embed embed2
Buntis At May Hika? Mga Posibleng Epekto Ng Pregnancy Asthma At Dapat Gawin
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Tunay na maituturing ang pagbubuntis na isang nakakasabik na pangyayari sa buhay ng nagpaplanong maging magulang. Pero isang alalahanin para sa isang mom-to-be na may hika ang magiging epekto ng pregnancy asthma sa kaniyang magiging baby.

    Ayon sa United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC), nakakaapekto ang asthma sa 4 hanggang 12 porsiyento ng mga buntis. Karaniwan namang hindi nakababahala sa baby at sa kanilang pagdebelop sa sinapupunan ang paraan ng paggagamot nito.

    Minsan hindi mo rin matiyak kung inaatake ka na ng asthma dahil sa ang pagbubuntis ay nakapagdudulot din ng hirap sa paghinga. Ito ay bunga ng pagbabago sa hormones na nakaapekto sa ilong, sa sinuses, at sa baga.

    Siyempre mahalagang ipaalam sa iyong ob-gyn bago ang iyong pagbubuntis na mayroon kang asthma para magabayan kang mabuti at mabigyan ng sapat na payo. Ang bukas at maayos na pakikipag-ugnayan sa iyong doktor ay makatutulong para sa ligtas na pagbubuntis at maayos na pamamahala sa iyong asthma.

    Epekto ng asthma sa pagbubuntis

    Kung maayos na nakokontrol o nagagamot ang iyong asthma, wala naman itong magiging epekto sa iyong ipinagbubuntis. Pero kung hindi, maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon.

    Sa mga buntis, posibleng maging sanhi ang hika ng:

    • High blood pressure
    • Toxemia, premature delivery
    • Cesarean delivery
    • Pagkasawi

    Sa baby naman, maaaring magkaroon ng problema sa kalusugan dahil sa maagang pagsilang o mapataas ang tsansa ng pagkasawi sa kakulangan sa buwan.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Nakakaapekto ang asthma sa pagbubuntis sa ilang paraan, gaya ng pagbabago sa hormones na nangyayari kapag buntis na nakaapekto naman sa ating paghinga at sinuses.

    Ang pagtaas ng estrogen, halimbawa, ay nagdudulot ng baradong ilong o congestion na nagsasanhi ng pagsisipon lalo na sa third trimester ng pagbubuntis. Samantala, ang pagtaas naman ng progesterone ay nagdudulot ng hirap sa paghinga o pakiramdam na hinihingal.

    Pero paliwanag ng mga eskperto, hindi ka magdedebelop ng asthma sa pagbubuntis. (Basahin dito ang causes of asthma.) Nagagawa lang ng pagbubuntis na mas mapalala ang sintomas na nararanasan ng isang taong may asthma. Bukod pa rito, nararanasan din ang acid reflux kapag buntis na nakapagdudulot ng paglala ng asthma.

    Batay sa mga pag-aaral, ang karaniwang nagiging epekto sa pagbubuntis ng asthma ay:

    • Mas lumalala ang asthma ng mga buntis na may severe asthma samantalang halos wala namang pagbabago sa mga may mild asthma
    • Mas tumitindi rin ang pag-atake ng asthma pag nasa ika-24 hanggang ika-36 na linggo ng pagbubuntis at halos 10 porsiyento ng buntis ang may sintomas habang nagle-labor at nanganganak
    • Karaniwang pagkaraan ng 3 buwang pagkapanganak bumabalik din sa dati bago ang pagbubuntis ang mga nararanasang sintomas ng asthma
    • Kadalasan na pareho sa unang pagbubuntis ang pagbabagong mararanasan sa mga susunod pang pagbubuntis

    Paglala ng iyong asthma habang buntis

    Gaya ng naunang nabanggit, maaaring mas lumalala o walang maging pagbabago sa sintomas nito habang buntis ka. Ngunit, ayon din sa American Lung Association, may 45 porsiyento ng mga buntis na may hika ang nagkakaroon pag-atake ng asthma.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Mapapansin na nagiging matindi o lumalala ang iyong asthma at kailangan mong matingnan ka na ng doktor kapag nararanasan mo ang mga sumusunod:

    • Paggamit ng iyong inhaler o reliever nang mas madalas
    • Labis na pag-ubo o paghilik lalo na sa gabi
    • Pakiramdam na hirap sa paghinga o hinahabol ang hininga o naninikip ang dibdib

    Treatment at management ng pregnancy asthma

    Walang dapat na ikabahala sa pag-inom ng gamot sa asthma habang buntis, ayon sa mga eksperto, dahil may mga gamot na ligtas inumin at walang magiging epekto sa iyong baby.

    Kaya ipagpatuloy mo lamang ang pag-inom ng iniresetang gamot sa asthma pero ipaalam din ito sa iyong ob-gyn. Sakali man, matutulungan ka ng iyong doktor na mabalanse ang iyong medikasyon at mga pangangailan sa pagkontrol ng mga sintomas ng asthma.

    Nagkakaiba-iba rin ang sintomas ng hika (asthma symptoms). depende sa kung gaano ito kalala sa bawat araw, buwan, at panahon ng pag-atake. Tandaan na bukod sa paggagamot makatutulong kung maiiwasan ang mga bagay na nagpapa-trigger ng pag-atake ng iyong hika, o asthma triggers. Kung magagawang umiwas sa mga ito, mas makabubuti para sa iyo at sa iyong baby dahil mababawasan din ang pag-inom mo ng kinakailangang gamot.

    Ilan sa mga isasaalang-alang na pagagamot ng mga doktor ay:

    • Paglilimita sa pag-inom ng gamot sa first timester dahil dito pa lamang nagsisimulang magdebelop din ang iyong baby
    • Paggamit ng mga inhaler na gamot dahil mas direkta ang epekto at nakabubuti ito dahil sa kakaunting dami nakapapasok ito sa bloodstream
    • Pagrerekomenda ng mga gamot na matatagal na at subok nang panggamot sa asthma habang buntis
    • Pagpapabakuna para sa flu na para sa buntis
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ilan naman sa dapat iwasan para maiwasan din sa pag-atake ng asthma:

    • Paninigarilyo dahil hindi rin ito makabubuti sa iyong ipinagbubuntis
    • Mga bagay na nagdudulot ng allergic reaction sa iyo
    • Nakapagti-trigger ng hay fever o magdudulot ng allergic rhinitis

    Makatutulong din sa pagmamahala ng iyong asthma ang patuloy na page-ehersisyo basta aprubado ito ng iyong ob-gyn. Kumain din ng masustansiyang pagkain at uminom ng sapat na dami ng tubig na kinakailangan.

    Basta may maayos na pagkontrol sa mga sintomas at pamamahala sa iyong asthma, paalala ng mga eksperto, walang dapat na ipag-alala. I-monitor mo lamang din ang iyong nararanasang sintomas at maging tapat sa pagpapaalam nito sa iyong doktor. Karamihan sa mga buntis na may pregnancy asthma ay maayos na nakahihinga, nakapanganganak ng normal, at nagkakaroon ng malusog na baby.

    ---

    Mga pinagkunan ng impormasyon:

    Asthma and Pregnancy

    https://www.nhs.uk/pregnancy/related-conditions/existing-health-conditions/asthma/

    Controlling Asthma During Pregnancy

    https://www.lung.org/lung-health-diseases/lung-disease-lookup/asthma/managing-asthma/asthma-and-pregnancy

    Read also: Mga Dapat Gawin Ng Buntis

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles