-
Pangkaraniwan Ang Almoranas Sa Bagong Panganak: 6 Home Remedies Na Puwedeng Subukan
by Anna G. Miranda .
- Shares
- Comments

Ayon sa mga eskperto, lahat ng tao ay ipinanganak nang mayroong hemorrhoidal tissue. Binubuo ito ng blood vessels na nakalinya sa anus. Tumutulong ang mga ito upang maramdaman ng tao kung anong nasa rectum. Ang rectum ay nasa ibabang bahagi ng colon (large intestine).
Hemorrhoidal tissue rin ang dahilan kaya natutukoy natin kung ang nararamdamang pressure sa tiyan pababa ay gas lamang o diarrhea, o normal na pagdumi. Hemorrhoids din ang tumutulong sa anus upang manatili itong nakasara kapag hindi dumurumi ang isang tao.
Nagkakaproblema lamang pagdating sa hemorrhoids kapag lumalaki at namamaga ito. Ang tissues kasi na nakasuporta sa vessels ay maaaring nag-e-expand at stretch, at nagdudulot ng pagnipis ng walls at pagdurugo. Nagkakaroon ng almoranas kapag nagpatuloy ang pag-stretch at ang pressure na ito.
Karaniwang dahilan ng pamamaga nito ang strain na nararanasan sa bowel movements. Tinatawag tuloy na "varicose veins" ng anus at rectum ang almoranas. Hindi ito mapanganib ngunit maaari pa ring magdulot ng ilang komplikasyon.
Almoranas sa bagong panganak
Karaniwan ang hemorrhoids (piles) o almoranas sa bagong panganak. Bukod sa bowel movements, isa ring sanhi ng pagkaipit ng mga ugat ang matagal na pag-ire kagaya ng dinaranas ng nanganganak.
Paliwanag ng National Institute of Diabetes and Digestive and Kidney Diseases, ang mga ugat na ito ay maaaring mamaga sa loob o labas ng puwit. Kapag nasa labas ng puwit, nababalot ito ng sensitibong balat at makikita sa paligid ng anus. Nakapagdudulot din ito ng pananakit, pangangati, at pagdurugo. Hindi tuloy maiwasang may mga babaeng nagsasabing mas masakit pa ang almoranas nila kaysa sa kanilang panganganak.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWSa Amerika, tinatayang nasa 1 sa 20 katao ang nagkakaroon nito. Bukod sa mga bagong panganak, naaapektuhan din nito ang kahit sino, anoman ang edad, kasarian, lahi, at etnisidad. Karamihan sa nagkakaroon nito ay nasa edad 50 pataas. Kusa rin naman nawawala ang almoranas. Depende sa laki at lokasyon nito, maaaring mawala ito sa loob ng ilang araw hanggang ilang linggo.
Mga uri at sintomas ng almoranas
Ang external o panlabas na almoranas ay nabubuo sa ilalim ng balat sa paligid ng anus. Ang internal hemorrhoids naman ay sa lining ng anus at sa lower rectum natatagpuan. Maaaring makaranas ng sumusunod ang mga mayroon nito:
- Matinding pangangati sa erya ng puwit
- Pamamaga at pagsusugat
- Mahirap at masakit na pagdumi
- Pagdurugo mula sa nasugatang ugat
Kapag panlabas na almoranas, nakararanas ng pangangati ang mayroon nito. Kapag internal naman, maaaring magdugo ito at makikita sa pagdumi. Maaaring maging napakasakit ng internal hemorrhoid kung ito ay prolapsed, o lumabas sa anal opening at hindi na maibabalik sa loob.
Almoranas mula sa masakit na blood clot ang thrombosed hemorrhoid. Sa labas ng puwit ito nakikita at may kasamang pamamaga ng ugat. Karaniwang may nararamdaman ding bukol sa paligid nito. Pinakamasakit ang unang 48 na oras, lalo kung malaki ang blood clot (thrombosis). Posibleng magkaroon ng nana kung masusugatan ito at magkakaroon ng impeksyon. Hindi man mapanganib ito, maaaring maging napakasakit ng ganitong almoranas.
Paano nada-diagnose ang almoranas?
