-
Hindi Nababawasan ang Iyong Pagiging Ina Kung Ikaw ay Nagtatrabaho
by Anna G. Miranda and Kitty Elicay .
- Shares
- Comments

Kahit gaano mo pa kadalas sabihin sa isang working mom o inang mayroon ding regular na trabaho na mabuti silang ina, karamihan sa kanila’y sinisisi pa rin ang sarili dahil sa mga hindi nila nadaluhan o nasaksihang milestones ng kanilang mga anak. Dagdag pa rito ang panghihinayang dulot ng nabawasang oras kasama sana ang pamilya.
Dati na ring naibahagi ng celebrity host na si Bianca Gonzalez sa panayam sa SmartParenting.com.ph na lagi niyang sinasabi sa mga kapwa nanay na itigil na ang guilt trip. Ngunit kahit siya ay dumaraan pa rin dito kung minsan. Naisip na rin niyang hindi siya mabuting ina kapag malayo siya sa kaniyang anak.
Sabi ni Bianca “Feeling ko parang, I’m bad if I leave her just to have fun or because I want to go out to buy things for myself.” (Pakiramdam ko parang ang sama ko kung iiwan ko siya dahil lang gusto kong magpakasaya o dahil gusto kong lumabas para bumili ng mga gamit ko.)
What other parents are reading
Kung kasama ka sa mga nanay na nakararamdam din ng ganito, maaaring makapagtanggal ng iyong pag-aalala ang sumusunod.
Kung nakapagpapabigat sa kalooban mo ang epekto sa iyong anak ng pagkakaroon mo ng career o trabaho, ipinakikita ng ilang mga pag-aaral na mayroong pangmatagalan at positibong epekto sa mga bata (hanggang sa kanilang pagtanda) ang pagkakaroon ng mga nanay na nagtatrabaho sa labas ng tahanan.
Pinag-aralan ng mga mananaliksik ng Harvard Business School (HBS) sa U.S. ang isang survey, “Family and Changing Gender Roles,” na isinagawa ng Internation Social Survey Programme noong 2002 at 2012. Kabilang ang Pilipinas sa 24 na bansang kasama sa survey. Ang pangunahing pokus o tuon ay ang tanong na: “Did your mother ever work for pay after you were born and before you were 14?” (Nagtrabaho ba ang iyong ina para sa suweldo pagkatapos kang maipanganak at bago ka mag-14 taong gulang?)
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWWhat other parents are reading
Ibinahagi ni Kathleen L. McGinn, isang propesor ng Business Administration sa HBS at lead researcher ng pag-aaral na inilimbag noong 2015: “It didn’t matter to us if she worked for a few months one year or worked 60 hours per week during your whole childhood. We weren’t interested in whether your mom was an intense professional but rather whether you had a role model who showed you that women work both inside and outside the home. We wanted to see how that played out.” (Hindi mahalaga sa amin kung nagtrabaho siya nang ilang buwan sa isang taon, o 60 oras kada linggo noong bata ka pa. Hindi kami interesado kung anung klaseng propesyonal ang iyong ina kundi sa kung nagkaroon ka ba ng huwarang nagpakita sa iyo na nagtatrabaho ang mga kababaihan sa loob at labas ng tahanan. Ginusto naming makita ang magiging epekto nito.)
Ninais malaman ng pangkat ni McGinn kung ang pagpapalaki ba ng isang working mom ay may epekto sa pagkakaroon ng anak nito ng trabaho balang araw, kung ito ba ay magiging boss o empleyado, kung magkakaroon ba ng malaking sahod. Kasama rin sa pinag-aralan ang alokasyon ng trabaho sa bahay at ang pangangalaga sa mga kasapi ng pamilya.
Naging positibo ang resulta sa mga anak na babae na lumaki kasama ang kanilang mga nanay na nagtatrabaho. Karamihan sa kanila ay nagkaroon din ng career sa kanilang pagtanda. Higit ding mas marami sa kanila ang nagkaroon ng mataas na posisyon sa kanilang mga kompanya at kumikita sila ng mas malaki kaysa sa mga anak ng mga babaeng nakasanayang tawaging housewife.
