Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
8 Mabuting Resulta na Naidudulot kay Baby ng Pagpapadede
PHOTO BY courtesy of Breastfeeding Pinays
  • Napatunayan na ng siyensiya na ang mga advantages ng pagpapadede sa mga anak ay hindi lamang para sa ikabubuti ni baby kundi para na rin sa kaniyang mommy. Dahil dito, ang pagpapakilala sa breastfeeding o pagpapasuso sa anak ay isa sa mahahalagang mga protocol na kasama sa programang Unang Yakap (First Embrace) ng Department of Health (DOH) at ng Essential Newborn Care (ENC) ng World Health Organization (WHO). Kasama sa protocol na ito ang maagap na pagpapatuyo sa sanggol, delayed cord clamping, at skin-to-skin contact.

    Narito ang ilang dahilan kung bakit isa ang breastfeeding sa pinakamahalagang regalong maibibigay mo sa iyong bagong silang na sanggol.

    1. Maituturing na unang vaccine ang breast milk.

    Araw-araw nagbabago ang breast milk o gatas mo at nag-a-adapt ito sa pangangailangan ng iyong baby. Sinisiguro ng breastfeeding na nakukuha niya ang antibodies na matatagpuan sa iyong gatas upang matulungan si baby na makaiwas sa sakit kapag na-e-expose sa bacteria o mga virus. Mahalaga ito sa unang tatlong buwan ng iyong anak, ang panahon kung saan nagde-develop pa lamang ang kaniyang immune system at hindi pa sapat ang kaniyang edad upang mapabakunahan siya laban sa ilang partikular na karamdaman.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    2. Kumpletong pagkain ang gatas ng ina.

    Inirerekomenda ng WHO ang eksklusibong pagpapadede sa loob ng unang anim na buwan sa buhay ng sanggol. Nasa gatas ng ina o breast milk ang lahat ng sustansiyang kailangan ng iyong anak sa panahong ito. Kung tutuusin, ito ang natatanging nutrisyong kailangan niya hanggang sa handa na siyang simulan ang pagkain ng solid foods sa edad 6 na buwan.

    Kapag iisipin mo, kung ikaw ay nagpapadede, hindi kailangang magdala ng formula, mga botelya, o distilled na tubig sa pagbiyahe kasama si baby.

    Paalala: Ipinagbabawal ng mga doktor ang pagpapainom ng tubig sa sanggol mula kapanganakan hanggang 6 na buwan. (Basahin dito kung bakit kailangang maghintay bago siya painumin ng tubig.) Kung hindi ka exclusively breastfeeding, siguraduhing iyong susundin ang mga instructions sa iyong formula milk. Huwag nang dagdagan ng ekstrang tubig para lang mas mapatagal ang gatas.

    More from Smart Parenting

      

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    3. Pinuputol ng pagpapadede ang siklo ng pagtatae at malnutrisyon.

    Sa pagdaan ng sanggol sa birth canal, automatikong nagiging magnet na siya ng microbes, kasama ang trilyong bacteria, fungi, at mga virus, na bumubuo sa tinatawag na “human microbiome.”

    Ang mga bacteria, partikular ang mga nasa gut, ay pinaniniwalaang mayroong mahalagang papel sa digestion, metabolism, at sa pag-develop ng immune system. Mas malawak ang microbiome, mas mabuti. Nakikita sa mga pag-aaral na ang gatas ng ina ay “nagtatanim ng good bacteria” sa digestive system ng isang sanggol.

    Pinoprotektahan ng gatas ng ina ang gut, kung kaya’t ang mga sanggol na dumedede sa ina ay hindi gaanong nagkakaroon ng malubhang mga kaso ng pagtatae.

    More from Smart Parenting

     

    4. Pinoprotektahan ng breastfeeding ang kalusugang pampag-iisip o mental health ng ina at kaniyang anak.

    Bukod sa pag-trigger sa love hormone, nakatutulong din ang breastfeeding sa pag-release ng prolactin, ang hormone na responsable sa produksyon ng gatas. Mas nakapagre-relax ang isang ina at nakadarama siya na mas mapag-aruga siyang nanay. Nakabubuti ito sa kaniyang mental health. Ang mga hormone na ito ay napatunayang nakapagpapabawas sa inflammation response sa katawan, na naiuugnay naman sa depresyon.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Higit ding nakatutulog nang matagal ang mga nanay na nagbi-breastfeed at nakapagpo-promote pa ng mas mabababang stress levels. Dalawang bagay ang mga ito na nakapagpapabawas sa pagkakataong makaranas ng baby blues, depression, at ibang perinatal mood anxieties at disorders.

