-
7 Posibleng Complications Dulot Ng Cesarean Section Dahil Isa Itong Major Operation
- Shares
- Comments

Itinuturing ang panganganak as pamamagitan ng Cesarean section (CS) na isang major operation. Hindi ito gaya ng normal na panganganak na kailangang umiri ang buntis para mailabas ang baby mula sa puwerta.
Ang CS ay pagkakaroon ng sugat sa abdominal wall at uterus kaysa sa vagina. Maaaring gawin ang procedure na ito nang planado o naka-schedule o maaaring isagawa rin ng emergency kung kinakailangan. May pagkakataon na nagkakaroon ng complications of Cesarean section.
Karaniwan na ini-schedule ito, na tinatawag ding elective Cesarean, kung may komplikasyon nang nakita mula sa pagbubuntis, gaya ng:
- Pagkakaroon ng myoma ng buntis
- Hindi tama ang posisyon ng baby
- Lampas na sa inaasahang petsa ng panganganak
- Iba pang sitwasyon na maaaring mapanganib sa buntis at sa kaniyang baby kung normal ang panganganak
(Basahin dito kung bigla kang nag-labor bago ang araw ng scheduled Cesarean.)
Samantala, ginagawa ang emergency Cesarean delivery kapag habang nagle-labor (basahin dito) o kaya nanganganak ay may mga biglaang komplikasyon, gaya ng:
- Mahabang pagle-labor na nakapagpapa-stress na rin sa baby
- Hirap makalabas ang baby
- Pagkakaroon ng pre-eclampsia ng buntis
Ang C-section ay isang ligtas na procedure, ayon sa United Kingdom National Health Service (NHS). Pero gaya ng ibang surgery, may mga posibleng komplikasyon din itong dala. Pero nakadepende ito sa kalagayang pangkalusugan ng mommy at baby.
Ilang pangunahing komplikasyon mula sa CS
1. Impeksyon
Karaniwan na ang pagkakaroon ng impeksyon sa sugat na magdudulot ng:
- Pamumula
- Pamamaga
- Matinding kirot
- Pagkakaroon ng nana sa sugat
Kaya mahalagang mapanatili ang sugat na malinis at tuyo. Pero dahil nagbibigay din ng antibiotics sa mga nanganganak via C-section, nababawasan ang tsansa ng pagkakaroon ng impeksyon.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWKaraniwan din ang pagkakaroon ng impeksyon sa lining ng matres na nagdudulot ng:
- Lagnat
- Pananakit ng tiyan
- Abnormal na vaginal discharge
- Matinding pagdurugo
2. Pagdurugo
Makararanas ng matinding pagdurugo pero hindi naman ito pangkaraniwang complications of Cesarean section. Nangangailangan ang ganitong sitwasyon ng pagsasalin ng dugo o maaaring karagdagang surgery para mapahinto ang pagdurugo.
3. Pamumuo ng dugo
Pagkakaroon ng deep vein thrombosis (DVT) na nagkakaroon ng pamumuo ng dugo sa binti na magdudulot ng matinding kirot at pamamaga. Maaari rin itong maging mapanganib kapag kumalat sa mga baga (lungs). Subalit napakabihira naman mangyari ang ganitong komplikasyon.
4. Pagdikit ng tissue
Magdudulot ng peklat sa loob ng pelvic region na maaaring magdulot ng pagbara at kirot. Posible rin maging sanhi ng komplikasyon sa susunod na pagbubuntis, gaya ng placenta previa o di kaya placental abruption.
5. Pinsala sa organ
Posible rin ang pagkakaroon ng problema sa pantog (bladder) o ang tubong nagdurugtong sa kidney at bladder. Nangangailangan ng surgery ito, pero napakabira ring mangyari ang ganitong komplikasyon.
6. Reaksiyon sa gamot
Maaaring magkaroon ng negatibong reaksiyon ang katawan, gaya ng rashes dahil sa anesthesia na ibinigay habang nanganganak o di kaya sa pain reliver na ibinibigay pagkaraan ng panganganak via C-section.
7. Tagal ng pananatili sa hospital at pagpapagaling
Kadalasan na umaabot ng 3 hanggang 5 araw ang pananatili sa hospital pagkapanganak, bago dumating ang COVID-19 pandemic. Ito ay para lubos din na ma-monitor na walang anumang komplikasyon.
Gayundin, mas mahaba ang pagpapagaling mula sa C-section na panganganak. Umaabot ito ng ilang linggo, buwan o higit pa para lubusang gumaling ang sugat at makabalik sa normal na gawain. (Basahin dito ang postnatal care para sa CS.)
CONTINUE READING BELOWwatch nowPero bukod sa mommy, maaaring magkaroon din ng komplikasyon ang baby na ipinanganak via C-section. Halimbawa, pangkaraniwan na ang pagkakaroon ng sugat sa balat na maaaring mangyari dahil sa paghiwa sa tiyan ng mommy. Pero minor lang naman ito at maghihilom din na walang magiging problema.