Sinasabing posibleng hereditary ang almoranas. Medical history at physical exam ang mga unang kailangang ihanda at isagawa kapag nagpakonsulta sa doktor. Tatanungin din ng doktor ang posibleng naging sanhi ng almoranas. Kabilang dito ang sumusunod:
CONTINUE READING BELOWwatch now- Toilet habits (kapag matagal na nakaupo at sa banyo nagbabasa ng diyaryo, halimbawa)
- Tibi o constipation (kapag hirap sa pagdumi)
- Diet (kung low-fiber ba ito)
- Obesity
- Labis na pagbubuhat ng mabibigat
- Pagtanda o aging
- Panganganak
- Overuse ng laxatives o enemas
Mahalagang komunsulta sa doktor, lalo na sa colon and rectal surgeon, upang kanya ring masuri ang erya sa paligid ng iyong anus at magkakaroon din ng digital rectal exam.
Bukod sa DRE, kasama rin ang anoscopy at sigmoidoscopy sa mga paraan upang matukoy kung almoranas nga ang sanhi ng pananakit sa erya ng iyong puwit. Sa mga prosesong ito, ipinapasok ng doktor ang gloved, lubricated niyang daliri sa rectum upang matukoy kung may namamagang mga ugat.
Gamit ang anoscope (lighted tube), makikita ang lining ng anus at rectum. Samantala, ang sigmoidoscope ay lighted tube rin ngunit mayroong kamera. Makikita rito ang nasa loob ng sigmoid o ibabang bahagi ng colon at rectum. Flexible sigmoidoscopy at rigid sigmoidoscopy (proctoscopy) ang maaaring isagawa ng doktor.
Maaaring hindi maging komportable ang pasyente sa mga tests na ito ngunit hindi naman ito masakit. Isinasagaw ito sa outpatient centers o sa klinika mismo ng doktor nang walang anesthesia. Mabilis din ito at makauuwi sa araw din ng test ang pasyente.
Maaari ding magrekomenda pa ng colonoscopy upang kumpirmahin ang resulta ng ibang pagsusuri o i-tsek kung may senyales ng colon cancer. Mangangailangan ng anesthesia sa ganitong medical test.
Mahalaga ring ma-rule out ang iba pang sanhi ng mga sintomas kagaya ng mga sintomas ng almoranas. Kasama sa medical conditions na may hemorrhoid-like symptoms ang anal fissures, fistulae, bowel disorders tulad ng ulcerative colitis, blood coagulation disorders, perianal (sa palibot ng anus), sakit sa balat, impeksyon, at tumors.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWNoong 2018, dahil na rin sa pagdami ng may colon cancer sa mga taong edad 50 pababa, inirekomenda ng American Society of Colon and Rectal Surgery na magsagawa ng screening para sa mga edad 45 pataas.
Paano ginagamot ang almoranas?
Nakatutulong ang topical medications at supplements upang maibsan ang mga sintomas ng hemorrhoids. Kung ikaw ay buntis o nagpapasuso, mainam na kausapin mo muna ang iyong doktor bago gumamit ng bagong over-the-counter treatments.
Kasama sa mga inirerekomenda para sa almoranas ang sumusunod:
1. Fiber supplements kagaya ng psyllium (Metamucil) o methylcellulose (Citrucel) Nasa 25-35 grams ng fiber ang inirerekomenda kada araw.
2. Hemorrhoid creams at suppositories
Ang suppositories ay mga gamot na ipinapasok sa rectum at maiibsan nito ang mild pain, swelling, at pangangati ng almoranas. Tiyak na maiibsan ang sakit sa loob at labas ng erya ng puwit sa tulong ng mga ito.
3. Medicated wipes
May mga sangkap din ang medicated wipes tulad ng witch hazel, hydrocortisone, o lidocaine na mabisa para sa pamamaga, pananakit, at pangangati.
4. Stool softeners
Malaking tulong naman ang stool softeners upang hindi na gaanong mahirap ang pagdumi.
Maaari ding magreseta ang iyong doktor ng over-the-counter pain relievers tulad ng acetaminophen, ibuprofen, naproxen, o aspirin.
Kapag nonsurgical treatment, maaaring guminhawa ang pakiramdam mula sa almoranas sa loob ng 2 hanggang 7 araw. Apat hanggang anim na linggo naman ang lumilipas bago lumiit ang bukol dulot ng almoranas.
May mga pagkakataong mangangailangan ng medical procedure upang tuluyang matanggal ang almoranas. Mayroong minimally invasive in-office procedures na isinasagawa sa ibang kaso ng almoranas, lalo na para sa mga nagdudulot ng matinding sakit at nakaaapekto na sa pang-araw-araw na gawain ng pasyente.
Halimbawa nito ang mga may chronic hemorrhoids na tumatagal nang ilang buwan o higit pa.