CONTINUE READING BELOWwatch nowWhat other parents are reading
Natuklasan din sa pag-aaral na ito na ang mga anak na lalaki ay nagkaroon din ng supervisory jobs ngunit wala itong kinalaman sa pagiging working mom ng kanilang mga ina. Mas kapansin-pansin na ang mga anak na lalaki ng working moms ay mas may kagustuhang makatulong sa bahay at makapaglaan ng mas maraming oras sa pag-aalaga sa pamilya. Nangangahulugan itong ang mga anak ay naiimpluwensiyahan ng mga nanay na nagtatrabaho sa labas ng tahanan na makibahagi sa pantay-pantay na paghahati ng responsibilidad sa pagitan ng magkakapatid at mga magulang.
Kung nag-aalinlangan ka sa nawawalang oras para sa pamilya dahil sa iyong pagtatrabaho, sinabi ng saliksik na ang mga batang babaeng lumaki sa piling ng working moms ay nagbuhos ng quality time sa kanilang mga anak kapag sila na mismo ang nagtatrabaho na rin para sa pamilya.
Hindi ito ang kauna-unahang pag-aaral na isinagawa upang maipakita ang kabutihang naidudulot ng pagkakaroon ng trabaho ng isang ina. Isang saliksik na inilimbag sa dyornal na Child Development noong 2017 ang nagpapakitang walang epekto sa kakayahang magdahilan at sa bokabularyo ng bata ang pagkakaroon ng working mom.
Higit pa rito, hindi dapat ituring na kabawasan sa pagiging isang ina ang working mom kumpara sa isang ina na walang trabaho.
What other parents are reading
Paliwanag ng mga awtor ng pag-aaral, na inulat sa Motherly: “By bringing in money and raising the family income, working mothers may be able to provide a more stimulating and safer environment. This isn’t just a matter of more expensive toys or learning materials but also better living conditions, better nutrition, and reduced family stress.” (Sa pagkakaroon ng dagdag na kita upang maitaguyod ang pamilya, nagagawa ng isang ina na makapagbigay ng mas nakakapukaw at ligtas na kapaligiran para higit na matututo at lalaki nang maayos ang kaniyang anak. Hindi ito tungkol sa pagkakaroon ng mas mamahaling laruan o learning materials, kundi mas maayos na pamumuhay, mas mabuting nutrisyon, at mababawasan din ang stress sa pamilya.)
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWKung kailangan pang kumbinsihin ka, isa pang pag-aaral mula sa American Psychological Association ang nagsasabing walang matinding problemang nakikita sa pag-uugali, pakikisama sa iba, at sa pagkatuto, sa mga batang lumaki sa piling ng working mothers. Karamihan ay mahuhusay rin at matagumpay sa kanilang pag-aaral. Tandaan din nating may positibong naidudulot sa ina ang kaniyang career o trabaho.
Sa isang artikulo naisulat na rin ng Smart Parenting ayon sa isang pag-aaral, mas mataas ang lugod at mas maayos ang kalusugang pag-iisip ng mga ina na hindi napilitan magtrabaho kaysa sa mga babaeng hindi nagkaroon ng pagkakataong pumili ng magiging kalagayan nila sa pagpapalaki ng anak.
What other parents are reading
Sa huli, lahat ng mga pag-aaral na ito ay nagpapakitang hindi dapat mabigatan ang mga magulang kung pinili nilang magtrabaho para sa pamilya, lalo na ang mga nanay na nais tulungan ang kanilang asawa.
Ayon kay McGinn, “What this research says to us is that not only are you helping your family economically — and helping yourself professionally and emotionally if you have a job you love — but you’re also helping your kids. It’s good for your kids.” (Ang sinasabi sa atin ng pag-aaral na ito ay hindi lamang ang iyong pamilya ang tinutulangan ng iyong pagtatrabaho kundi pati sa propesyonal at emosyonal na mga aspektong iyong sarili. Tinutulungan mo rin ang iyong mga anak dahil nakabubuti ito sa kanila.)
Bilang working mom, hindi man maiiwasang makonsensya kung minsan, kailangan pa ring magkaroon ng kumpiyansa sa sarili. Kahit na ikaw ay nagtatrabaho, alam mo na hinding-hindi ka titigil sa pag-aalaga sa iyong pamilya, sigurado ‘yan. Huwag mo ring hayaang pigilan ka ng ibang tao na gawin ang sa palagay mo’y makapagpapasaya sa iyo at makapagbibigay ng kapanatagan para sa kinabukasan ng iyong pamilya. Mababalanse mo rin ang iyong oras, ang iyong lakas, at mga dapat pahalagahan. Magagawa mo ito, sisikaping lagi’t lagi, dahil isa kang ina.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWWhat other parents are reading

- Shares
- Comments