Isa pang halimbawa ang hirap sa paghinga na pangkaraniwan na lalo sa mga baby na ipinapanganak bago ang 39 weeks. Nagbabago naman ito at nagiging maayos pagkaraan ng ilang araw. Nangangailangan lamang ng tutok na pagmo-monitor sa hospital.
Idagdag pa ang mababang Appearance, Pulse, Grimace, Activity, and Respiration (APGAR) score na posibleng dahil sa anesthesia; fetal distress bago ang paglabas sa sinapupunan; o di kaya kakulangan sa stimulation habang ipinapanganak.
Mga kondisyon sa panganganak pagkatapos ng CS
“Posible pa ba ang panganganak ng normal sa mga susunod na pagbubuntis?” Isa sa iniisip din ng mga nanay na kung nakaranas na ng C-section. Karamihan din sa mga ganito ay nagawa nilang manganak ng normal o vaginal delivery sa mga sumunod nilang baby. Ito ang tinatawag na vaginal birth after C-section (VBAC).
Ngunit kailangan ding isaalang-alang ang agwat ng mga pagbubuntis para makapanganak nang normal, gayundin kung walang magiging komplikasyon sa pagbubuntis. (Basahin dito ang iba pang mga kundisyon.)
Mga dapat bantayan pagkapanganak ng CS
Hindi gaya sa normal delivery, mas mahaba ang panahon ng pagpapagaling ng C-section. Hindi rin maaaring madaliin ang lahat, lalo na ang pagkilos. Hinay-hinay lamang din sa paggalaw dahil posibleng bumuka ang tahi o makaranas ng matinding pagdurugo.
Narito ang ilan pang posibleng maranasan na kinakailangan ng agarang atensyong medikal:
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW- Mataas na lagnat
- Matinding sakit ng ulo
- Hirap sa paghinga
- Pagkakaroon ng discharge sa sugat
- Hindi pangkaraniwang kirot sa sugat
- Pagkakaroon ng kakaibang vaginal discharge
- Matinding pagdurugo
- Hirap sa pag-ihi o may dugo sa ihi
- Pagkakaroon ng rashes
- Pagmamanas ng binti
- Pagbuka ng sugat
Sa kabilang banda, dapat ding bantayan ang iba pang sintomas na mararanasan pagkapanganak. Sabi nga na kahit magaling na ang sugat sa labas, posibleng sa loob ay hindi pa rin kaya nangangailangan din ng pag-iingat.
Gayundin, may pagkakataon pala na hindi natutunaw ang sinulid na ginamit sa surgery. Ito ay kahit na ang tipo ng klase ng sinulid na ginagamit ngayon ay iyong natutunaw nang kusa at hindi na kailangang tanggalin pa ang tahi. Posible raw talaga kasing hindi ito tanggapin ng katawan o i-reject ito. Maaaring bumuka rin ang sugat dahil dito. Kaya ipaalam agad sa iyong ob-gyn ang anumang mararanasan.
Sa personal na karanasan ng writer na ito: Dalawang taon na ang nakalipas na manganak ako via C-section. Nitong mga nakaraan buwan, nakaranas ako ng pagdurugo na hindi rin dapat dahil CS-hysterectomy ako. (Ibig sabihin, isinabay sa CS ang hysterectomy na paraan para tanggalin ang uterus dahil sa medical condition.)
Pagkaraan nito, naging hirap ako sa pag-ihi na akala ko ay may urinary tract infection (UTI) lang ako. Bukod dito, nakaranas din ako na may masakit sa loob ng puwerta at may hindi kaaya-ayang vaginal discharge. Kaya agad akong nagpatingin sa aking ob-gyn.
Nagsagawa siya ng internal examination (IE), at dito niya nakapa na may mga sinulid sa loob na hindi raw natunaw. Dapat din daw sana ay pumaloob sa aking muscle pero ni-reject ito ng aking katawan. Dahil hindi ito posibleng hilahin pa, kailangang magsagawa ng electrocautery para maalis ito.
Kung hindi gagawin, maaaring patuloy kong maranasan ang mga sintomas at patuloy ang pagdurugo. Pero paliwanag ng ob-gyn ko ay bihira ang ganitong mga kondisyon naman.
Bagaman may kaakibat na complications of Cesarean section, walang dapat na ipag-alala. Mahusay naman itong pinaplano ng buong team na nag-aasikaso sa iyong panganganak. Ipaliliwanag ding mabuti sa iyo ng iyong doktor ang proseso at mga dapat mong asahan.
Bahagi ng mga karaniwang nararanasan din ng mga sumasailalim sa surgery o major operation ang mga nabanggit na komplikasyon kaya may lunas o nasosolusyunan naman ang mga kondisyong ito. Higit na makabubuti pa rin ang C-section lalo na kung maililigtas nito sa anumang panganib ang mommy at kaniyang baby.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Risks-Caesarean section
https://www.nhs.uk/conditions/caesarean-section/risks/
C-Section Complications
https://americanpregnancy.org/healthy-pregnancy/labor-and-birth/c-section-complications/
Why C-Section Moms Are Brave: The Serious Risks They Face During Delivery
---
Basahin dito tungkol sa mga posibleng kumplikasyon dulot ng induced labor.
What other parents are reading

- Shares
- Comments