
Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Karamihan sa mga nanay ang magsasabing talagang magical ‘yong sandaling una nilang nakita at nakasama ang kanilang baby matapos nilang manganak. Hindi rin biro ang pagod sa loob ng ilang buwang pagdadalantao. At masusundan pa ito ng labor, ngunit tandaang hindi natatapos ang pagsubok matapos maisilang ang baby.
Natural ang postpartum blues para sa mga babae, at mas lalong mabigat din kapag dumanas pa ng binat. Naranasan mo na ba ang binat sa panganganak?
Ang binat sa panganganak ay karaniwang nararanasan ng babaeng nagre-recover pa lang. Malaki ang epekto nito, lalo na sa mga unang araw ng pagiging nanay kaya alamin sa artikulong ito ang mahahalagang detalye tungkol sa ganitong kondisyon.
Ano ba ang binat?
Naranasan mo na bang magpagaling mula sa sakit tapos noong maginhawa na ang iyong pakiramdam, bigla kang nilagnat ulit? Ito ang tinatawag na disease relapse o pagbalik ng sakit habang nagpapagaling ka pa.
Sa Pilipinas, naiuugnay rin ang binat sa iba pang mga hindi kanais-nais na pakiramdam na nararanasan ng nagpapagaling sa anomang sakit.
Bukod sa pagkakaroon ng lagnat, halimbawa, maaaring makaranas ng labis na pagod ang isang nanay na katulad mo pagkaraan ng ilang linggo matapos manganak. Madalas, naiuugnay na rin ito sa tinatawag nilang postpartum depression.
Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga sintomas, sanhi, mga dapat gawin, at kung kailan dapat komunsulta sa doktor.
Paliwanag ni Ros Padua, isang childbirth doula ng Pinay Doula Collective, maaaring pagkahilo, lagnat, labis na pagod, o matinding pagdurugo ang maranasan ng babaeng kapapanganak pa lang. Ilan pa sa mga sintomas ng binat ang sumusunod:
- Lagnat
- Pagkahilo
- Panginginig at nilalamig
- Pananakit ng ulo
- Pananakit ng katawan
- Matinding pagod o fatigue
- Panghihina ng katawan
- Pagkawala ng interes sa mga bagay sa paligid
- Pakiramdam ng kawalan ng pag-asa
- Lungkot o depression at anxiety
Bukod sa mga pagbabago sa pisikal na pangangatawan, maaaring makaramdam din ng pabalik-balik o kaya hindi nawawala at matinding lungkot, anxiety, kawalan ng pag-asa, pagiging iritable, at pag-iisip ng masasamang mga bagay. Kailangang magpa-check up sa doktor kung may nararanasang alinman sa mga nabanggit.
Mga Sanhi
Karaniwang sanhi ng binat sa panganganak ang labis na pagod, lalo kung caesarean ang paraan ng panganganak mo. Sa ganitong paraan kasi hinihiwa ang abdomen at uterus ng nanay upang maisilang ang kaniyang baby. Nakasalalay rin ang uri ng hiwa o incision sa estado ng kalusugan ng nanay at ng fetus. Maaaring vertical o horizontal ang hiwa.
Para sa ibang mga nagkakaroon ng pabalik-balik na lagnat, maaaring bakterya, virus, o fungus ang sanhi nito. Kapag may impeksyon, malaki talaga ang posibilidad na magkakaroon ng lagnat.
Ilan pa sa mga sanhi ng binat sa panganganak ang sumusunod:
- Puyat
- Stress
- Maling pagkain
- Kulang sa tubig o dehydration
- Mahinang immune system
- Exposure sa free radicals
Mapapansin mong habang nagpapagaling ka pa, may masamang epekto ang polusyon sa iyong katawan. Mahihirapan ka pa ring mag-recover nang ganap kung exposed ka sa polusyon at iba pang free radicals.
RELATED: Does 'Pausok' or 'Suob' Help A New Mom's Recovery After Childbirth?
Mga pamahiin mula sa nakatatanda
Nariyan din ang mga paniniwalang nagmula pa sa ating mga ninuno--na ang binat sa panganganak daw ay dulot ng hindi pagsunod sa mga tradisyonal na postpartum rituals sa ating kultura. Ilang beses na ring narinig mula sa mga mas nakatatanda ang mga bawal at dapat gawin ng mga babaeng kapapanganak pa lang.
Tandaan lamang na kailangang komunsulta sa doktor upang malaman ang wastong mga impormasyon tungkol sa iyong kalusugan.
Paano ginagamot ang binat sa panganganak?
Epektibo ang sumusunod na mga paraan upang maibsan ang pananakit ng katawan matapos manganak:
- Paracetamol upang maibsan ang pananakit ng ulo at katawan
- Talk therapy tulad ng cognitive-behavioral therapy
- Anti-depressants o anti-anxiety medications,kung nakararanas ng anxiety at depression
- Sapat na pahinga at tulog para mabawi ang lakas at maayos ang immune system
- Pagbabago sa diet- iwasan muna ang mamantika at matatabang pagkain
Pagdating sa diet, malaking tulong ang mga sopas, saging, at soft diet kung may binat sa panganganak. Uminom din ng maraming tubig at umiwas muna sa colored drinks tulad ng soda at mga juice.
Napakahalaga talaga ng lifestyle modification para guminhawa ang pakiramdam. Iwasan ang pag-inom ng alak at paggamit ng droga. Siguraduhing malalayo ka sa stress at may mga gawaing ikinasisiya mo, kahit sandali lang araw-araw. Sikapin ding nakakapagpunas-punas ng katawan para bumaba ang lagnat.
RELATED: 8 Postpartum Health Problems Na Kadalasang Nararanasan Ng New Mom At Kailan Dapat Mabahala
Mayroon ding ilan na sumasangguni pa rin sa mga manghihilot at umiinom ng halamang-gamot. Para sa iba, epektibo rin ito.
Malaking tulong din kung ipaaalam sa iyong pamilya ang pinagdaraanan mo. Sa ganitong panahon din pinakamahalaga ang self-care at ang pagkakaroon ng matibay na support system.
Tandaan ang sumusunod na mga dapat gawin kung may binat:
- Magpahinga
- Uminom ng maraming tubig
- Kumain ng masustansyang pagkain
- Humingi ng tulong kapag kailangan mo ito
- Iwasan ang stress
Nakapapagod din kapag nariyan na ang baby, lalo na’t sa iyo siya nakadepende para sa lahat ng kailangan niya. Kaya mahalagang may mga tao sa paligid mo na tutulong sa iyo sa pag-aalaga sa iyong anak at sa mga gawaing-bahay.
Kailan dapat komunsulta sa doktor?
Sakaling hindi pa rin maiibsan ang mga sintomas ng binat sa panganganak, agad nang komunsulta sa doktor.
Tandaang masaya at makabuluhan ang panahong bagong silang ang iyong baby- kaya sikaping maging matatag, malusog, at malakas para sa iyong pamilya.
Tandaan ding kailangang humingi ng tulong at magpa-check up sa doktor para magabayan at mabigyan ng wastong mga gamot at treatment.