-
Lahat Ng Kailangan Mong Malaman Tungkol Sa Pagmamano At Sa Filipino Family Culture
Saan nag-simula ang pagmamano at papaano natin ito ituturo sa ating mga anak?by Dinalene Castañar-Babac . Published Sep 22, 2023
- Shares
- Comments

Kung pag-uusapan ang pagbibigay-galang sa kulturang Pilipino, hindi mawawala ang pagmamano. Hinihingi at hinahawakan natin ang kamay ng nakatatanda at ilalapat natin sa ating mga noo sabay sabi ng “Mano po!” Makaririnig din tayo ng tugon na, “Pagpapalin ka nawa! o “Kaawan ka ng Diyos.” Isa ito sa natatanging kaugaliang Pilipino na dapat nating panatilihin at isabuhay. Maituturing ding pinakamalawak na tradisyon ng mga Pilipino ang pagmamano dahil kahit saang bahagi ng bansa ginagawa ito. Sa pamamagitan nito, naipapamalas natin ang pagkilala o paggalang sa mga nakatatanda, kilala man natin o hindi.
Ang pagmamano bilang simbolo ng paggalang
Ang mga bawat bansa sa Asya ay may iba’t ibang paraan ng pagbibigay-galang sa mga nakatatatanda. Isang halimbawa nito ang pagyuko gaya sa mga Tsino, Hapones, at Koreano. Ngunit, maituturing na natatanging kultura nating mga Pilipino ang pagmamano. Hinihingi natin ang kamay ng nakatatanda at hahalik tayo rito sa pamamagitan ng paglalapat o pagdantay nito sa ating noo habang nakayuko.
Sa maraming pagkakataon, ginagawa rin natin ang pagmamano. Nagmamano tayo sa ating magulang, lolo at lola, o nakatatandang miyembro ng pamilya kapag tayo ay aalis o pagdating natin sa bahay. Nagmamano tayo sa ating mga ninong at ninang, tanda ng pagbibigay-galang din sa kanila o paghingi ng kanilang basbas gaya ng mga binibinyagan o ikinakasal. Nagmamano rin tayo kapag matapos ang pagdarasal ng orasyon o pagkagaling sa simbahan. Gayundin, kung may dumating na bisitang kamag-anak o matanda sa bahay.
Bukod sa paraan ito ng paggalang, nagpapakita rin ito ng pagbati sa mga nakatatanda na nakasasalubong o nakikita natin. Ito rin ay isang paraan ng paghingi ng basbas mula sa kanila. Kaya nga ang itinutugon ng mga nakatatanda sa mga nagmamano sa kanila ay “Pagpalain ka nawa!”
RELATED: Bakit Kailangan Ituro Ang Pagmamano Sa Kabataan?
Ang pagmamano bilang mabuting impluwensiya ng mananakop
Kung tataluntunin sa kasaysayan ng bansa, sa panahon ng pananakop ng mga Kastila, isa ang nakagawian ng mga Pilipino ang paghalik sa kamay ng prayleng Katoliko. Ipinahahalik nila sa mga Pilipino ang kanilang kamay tanda ng kapangyarihang mayroon ang mga pari noon. Masasabing dito nag-uugat ang kultura ng pagmamano ng mga Pilipino. Bagaman may negatibong konotasyon ang gawing ito sa una, nagbunga naman ito ng mabuting impluwensiya sa ating kaugalian sa nagdaang panahon hanggang sa kasalukuyan. Kaya nga masasabing malalim na sa kultura o tradisyong Pilipino ang pagbibigay-galang sa pamamagitan ng pagmamano.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWAyon sa diksiyonaryo, ang salitang “máno” ay mula sa wikang Kastila na ang katumbas ng “kamay”. Samantala, idinugdong ang “po” sa hulihan bilang isang nakagawiang pagpapahayag din ng paggalang ng mga Tagalog. Maaaring nangangahulugan ang pagsasabi ng “Mano po” sa paghingi ng kamay ng nakatatanda ng “maaari ko po bang hingin ang inyong basbas?” Kapag iniabot ng matanda ang kaniyang kamay, ito ang tugon na ibinibigay niya ang kanilang pagbabasbas.
Ang pagmamano bilang tuntungan ng pagpapahalagang Pilipino
Ang pagbibigay-galang ng mga Pilipino sa mga nakatatanda ay hindi lamang sa edad nila kundi sa mga natamong karanasan at karunungan. Nakatutuwang ipagmalaki rin na sa mga Pilipino ang pagtuturo ng paggalang sa nakatatanda ay hindi lamang limitado sa miyembro ng pamilya o kamag-anak kundi maging kakilala, kapitbahay, o iba pang miyembro ng komunidad na hindi kakilala.
Marahil maaaring sabihin na isang simpleng gawi lamang ang pagmamano. Ngunit kung susuriin sa malalim nitong aspekto, maraming benepisyo ang magagawa ng pagmamano sa pagpapaigting ng mga pagpapahalagang Pilipino higit lalo sa interaksyong sosyal.