May tinatawag na prolapsed internal hemorrhoids na kusang nawawala kahit hindi gamitan ng at-home treatment. Mangangailangan naman ng medical treatment ang severely prolapsed o nagdurugong internal na mga almoranas.
Ilan sa surgical methods ang sumusunod:
1. Rubber Band Ligation
Mabisa ito sa internal hemorrhoids. Maliit na rubber band ang inilalagay sa almoranas at mapipigilan nito ang blood supply. Ilang araw ang lilipas at saka mahuhulog ang almoranas at ang rubber band. Isa hanggang dalawang linggo naman bago maghilom ang sugat.
Maaaring makaramdam ng mild discomfort at pagdurugo. Maaari ding kailanganin itong ulit-ulitin, depende sa laki ng almoranas. Sakaling sasailalim sa banding, tandaang dapat munang iwasan ang aspirin at non-steroidals sa loob ng sampung araw.
2. Injection (Sclerotherapy) at Coagulation
Para rin ito sa mga almoranas sa loob. Sa tulong ng chemical solution, napaliliit nito ang mga namamagang ugat. Maaari itong magdulot ng pamamaga at scarring.
3. Hemorrhoids stapled and sutured (Stapled hemorrhoidopexy)
Mas masakit ito kaysa sa rubber band litigation. Napaliliit din nito ang internal tissue.
4. Hemorrhoidectomy
Ito ang pinakamasakit na procedure. Tinatanggal na rin kasi dito ang extra tissue na sanhi ng pagdurog at paglabas ng ugat. Kailangan dito ng anesthesia at karaniwang naka-confine ang pasyente sa ospital upang makapagpahinga.
Tandaang may risk na mapinsala ang sphincter, o ang muscle na may kontrol sa bowel movements. Isinasagawa ang operasyong ito kapag talagang kailangan lamang.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWPara sa ilan, mas mainam pa ring subukan ang natural remedies lalo para sa almoranas sa bagong panganak.
Home remedies sa almoranas
Tunay nga namang hindi madali kapag may baby kang aalagaan. Mas magiging mahirap kung may almoranas sa bagong panganak pang kasabay nito. Narito ang ilang paraan upang maremedyuhan ang almoranas:
1. Baguhin ang toilet habits. Kasama rito ang pag-iwas sa matagal na pag-upo sa kubeta.
2. Dagdagan ang fiber sa iyong diet. Mapalalambot ng mga pagkaing mataas sa fiber ang iyong dumi. Kasama rito ang mga gulay, prutas, at whole grains. Dahil dito, maiiwasan ang matagal na pag-ire na nakapagdudulot ng pressure.
3. Uminom ng maraming tubig at iba pang liquids kagaya ng mga juice at sabaw.
4. Panatilihing malinis ang katawan, partikular na ang bahagi ng puwitan.
5. Subukan ang warm bath/soak o sitz bath. Maaaring ibabad ang puwit sa loob ng sampung minuto sa palangganang may maligamgam na tubig.
6. Gumamit ng ice packs nang mabawasan ang pamamagang dulot ng almoranas. Maiibsan ng mga gamot ang pananakit, pamamaga, at pangangati. Komunsulta lamang sa doktor kung ano ang pinakamabisa.
Kailan dapat komunsulta sa doktor?
Kung mayroong almoranas ang bagong panganak, maaaring sundin ang nabanggit na home remedies. Kung hindi pa rin naiibsan ang mga sintomas sa loob ng isang linggo, agad nang magpa-check up sa doktor. Pansinin din kung nagiging tuyo ang balat sa paligid ng puwit o kung nagkakaroon ng rash.
Dahil kasama ang pagdurugo sa sintomas ng almoranas, mahalagang tandaang sintomas din ito ng kanser sa colon at rectum. Kapag may family history ng kanser, o ang edad ay mahigit 50, makatutulong ang screening upang matukoy kung may colorectal cancer ang pasyente.
Kung sumailalim naman sa hemorrhoidectomy at hindi ka makaihi pagkatapos nito, agad ding komunsulta sa iyong doktor.
Paano maiiwasan ang almoranas?
Bukod sa mga nabanggit sa itaas, makatutulong din ang regular na pag-e-ehersisyo at ang pag-iwas sa matagal na oras nang nakaupo lamang. Ang pagiging aktibo at patuloy na paggalaw ay makababawas sa pressure sa mga ugat. Maiiwasan din ang labis na pagbigat ng timbang kapag nag-e-ehersisyo.

- Shares
- Comments