga susunod pang milestones.
Physical development
- Naglalakad mag-isa, at sumusubok nang humakbang sa may baytang (steps)
- Kapag naglalakad, hinahawakan ang dalang laruan sa kanyang likuran
- Umiinom sa tasa o baso
- Kumakain gamit ang kutsara
- Kayang ilipat ang mga pahina ng libro
- Natutuwang itulak, kabigin, at itambak ang mga bagay
- Kaya nang pumalakpak at kumaway ng goodbye
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWCognitive or mental development
May kinalaman ito sa kakayahang mag-isip at matuto.
- Tumuturo sa mga bagay para makuha ang iyong atensyon
- Nakakapaglaro ng pretend game, gaya ng pagpapakain sa manika o stuffed toy
- Gumuguhit sa papel na parang nagsusulat
- Nakakayang sumunod sa mga simpleng utos sa salita (1-step verbal commands) kahit hindi mo bigyan ng senyas, tulad ng pag-upo
- Alam ang mga ordinaryong bagay, tulad ng kutsara, telepono, suklay
Social at emotional development
- Nahihiligang magbigay o magpasa ng mga bagay sa ibang tao
- Puwedeng umiinit na ang ulo, o meron ng temper
- Maaaring natatakot sa mga hindi niya kilala, o strangers, at nagiging clingy sa kanyang tagapangalaga kapag nalagay sa bagong sitwasyon
- Nagpapakita ng lambing, o affection, sa mga taong pamilyar sa kanya, at gustong nilalambing din
- Tumuturo para sabihin na may kamangha-mangha siyang nakikita
- Nakakapaglaro mag-isa sa sahig at mag-explore, basta nababantayan pa rin ng magulang
- Nasisiyahan kapag may nanonood sa kanya at pinapalakpakan siya
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWLanguage at communication development
- Bumibigkas ng ilang simpleng salita
- Umiiling habang nagsasabi ng "hindi"
- Tumuturo para maipakita kung ano ang gusto
Mga dapat bantayan
Bagamat may kanyang bilis, o pace, ang development ng bawat bata, ayon sa AAP, mahalaga pa rin na maging alerto sa nakakabahalang senyales (red flags). Mainam na komunsulta sa pediatrician kung ang iyong 18-month-old ay:
- Hindi nakakalakad
- Hindi makatayo mula sa pagkakaupo sa sahig ng walang alalay
- Hindi tumuturo para ipakita ang bagay na pumupukaw ng kanyang atensyon
- Hindi gumagaya sa ibang tao
- Hindi nadadagdagan ang mga nabibigkas na salita
- Hindi umaabot sa 6 ang mga alam na salita
- Hindi alam kung para saan ang mga ordinaryo o pamilyar na bagay
- Hindi napapansin o hindi nababahala kung umalis ang kasamang tagapangalaga
Para matulungan ang anak sa kanyang 18 month baby milestones, basahin dito ang ilang toddler activities.
What other parents are reading

- Shares
- Comments