CONTINUE READING BELOWwatch now- Sa pagtuturo ng pagmamano sa mga bata, magagawa nitong mai-preserba ang ating matagal nang tradisyon at ang pagtataguyod ng ating mga natatanging kultura ng pagbibigay-galang.
- Sa pamamagitan din nito, napalalalim din ang relasyon sa pamilya sapagkat napapanatili ng bawat isa ang pagbibigay-galang kaya naman napagtitibay nito ang ugnayan ng pamilya.
- Naikikintal din nito sa bawat isa ang halaga ng pagpapakumbaba na anuman ang iyong edad o estado sa buhay, mahalaga ang pagpapakita ng paggalang at kabutihan sa kapuwa.
- At higit sa lahat, napagbubuti nito ang pakikipag-ugnayan sa kapuwa dahil ang pagbibigay-galang ay pinag-uugatan ng iba pang halagahing bayan at higit na naitataguyod ang mabuting pakikipagkapuwa.
RELATED: 5 Paraan Nang Pagtuturo Ng Mga Magagandang Asal Maliban Sa Pagmamano
Ang pagtuturo ng pagmamano sa mga bata
Ang paggalang ay isang kaugaliang dapat na maituro sa bata sa murang edad pa lamang nila. Ito ang katotohanang na ang paggalang ay isang unibersal na nagbubuklod sa moral na katangian ng bawat indibidwal. Kung taglay nila ang pag-uugaling ito sa kanilang paglaki, magiging mabuti silang mamamayan ng bansa.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWNakasanayan na natin sa ating mga anak na ituro ang paraan ng paghalik kahit na baby pa sila. Natutuwa tayo kapag nakakayanan na nila ang humalik sa atin. Katulad ng pagyakap, ang paghalik ay isang paraan din ng pagpapadama ng pagmamahal at isa rin itong paraan ng pagbibigay ng respeto. Kaya nga mainam na bukod sa paghalik, maituro sa kanila sa simula ang pagmamano.
Maaaring ipahawak natin sa kanila ang ating kamay at ilapat ito sa kanilang noo. Tiyak may ilang magulang din na ginagawa na ito sa kanilang mga anak o bahagi na ito ng kanilang pagpapalaki. Patuloy na hikayatin nating mga magulang ang ating mga anak na sa tuwing papasok sila sa paaralan o kaya pagdating natin ng bahay galing sa trabaho ay magmano sila atin. Nang sa gayon hanggang paglaki ng mga bata ay maging bahagi ito ng kanilang makasasanayang gawi sa pang-araw-araw.
Ang pagmamano sa hamon ng pagbabago ng panahon
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWSa kabilang banda, hindi maikakaila na ang pagmamano ay isa rin sa kulturang Pilipino na unti-unti nang nawawala. Malaking hamon nito ang pagbabago ng panahon at ang patuloy na impluwensiyang panlabas na nakaapekto sa paraan ng pagtingin at pananaw ng nakararaming Pilipino higit lalo ng mga kabataan.
Sabi nga ni Pokwang sa isang artikulo ng Smart Parenting, isa ang pagmamano na nawawala sa mga kabataan at gusto niyang ituro sa kaniyang mga anak. Marahil bunsod ito ng pagbabago sa pamantayan at estruktura din ng pamilya. Nababawasan na rin ang interaksyon ng mga bata sa pamilya o ang
pagbabago ng mga gawi ng heneresyon. Ilan pa nga ba sa mga kabataan ngayon ang nagmamano sa mga nakatatanda bago sila umalis o pagdating nila ng bahay? O kaya naman kapag dumalaw sa kanilang kamag-anak?Sa katunayan, wala namang pinipiling edad ang pagmamano. Pero dahil sa nakasanayan, nagkaroon ito ng pagtingin na para lamang sa matatanda na. Kaya naman marami ngayon ang nahihiya na magpamano dahil iniisip nila, hindi pa sila matanda. Kagaya na lamang kung may pagtitipon sa pamilya tulad ng reunion, madalas nating maririnig sa ating mga magulang na “Uy, magmano ka sa mga tiyuhin at tiyahin mo?” Kadalasan nahihiya silang magpamano at sasabihin na “Naku, huwag na bata pa ako.” Kaya naman nauuwi na lamang ito sa beso-beso. Bagaman ang beso-beso o paghalik sa pisngi ay isang paraan ng pagpapakita rin ng paggalang subalit hindi ito natatangi sa ating kultura. Malalim pa rin ang pinag-ugatan sa ating kultura ang pagmamano.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWSa kasalukuyang panahon, tunay na nagkakaiba-iba na tayo ng paraan ng pagpapahayag ng paggalang sa nakatatanda. Subalit mahalaga na mapanumbalik at muling maikintal sa mga bata ang kaugaliang ng pagmamano ng mga Pilipino sapagkat sinisimbolo nito ang pagpapakumbaba, paggalang, at pagpapasalamat na mga pagpapahalagang Pilipinong naipasa-pasa sa bawat henerasyon at maituturing na makabuluhang pamana sa atin.
What other parents are reading

- Shares
- Comments