Pagkabaog sa Lalaki: Mga Sanhi, Sintomas, at Dapat Malaman
Halos isang-katlo ng mga kaso ng kawalan ng anak ay hindi dahil sa kawalan ng kakayahan ng babae na magbuntis kundi mula sa mga isyung medikal ng mga lalaki.

Published on Aug 8, 2026
Isa sa pinapangarap ng maraming Pilipino ang pag-aasawa at pagkakaroon ng anak. Sa kulturang Pilipino, madalas na ituring na tandang ng kasaganaan at pagpapatuloy ng pamilya ang pagkakaroon ng mga apo para sa matatanda. Dahil dito, ang pakikipag-usap tungkol sa fertility o kakayahang magkaanak ay madalas iuuna ang babae at bihira ang bukas na dikusyon sa kalalakihan.
Ayon sa estadistika, halos isang-katlo (1/3) ng mga kaso ng kawalan ng anak ay hindi dahil sa kawalan ng kakayahan ng babae na magbuntis kundi mula sa mga isyung medikal ng mga lalaki. Sa datos din ng NCBI, humigit-kumulang sa 50% ng mga kaso ng infertility ay may kinalaman sa mga lalaki.
Maituturing na isang sensitibong paksa sa lipunang Pilipino ang usapin ng pagkabaog ng lalaki dahil sa konsepto ng machismo. Malaking bagay sa kalagayan at aspektong emosyonal at mental ng mga lalaki kapag nasasabihan silang baog. Ang pag-amin na may problema sa semilya ay tinitingnan bilang kabawasan sa kanilang dignidad. Ngunit, dapat basagin na ang ganitong stigma sa pagkakaroon ng tamang impormasyon hinggil dito at sa pagkuha ng tamang diagnosis mula sa doktor.
Ano ang Pagkabaog ng Lalaki?
Ayon sa Johns Hopkins Medicince, ang pagkabaog ng lalaki o male infertility ay isang kondisyon kung saan hindi magawang makapagbuntis ang lalaki kahit na regular ang pagtatalik nila ng kaniyang asawa at hindi gumamit din ng anumang contraceptives nang hindi bababa sa isang taon. Hindi ito simpleng problema kundi isang medikal na kondisyon na maaaring dulot ng iba’t ibang salik na biyolohikal, paraan ng pamumuhay, at mga salik sa kapaligiran. Hindi rin ito nangangahulugan na kapag baog ang lalaki ay wala na siyang pag-asang makabuntis, ngunit isa itong kaso na maaaring masuri at gamutin.
Mga Sintomas na Dapat Bantayan ng Lalaki
Kadalasan na ang pagkabaog ay walang malinaw na sintomas. Maaaring maging maayos ang pakikipagtalik at ang pangangatawan ng lalaki, ngunit may problema na pala. Ang mga sintomas na kaakibat nito ay maaaring indikasyon ng problema sa reproductive health. Batay sa Cleveland Clinic, narito ang ilang senyales na maaaring may kinalaman sa pagkabaog ng lalaki:
1. Problema sa sekswal na gawain
Kabilang dito ang hirap sa paglalabas ng semilya (ejaculation), mababang libido o pagnanais na makipagtalik, o hirap sa pagpapanatili ng ereksyon (erectile dysfunction). Sa kulturang Pilipino, madalas na idinadaan natin ito sa biro pero maaaring maging seryoso itong sintomas ng hormonal imbalance.
2. Sakit o pamamaga sa bayag
Isang pangunahing sintomas ang pagkakaroon ng bukol, pamamaga, o parang ugat-ugat (varicocele) sa loob ng bayag. Ang varicocele ay pinakakaraniwang sanhi ng mababang produksiyon ng semilya na maaari namang malunasan.
3. Pagbabago ng hitsura at hormones
Ang mga sintomas gaya ng paglaki ng dibdib ng lalaki (gynecomastia), pagkalagas ng buhok sa mukha o katawan, o iba pang senyales ng hormonal abnormality ay dapat na ikonsulta sa doktor.
