;
embed embed2
  • Walang Kibo Ang Iyong Teenager? Maaring May Kinalaman Ito Sa Pag-Trato Mo Sa Kanya

    9 na dahilan kung bakit lumalayo ang loob ng isang teenager sa magulang.
    by Grace Bautista .
Walang Kibo Ang Iyong Teenager? Maaring May Kinalaman Ito Sa Pag-Trato Mo Sa Kanya
PHOTO BY SHUTTERSTOCK
  • Maaaring maging problema ang komunikasyon sa teen years dahil ito ang panahon na natututo na ang mga bata na magpahayag o magkimkim ng kanilang mga iniisip. Ang ilan ay nagiging agresibo habang ang iba naman ay nagiging tahimik o malihim. Maliban kasi sa teen hormones, ang mga teenager ay nakakaramdam ng matitinding emosyon na  mahirap kontrolin. Napakahalagang magabayan sila nang tama at manatili o mabuo ang bukas at malayang komunikasyon sa tahanan para patuloy nilang maramdaman na tanggap sila rito. 

    9 na dahilan kung bakit lumalayo ang loob ng teenager sa magulang.

    Kung teenager na ang anak mo ngayon at wala pang established na maayos na komunikasyon sa inyong pamilya, hindi pa huli ang lahat. Maaari ka pang magsimulang buuin ang maayos na pakikipag-ugnayan sa iyong teenager. May mga payo si Rachel Ehmke ng Child Mind Institute, isang U.S. independent nonprofit organization na nagtataguyod ng mental health ng mga kabataan, na makakatulong para magawa mo ito.

    1. Mas madalas na ikaw ang nagsasalita kaysa nakiking tuwing kayo ay magka-usap.

    Kung gusto mong malaman kung ano ang nangyayari sa buhay ng iyong anak, maaring mas epektibo ang pag-upo at pakikinig sa iyong anak kaysa sa pagtatanong ng mga direktang tanong. Mas madali kasing mag-open up ang mga bata sa kanilang mga magulang kung hindi sila napipilitang magbahagi ng impormasyon. Ugaliing makinig sa mga unguarded comments ng iyong anak - iyong mga bigla at kusang loob na pagbabahagi niya tungkol sa kanyang araw. Manatili ka lang na bukas at interesado sa iyong anak nang walang pangungulit o sobrang pagtatanong.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    2. 'Dismissive' ang iyong mga advice, at hindi niya nararamdaman na nakikisimpatya ka sa kanya.

    Kapag nagiging emosyonal ang iyong anak dahil sa kanyang teen problems, iwasang subukang lutasin ang kanyang mga problema o di kaya naman ay maliitin ang mga pinagdadaanan niya. Halimbawa raw, ang pagsasabi ng “‘Di naman talaga siya bagay sa iyo” pagkatapos ng isang heartbreak ay maaaring ipagpalagay na dismissive. Sa halip na sabihin ito, ipakita mo sa anak mo na naiintindihan mo ang kanyang pinagdadaanan. Kumabga, validate his or her feelings.

    3. Hindi niya makita na may tiwala ka sa kanya.

    Gusto ng mga kabataan na sineseryoso sila, lalo na ng kanilang mga magulang. Maaari kang maghanap ng mga paraan para ipakita sa iyong teenager na may tiwala ka sa kanya. Halimbawa, pwede mo siyang hingan ng tulong o pabor para ipakita na umaasa ka sa kanya. Pwede mo rin siyang kusang bigyan ng isang privilege, halimbawa magkaroon ng isang araw na may unlimited screen time,  para iparating na may tiwala ka sa kanya. Nakakadagdag sa kumpiyansa sa sarili ng isang teenager ang malaman na pinagkakatiwalaan siya ng mga taong nakapaligid sa kanya.

    4. May tendency kang maging diktador.

    Dahil ikaw ang magulang, ikaw pa rin siyempre ang magtatakda ng rules, pero dapat daw maging handa na ipaliwanag sa iyong anak ang mga dahilan ng mga rules na ipinatutupad sa inyong bahay. Bagama't natural para sa mga teenager na subukan ang boundaries ninyo, ang maayos na paliwanag tungkol sa kung bakit hanggang 10pm lang ang gadgets, o bakit hindi sila pinapayagang mag-sleepover kasama ang mga kaibigan, ay makakatulong na magkaunawaan kayo (kahit na maaring hindi pa rin sila 100% sasang-ayon sa inyong rules).

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    5. Bihira ka nang magbigay ng papuri.

    Natatandaan nyo pa ba na noong maliit pa ang inyong anak ay panay ang puri ninyo sa bawat accomplishment niya? Ang mga teenager ay nangangailangan din ng papuri. Mabuti ito para sa kanilang self esteem at nakakatulong din na ma-reinforce ang mga mabubuti nilang ginagawa. Maaaring umaastang parang walang pakialam ang mga teenager sa opinyon ng kanilang mga magulang, pero ang totoo, gusto pa rin nilang makuha ang inyong approval. Makakatulong din ang ang pagbibigay ng napapanahon at sincere praise sa inyong anak para maging mas magaan ang inyong relasyon, lalo na sa mga panahong may ‘di-pagkakaintindihan.

    6. Bihira mong kontrolin ang iyong emosyon kapag kausap siya.

    Madaling mag-init ang ulo ng mga magulang kapag ang kanilang anak ay nagiging bastos, pero sa ganitong panahon natin kailangan ng ibayong pagtitimpi. Huwag pumatol sa iyong teenager. Tandaan na ikaw ang nasa hustong gulang at ang iyong anak ay nahihirapan pang kontrolin ang kanyang mga emosyon at maaaring hindi lohikal kapag siya ay nagagalit. Magbilang ka muna hanggang sampung hinga nang malalim bago ka sumagot. Kung pareho kayong mataas ang emosyon, mag-timeout muna at bumalik na lang sa pag-uusap kapag kalmado na kayo. 

    7. Wala kayong bonding activities.

    Ang komunikasyon ay hindi lang tungkol sa pag-uusap. Makakabuti rin sa ugnayan ng magulang at anak kung makakapaglaan kayo ng oras para gawin ang mga bagay na pareho ninyong nae-enjoy. Maaaring ito ay pagluluto (o pagkain), hiking, panonood ng mga pelikula o mga series at iba pa. Maaari ninyong gawin ang mga ito nang walang pinag-uusapan na anumang bagay na personal. Sa ganitong paraan, malalaman ng iyong teenager na pwede kayong maging magkasama na hindi ka nagtatanong ng intrusive questions.  

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    8. Bihira na kayong kumain nang magkakasama.

    Marami na rin ang mga pag-aaral tungkol sa mga benepisyo ng  sama-samang pagkain ng pamilya sa mga development ng mga bata at teenagers. Ang pag-upo ng pamilya para kumain nang sama-sama ay isang magandang paraan para manatiling malapit sa isa’t-isa. Ang pasasama-sama sa hapag ay isang kaswal na pagkakataon para makapag-usap ang pamilya tungkol sa iba’t-ibang mga bagay. Ang mga batang sanay makipag-usap nang kaswal sa kanilang mga magulang ay malamang na maging bukas din kapag may mas mahihirap na mga isyung dumating sa kanilang buhay. Makakabuting huwag payagan ang mga cellphone sa hapag kainan para hindi makaabala sa pag-uusap ng pamilya. Tayong mga magulang na sana ang manguna at maging halimbawa sa pagpapatupad ng screen-free mealtimes sa bahay.

    9. Hindi mo binibigyang pansin ang mga pagbabago sa kanya.

    Normal para sa mga teenagers na dumaan sa ilang pagbabago, pero obserbahan mo kung mayroong mga pagbabago sa mood, pag-uugali, energy level, o gana sa pagkain ng iyong anak. Pansinin din kung nawawalan siya ng interes sa mga bagay na dati’y nagpapasaya sa kanya, o kung mahilig siyang mag-isa. Kung nakakakita ka ng pagbabago sa pang-araw-araw na kilos o kakayahan ng iyong anak, tanungin mo siya tungkol dito at suportahan mo siya nang walang halong panghuhusga. Maaaring kailanganin niya ang iyong tulong at maaaring ito ay isang senyales na kailangan niyang makipag-usap sa isang mental health professional.

    Hindi madali ang maging magulang ng teenager, pero sa tulong ng mga eksperto at kapwa magulang na mayroon ding mga teenagers, kakayanin mo ito! Sumali sa Smart Parenting Village o Smart Parenting Parent Chat para makakilala ng iba pang parent of teens na tulad mo. Basahin ang ilan pang mga gabay tungkol sa pakikipag-ugnayan sa iyong tween o teen dito.

    Si Grace Bautista ay may tatlong anak na lalaki at ang isa sa kanila ay teenager na. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    What other parents are reading


  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles