embed embed2
Inaasam Ang Normal Delivery Kahit May Almoranas? 3 Mga Bagay Na Dapat Gawin
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Mahalaga na kumonsulta sa iyong doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo. Palaging humingi ng payo ng isang doktor at nutritionist pagdating sa diet o exercise kung buntis, kapapanganak lang, o breastfeeding.

    Napakahirap ang pagkakaroon ng almoranas (hemorrhoids) dahil masakit ito at nakadudulot ng discomfort din sa ating pagkilos. Kahit sino ay maaaring magkaroon nito, pero normal din talaga ito sa mga buntis, na kadalasan ay nagbabalak ng normal delivery kahit may almoranas.

    Nangyayari ang almoranas kapag pinilit o hirap ang pagdumi, matagal na pag-upo sa inidoro, pababalik-balik na diarrhea, at iba pa. Ito ang ugat at laman na lumalabas sa puwet.

    Ayon sa Johns Hopkins Medicine, ang almoranas ay nararanasan kapag namaga at nagkaroon ng iritasyon ang ugat o blood vessel sa labas o paligid ng anus at lower rectum.

    Nangyayari ito dahil sa matinding pressure sa ugat, gaya sa labis na pag-ire. Maaaring nasa loob ng anus o labas ng anus ang almoranas. Ang mga ugat sa loob ng puwet ay maaaring lumabas, maipit, at dumugo.

    Almoranas sa pagbubuntis

    Kasama na sa pagbubuntis ang pagkakaroon ng almoranas. Bahagi na ito habang sila ay nagbubuntis at, ang iba pa nga, pagkatapos manganak. Karaniwang nararanasan ito ng mga buntis sa first trimester at second trimester ng kanilang pagbubuntis. (Basahin dito ang iba pang sintomas ng pagbubuntis.)

    Ito ay dahil sa lumalaking baby sa kanilang sinapunan na nagdadala ng dagdag na pressure sa blood vessel sa bahagi ng pelvic. Higit lalo kapag nanganganak, ang pag-ire o pagtulak sa baby na lumabas sa puwerta ay nakadaragdag din ng pressure sa blood vessels sa  bahagi ng anus.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Dagdag pa ang problema ng mga buntis sa pagdumi. Dahil sa pagbabago ng hormones, karaniwan nang nagiging problema ng mga buntis ang constipation o hirap sa pagdumi kaya isa ito sa nagpapa-trigger din ng almoranas.

    Mga sintomas na may almoranas

    Kapag may almoranas, bukod sa mahirap o masakit sa pagdumi, mapapansin mo rin ang mga sumusunod:

    • Pagdurugo ng anus o may dugo sa iyong dumi
    • Masakit kapag dumudumi
    • Pangangati sa bahagi ng anus
    • Pamamaga sa bahagi ng anus
    • Pagkapa ng bukol sa may anus na masakit kapag hinahawakan

    Panganganak na may almoranas

    Maraming buntis ang pinag-aalala kung makapanganganak pa rin sila ng natural o normal delivery kahit may almoras. Paliwanag ng mga eksperto na wala namang epekto sa baby ang pagkakaroon nito at posible rin ang normal vaginal delivery ng iyong baby.

    Pagbabahagi rin ng mga mommies sa Parent Chat online community ng Smart Parenting na marami sa kanila ang nakaranas na magbuntis na may almoranas. Inalala rin nila kung posible ang natural delivery ng kanilang baby.

    Gayupaman, may iba-ibang payo ang kanilang mga ob-gyn para mawala at maibsan ang sakit na dulot ng almoranas sa kanila. Pero sabi ng isang mommy, “If it's not bothering you and if it's not bleeding, then don't worry about it.  Just eat a lot of fiber and avoid too much straining in the toilet.”

    Sa personal na karanasan ng writer na ito, nagkaroon din ng almoranas pero hindi ako hirap sa pagdumi. Paliwanag ng ob-gyn ko na talagang normal daw sa buntis ang pagkakaroon nito at nawawala rin naman daw ito pagkaraan. Kaya naman nawala rin ang pag-aalala ko.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Subalit maaaring lumala ang kondisyon ng almoranas sa normal delivery dahil sa dagdag na pressure habang umiire sa paglabas ng baby sa sinapupunan. Pero kung hindi agad nawala, dapat na ipaalam sa iyong ob-gyn o kung nakababahala ito sa iyo. Kadalasan may inireresetang gamot din ang mga doktor para makatulong na lumiit ito.

    Sa maraming kaso pa rin naman, pagkaraan na makapanganak ay kusang nawawala ang almoranas. May paliwanag si Dr. Maria Lalaine Cartago-Garcia, isang ob-gyn, sa kaniyang artikulo sa Smart Parenting. Aniya, nawawala ang almoranas pagkapanganak dahil sa pagbaba rin ng lebel ng progesterone sa dugo.

    Bagaman iminumungkahi rin ni Dr. Cartago-Garcia ang tamang paggamot at pangangalaga nito kung kinakailangan. May pagkakataon din kasi na hindi ito naaalis na. At kung nakasasagabal sa iyong pagkilos, kailangang magpakonsulta agad sa doktor. Kadalasan na nagsasagawa ng surgery kapag talagang hindi na ito nawala pa.

    Tips para maibsan ang almoranas

    Sabi ng John Hopkins Medicine, hindi posible, lalo na sa mga buntis, na maiwasan ang pagkakaroon ng almoranas. Makakatulong naman ang ilan sa mga sumusunod para mabawasan ang tsansa na maranasan ito o maibsan ang anumang sakit na mararamdamang dulot nito:

    1. Pagbabago sa iyong lifestyle.

    Una na rito ang pagkain ng masustansiyang pagkain. Idagdag pa ang pag-inom ng maraming tubig at pagkain ng mga pagkaing sagana sa fiber gaya ng broccoli, oats, avocado, at iba pa. (Basahin dito ang mga dapat kainin ng buntis.)

    Makatutulong din ang mga simpleng pag-eehersisyo basta aprubado ito ng inyong ob-gyn. (Basahin dito ang exercise para sa buntis.)

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Iwasan din ang mga pagkain na magdudulot ng constipation sa iyo. Isa pa ang pagsubok sa sitz bath ng mula 10 hanggang 20 minuto kada araw. (Basahin dito ang mga dapat gawin ng buntis.)

    2. Bawasan ang iyong pag-upo nang matagal sa inidoro.

    Ang hindi pagtagal na pag-upo sa inidoro at pag-ire ay malaking bagay para makaiwas sa almoranas. Kausapin agad ang iyong ob-gyn kung nahihirapan ka na sa pagdumi. May inireresetang gamot din ang mga doktor na makatutulong sa iyong pagdumi kung kinakailangan.

    3. Manatili sa tamang timbang nang sa gayon hindi lalong makadagdag sa pressure sa iyong mga blood vessel sa pelvic area. Makakatulong ito sa inaasam ng normal delivery kahit may almoranas. (Basahin dito ang ideal weight para sa buntis.)

    ---

    Mga pinagkunan ng impormasyon:

    How to Prevent Hemorrhoids During Pregnancy (Yup, It Happens!)

    https://www.smartparenting.com.ph/pregnancy/health-nutrition/hemorrhoids-during-pregnancy-a00061-20190903

    The 9 Ps you Need to Know about Hemorrhoids during Pregnancy

    https://www.smartparenting.com.ph/pregnancy/health-nutrition/the-9-ps-you-need-to-know-about-hemorrhoids-during-pregnancy

    Hemorrhoids

    https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/hemorrhoids

    ---

    Read also: Almoranas Sa Buntis: Arinola Ang Hack Ni Mommy

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles