-
Pinoy Psychologist: Paano Turuan Ang Bata Sa Pera Bukod Sa Alkansya
by Jocelyn Valle .
- Shares
- Comments

Karamihan sa atin, nakalakihan nang marinig sa mga magulang ang magtipid, mag-ipon, at mag-impok ng pera. Ika nga ng mga matatanda, “Kapag may isinuksok, may madudukot.” Napakahalaga nito lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.
Nanaig ang hiya sa usapang pera
Pero kadalasan, nananatiling paalala lang ang magandang intensyon. Hindi kasi talaga napag-uusapan sa pagitan ng magulang at anak ang mga hakbang na dapat gawin. May kinalaman daw dito ang “hiya” na nananaig sa kulturang Pinoy, ayon kay Dr. Raphael “Doc Raffy” Inocencio.
Paliwanag ng registered psychologist na marami pa ring nahihiya pagdating sa usaping pera, kaya hindi nakakasanayan ng batang mag-usisa tungkol sa paksa. Dagdag pa sa problema ang kakulangan ng kaalaman sa tamang paraan ng paghawak at pag-iipon ng pera.
Ang magandang balita, nagbabago na ang ganitong pananaw dahil marami nang nagiging bukas ang pag-iisip.
Naging speaker si Doc Raffy sa “Peso Smart: Financial Literacy Made Fun for Kids” webinar na inorganisa kamakailan ng Manulife Philippines.
Paano matuto ang anak na mag-ipon
Nagbigay siya ng mga payo sa mga magulang kung paano maituturo ang financial literacy sa mga bata mula 3 years old. Importante daw na maging age-appropriate at visual ang pagtalakay dito.
Sa panig naman ng mga mommy, namahagi ng money saving tips ang isa pang speaker na si Andi Manzano at ang event host na si Delamar.
May ilang paraan para maturuan ng magulang ang anak tungkol sa pera at kung paano mag-impok.
Magbigay ng alkansya
Maaaring umpisahan ang pagtuturo sa pamamagitan ng pagbibigay ng alkansya sa bata at sabihan na doon ihuhulog ang anumang pera na matatanggap. Tamang-tama ito para sa mga aginaldo na makukuha niya sa Pasko.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWPara kay Andi, hindi kailangang bumili ng alkansya. Aniya, ang unang piggy bank ng kanyang panganay na si Olivia Reyes, 5, ay mula sa dinaluhan nilang children’s parties noon.
Suhestiyon naman ni Doc Raffy na gawing alkansya iyong gawa sa transparent material para makita ng bata na dumadami ang laman nito kapag regular siyang naghuhulog ng pera.
Subukan ang Save, Spend, Share Jars
Sa halip na one piggy bank, binigyan ni Doc Raffy ang kanyang daughter ng tatlong jars para makaipon (“Save” jar), makagastos (“Spend” jar), at magbahagi (“Share” jar).
Pagkatapos, kinausap niya ang anak kung paano hahatiin sa tatlo ang matatanggap na pera. Sa ganitong paraan din matututo ang bata na makipag-negotiate.
Ang “Spend” jar ay para sa pinaglalaanang bilhin ng bata, tulad ng stickers sa kaso ng anak ni Doc Raffy.
Pero kung gustong bigyan ng bata ang kanyang pet dog ng treats, sa “Share” jar siya kukuha ng pambili. Ito rin ang pagkukunan ng pera para sa donation o charity work.
Mainam ang pagkakaroon ng “Share” jar upang hindi magagalaw ang “Save” jar at magpatuloy lang sa pag-iipon.
Magbukas ng bank account
Sa tingin ni Doc Raffy, mas angkop sa older kids ang pagbubukas ng kiddie savings account. Pero hindi lang dapat natatapos ang pagtuturo sa pagpapakita ng passbook sa bata. Puro numero lang naman iyon at baka hindi pa niya lubusang maintindihan.
Makakatulong daw ang visual aids, gaya ng graph o chart, para maging malinaw sa kanya kung paano lumalago ang perang ipinapasok sa bangko.
CONTINUE READING BELOWwatch nowHumanap ng "mapagkakakitaan"
Dahil remote schooling ang pinaiiral sa panahong ito ng community quarantine bunsod ng COVID-19 pandemic, maaaring hindi nakakatanggap ng allowance ang mga bata.
Nawalan tuloy sila ng pagkukunan ng panghulog sa alkansya. May iba pa namang paraan, kailangan lang maging creative.
Mungkahi ni Doc Raffy na pag-usapan ng magulang at anak ang tungkol sa pagbibigay ng financial reward para sa household chores na magagawa ng bata. Hindi naman daw kailangan ng malaking halaga. Dapat lang may magpakasunduan muna silang arrangement. Hindi iyong random lang na pagbibigay ng pera sa bawat chores.
Kuwento pa ni Doc Raffy na ang anak niya ay nagbibigay ng simpleng foot massage sa tita nito para mabigyan ng monetary reward. Puwede na daw ang Php5 kada masahe.
Hindi nalalayo ang ganitong gawain sa sinaunang pagbubunot ng puting buhok ng nakakatanda para kumita ang bata.
Sa kaso naman ni Andi, sinasabihan niya ang anak na si Olivia na pinapalitan ng tooth fairy ang bawat ngipin na malaglag. Php100 daw kada ngipin ang lihim niyang binibigay kaya nakalikom na ang bata ng Php400 para sa apat na ngipin na natanggal.
Maging mabuting halimbawa sa mga bata
Paalala ni Doc Raffy at ni Andi sa mga magulang na huwag lang dapat sabihan ang anak na pahalagahan ang pera at mag-ipon. Dapat daw ipakita ng magulang na siya mismo ay talagang masinop sa pera at nag-iipon. Mahalaga na maging modelo para siguradong sundin ang mga pangaral.

- Shares
- Comments