4. Mababang bilang ng semilya
Indikasyon ng infertility ang result ng semen analysis na nagpapakita ng mas mababa sa 15 milyong semilya sa bawat milimetrong semilya.
.png)
Trying for a Baby? Make Sure Hubby Sleeps Earlier Than 10:30 P.M.
The responsibility to keep a healthy lifestyle when trying to get pregnant is on both partners.
READ MOREMga Pangunahing Salik ng Pagkabaog ng Lalaki
Isang komplikadong proseso ang pagkabaog o infertility ng lalaki at maraming dahilan kung bakit ito nangyayari. Batay sa World Health Organization, may mga salik na nakaaapekto sa pagkabaog ng lalaki gaya ng biyolohikal na aspekto at paraan ng pamumuhay.
Biyolohikal at Medikal na Sitwasyon
Mababang sperm count at abnormal na sperm na maaaring mahina ang galaw o hugis ng semilya.
Pamamaga ng mga ugat sa testicles na nakaaapekto sa produksiyon at kalidad ng semilya.
Pagkakaroon ng impeksiyon at STI gaya ng gonorrhea, chlamydia, o mumps na maaaring magdulot ng peklat o bara na humahadlang sa normal na daloy ng semilya.
Kakulangan o sobrang hormones sa katawan na maaaring makasagabal sa maayos na paggana ng reproductive system ng lalaki.
Genetic o Chromosome Disorder na maaaring magdulot ng abnormal na pag-unlad ng reproductive organ.
Paraan ng Pamumuhay at Kapaligiran
Ang pagkakaroon ng bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak ay nakababawas sa kalikdad at dami ng semilya.
Ang mga trabahong na nakabilad sa sobrang init gaya ng pagiging driver o pananatili sa maiinit na pabrika ay nagpapataas ng temperatura sa bayag o scrotum na nagpapahina sa semilya.
Ang pagharap sa stress o pagod na dulot ng hirap ng buhay at pressure sa trabaho ay nagpapataas ng cortisol, na humaharang sa testosterone.
Ang pagtanda at sobrang timbang o obesity ay nakaaapekto rin sa hormonal imbalance at sa kakayahang magkaanak ng lalaki.
May gamot ba ang pagkabaog ng lalaki?
Sa pagiging advanced ng medisina sa kasalukuyang panahon, maraming paraan para masolusyunan ang pagkabaog ng lalaki gaya ng hormone treatments, operasyon para sa varicocele o kaya Assisted Reproductive Technology (ART).
Ayon sa isang artikulo ng National Library of Medicine, humigit-kumulang na 18% ng kaso ay nagagamot tulad ng mga bara sa daanan ng semilya, kakulangan sa hormone, varicocele, at epekto ng toxins. Nasa 70% naman ay hindi na maiayos ngunit maaaring matulungan sa pamamagitan ng ART dahil sa mababang bilang, galaw, o abnormalidad ng semilya. Samantalang may 12% ang hindi na magagamot dahil sa lubhang pinsala sa testes o pagtanggal ng parehong bayag.
Ngunit ang pinakamahalagang hakbang sa pagkabaog ng lalaki ay ang pagtanggap na isa itong isyung pangkalusugan at hindi isang kapintasan sa pagkalalaki. Kaya nga dapat unawain at isaisip din na ang pagkabaog o infertility ay hindi dapat ikahiya at hindi dapat parusahan ang sarili sa pagsasabing “kulang ka” o “hindi ka tunay na lalaki.” Ito ay isang medikal na kondisyon na maaaring magamot kung may tamang pagsusuri at payo mula sa mga eksperto.
Ito ang mga puwedeng kainin ng mga lalaki na gustong magka-baby.

Si Dinalene Castanar-Babac ay isang working mom at passionate educator sa isang exclusive school for girls na humuhugot ng inspirasyon sa kaniyang dalawang anak na babae. Sa pagiging hands-on parent, katuwang ang kaniyang asawa, higit niyang nauunawaan na ang pagiging magulang ay hindi lamang tungkulin kundi isang biyayang puno ng pagkatuto, pagmamahal, at pag-unlad.