    Isang pag-aaral na 14 taon na ang itinagal ang nagpapakitang kung mas matagal kang nagpapadede sa anak, mas magko-contribute o makapagdudulot ito ng mas maayos na kalusagang pampag-iisip o mental health para sa bata. Ang attachment sa ina sa pamamagitan ng breastfeeding ay nakapagbubuo rin ng resiliency o katatagan ng isang bata.

    More from Smart Parenting

     

    5. Bumababa ang posibilidad ng panganib ng pagkakaroon ng ovarian at breast cancer ang isang ina dahil sa breastfeeding.

    Ang breastfeeding perks na ito ay naiugnay sa mga nagpadede sa anak hanggang 2 o higit pang taong gulang ang bata. Ang pagpapadede ay maaari ding magpababa sa posibilidad ng pagbalik ng breast cancer pagkatapos ng matagumpay na pagpapagamot o treatment.

    Ang pagkakaroon ng mas kaunting menstrual cycles (halimbawa, mas kaunting exposure sa estrogens) ay isa sa mga teorya kung bakit napabababa ang breast cancer risk. Nade-delay rin ng pagpapadede ang ovulation at nababawasan ang posibilidad ng cell mutation, na nakapagti-trigger ng ovarian cancer.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Maliban sa mga kanser na ito, ang mas matagal o extended breastfeeding ay may kaugnayan sa reduced risk ng pagkakaroon ng endometrial cancer, hypertension, type 2 diabetes, at marami pang ibang kondisyon tulad ng Alzheimer’s disease, muscle degeneration, osteoporosis, at rheumatoid arthritis.

    More from Smart Parenting

    6. Nagsisilbi ring natural na contraceptive ang breastfeeding.

    Ang eksklusibong pagpapadede ang nagde-delay ng onset ng regla o menstruation pagkatapos manganak ng isang babae. Sa ganitong paraan ito nakatutulong sa pagkakaroon ng pagitan sa bawat pagbubuntis at sa pagpaplano para sa pamilya.
    Tandaan na gagana lamang ito kung ang sumusunod na mga pamantayan ay nasusunod:

    • Ikaw ay exclusively breastfeeding.
    • Ang baby mo ay wala pang anim na buwan ang edad.
    • Hindi pa nagsisimula ang iyong mens o regla pagkatapos ng iyong panganganak

    7. Nakatutulong ang pagpapadede sa anak na maka-recover ang ina nang mas mabilis pagkatapos nitong manganak.

    Sa pamamagitan ng pagpapadede, naii-stimulate ang uterine contractions na dahilan upang mas mabilis na maibalik ang uterus sa orihinal na laki o size nito. Nakatutulong din ang contractions na maisara ang blood vessels sa bahaging naka-detach sa placenta. Nababawasan sa paraang ito ang posibilidad ng pagkakaroon ng lochia o postpartum vaginal discharge at maging ang postpartum hemorrhage.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Nakatutunaw rin ng napakaraming calories ang breastfeeding, na nakatutulong naman sa pagbabawas ng timbang ng ina. Magkakaiba pa rin ang weight loss sa bawat bagong ina ngunit tiyak na nakatutulong ang breastfeeding sa pagpapapayat ng mga nanay.

    More from Smart Parenting

    8. Makapag-iipon ka nang malaki dahil sa breastfeeding.

    Nakatutulong man sa ilang pagkakataon ang formula milk, mahal pa rin ito. Nasa Php2,000 o higit pa kada lata ang halaga ng formula milk para sa mga sanggol, at tumatagal lamang sa loob ng isa o dalawang linggo. Idagdag mo pa ang halaga ng feeding bottles, sterilizers, at distilled water.

    Libre ang gatas ng ina.Ang tanging mga bagay na kakailanganin mong i-invest o gastusan kapag ikaw ay nagpapadede ay breast pump, breast milk bags, at marahil isang session sa lactation counselor, o lactation massage, nursing bras, at breastfeeding cover.

    Kumpara sa formula milk na kakailanganin mo pang regular na bilhin, karamihan sa breastfeeding paraphernalia na iyong gagamitin ay mga one-time purchases. Sa isang paraan, nakatutulong ang breastfeeding sa pagprotekta sa kalikasan. Hindi mon a kakailanganing magtapon o mag-recycle ng formula milk cans o mga kahon at plastic bottles.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Maaaring hindi palagiang madali ang pagpapadede sa anak ngunit ang mga haharaping hamon ay sulit na sulit para sa maraming ina dahil sa mahabang listahang ito ng panandalian at pangmatagalang advantages o mga kapaki-pakinabang na resulta para sa anak, sa ina, at sa buong pamilya. Ang pagsuporta ng lahat ng mga taong nakapaligid sa iyo ay mahalaga.

    Ang impormasyong nakalahad dito ay mula sa

    11 Breastfeeding Advantages That Always Persuade Moms to Nurse Their Babies

    More from Smart Parenting

View More Stories About
View more articles