embed embed2
Buntis At Tumitigas Na Ang Tiyan? 3 Senyales Na 'Practice' Lang At Hindi Pa Manganganak
PHOTO BY Shutterstock
  • Isa sa mga madalas pag-usapan sa Parent Chat, ang online community ng SmartParenting.com.ph, ay kung bakit tumitigas ang tiyan ng buntis. Hindi kasi maiiwasan na magtaka at mag-alala pa, lalo na kung una itong pagbubuntis.

    Pag-amin ng isang miyembro, "Bothered ako sa paninigas na nararamdaman ko. May times kasi na parang may isang sakong bigas sa puson ko na parang malalaglag siya.  Akala ko tuloy minsan manganganak na 'ko, pero 7 months pa lang ako. Nae-experience niyo din ba 'un? BTW, first baby ko 'to."

    Sang-ayon ang kapwa niya buntis: "Ako din mga sis nakakaramdam din ng paninigas ng tummy. I'm on my 30th week, and nafi-feel ko siya kung gumagalaw si baby. Lalo na kung bumubukol s'ya sa isang side ng tummy ko.

    "Hindi naman siya masakit pero kung biglaan gumalaw si baby at feeling ko nag-swimming siya sa loob, talagang napapatigil ako sa kung ano man ang ginagawa ko that time. 'Yun na ba ang sinasabi nila na Braxton Hicks contraction/practice contractions?"

    Bakit tumitigas ang tiyan ng buntis

    Maaari mong isipin na nagkakaroon ka ng labor contraction kapag biglang tumigas ang tiyan mo. Pero kung hindi mo pa naman kabuwaan, malamang hindi totoo o false contraction iyon, na tinatawag ding Braxton Hicks. Ipinangalan ito kay Dr. John Braxton Hicks, ang doktor mula England na unang nagbigay paliwanag tungkol sa false o practice contraction.

    Kilala rin ang Braxton Hicks bilang "practice contractions," ayon sa American Pregnancy Association. Para raw kasing ensayo ito sa buntis na matuto ng labor breathing exercises bilang preparasyon sa oras ng mismong panganganak. Naniniwala ang mga eksperto na paghahanda ito ng uterine muscles para sa actual labor.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Hindi pa alam ang sanhi ng Braxton Hicks, sabi ng mga eksperto. Basta na lang daw itong nangyayari at walang pinipiling oras. Paalala lang nila na tataas ang tyansa mong makaramdam ng false labor contractions kapag pagabi na at kinukulang ka sa tubig o di kaya puno na ang iyong pantog. Puwede ring pagkatapos ng physical activity, tulad ng exercise o sex, at minsan kahit hinahawakan lang ang tiyan mo.

    Sabi pa ng mga eksperto, walang pattern ang Braxton Hicks o hindi nasusukat ang bilis o tagal nito. Kaya talagang mahirap mahulaan kung kailan mangyayari ito ulit. May mga buntis na nagsisimulang makaranas nito sa second trimester, mula Week 16 o di kaya Week 20.

    Sa kalaunan ng pagbubuntis, mas mapapansin mo ang Braxton Hicks sa third trimester hanggang malapit ka nang manganak. Ang problema lang sa mga panahon na ito, lumalaki ang tyansa na totoong labor contraction na ang nararamdaman.

    Mga puwedeng gawin kapag tumigas ang tiyan

    Gaya ng biglang pag-atake ng Braxton Hicks, kadalasang bigla rin itong lumilipas. Magugulat ka na lang na sa pagpalit mo ng posisyon sa pagkahiga o pagka-upo, nagwawala na kaagad ang paninigas ng tiyan. Minsan naman kailangan mong maglakad-lakad, maligo, makinig ng relaxing music, magpahinga o di kaya umidlip para maibsan ang kirot at masamang pakiramdam.

    Kung umatake ang Braxton Hicks dahil dehydrated ka, mainam na uminom ka kaagad ng tubig o di kaya mag-merienda. Subukan din ang ginagawa ng ilang buntis na pag-inom ng mainit na gatas o di kaya tsaa. Isa pang paraan ang dahan-dahang paghinga nang malalim.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Mga pagkakaiba ng Braxton Hicks sa totoong labor contraction

    Bagamat nakakalito ang pakiramdam ng practice at saka totoong labor contraction, bilin ng mga eksperto na tandaan ang mga sumusunod:

    • Kung irregular ang contraction at hindi ito lumalakas at dumadalas, practice lang ito
    • Kung nakakaramdam ka ng kirot o discomfort sa may bandang puson, pero hindi umaabot sa balakang, practice lang ito
    • Kung kusang nawawala ang contraction, practice lang ito

    Para malaman kaagad kung Braxton Hicks ang nararamdaman, suhestiyon ni Dr. Maynila Domingo, isang ob-gyn, na magpalit ng posisyon sa pagka-upo o di kaya pagkahinga. Magugulat ka na lang wala ng paninigas ng tiyan dahil practice labor contraction lang ito.

    Sa kabilang banda, totoong labor contraction ang nararamdam mo kung nangyayari ito ng regular, tulad ng mula 30 segundo hanggang 70 segundo at umiiksi pa. Pagkatapos, tumitindi ang sakit at lumalakas ang paghilab ng tiyan. Kumakalat na rin ang kirot mula sa lower back hanggang sa may tiyan na mismo, at wala ng epekto sa iyo ang pain reliever.

    Paalala pa ng mga eksperto kung full-term o nasa 38 weeks ka na ng pagbubuntis, sabihan kaagad ang iyong doktor sa sandaling makaramdam ka ng paglakas at pagdalas ng contractions. Maipapaliwanag ng doktor kung bakit tumitigas ang tiyan ng buntis sa puntong iyon. Mainam na maghanda na rin sa pagpunta sa ospital kung pumutok na ang iyong panubigan o di kaya merong pagdudugo sa iyong puwerta.

    Para sa iba pang senyales na manganganak ka na, basahin dito.

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles