embed embed2
Perinatal Asphyxia Ang Pangunahing Dahilan Ng Newborn Mortality: Ano Ito At Mga Sintomas
PHOTO BY Shutterstock
  • Sa sinapupunan pa lang ng ina, maraming bagay na ang inaalala ng mom-to-be sa kaniyang ipinagbubuntis kahit hanggang sa ipanganak niya ito. Lahat din naman ay walang hangad kundi ang magsilang ng isang healthy baby.

    Pero may mga pagkakataong hindi maiiwasan na magkaroon ng problema sa mga isinisilang na sanggol. Isa na rito ang perinatal asphyxia.

    Ano ang perinatal asphyxia?

    Ayon sa Johns Hopkins Medicine, tinatawag din itong birth asphyxia. Ito ay resulta ng kawalan ng sapat na oxygen ng baby na nagiging dahilan para mahirapan itong huminga. Maaaring mangyari ito habang ipinagbubuntis ang sanggol o pagkapanganak.

    Dahil sa kakulangan ng oxygen, nagreresulta ito ng mga kemikal na pagbabago sa katawan ng sanggol kasama na ang hypoxemia, mababang lebel ng oxygen sa dugo, at acidosis na pagkakaroon ng sobrang acid na nabubuo sa dugo. Ang epekto nito ay mapanganib para sa buhay ng sanggol at kailangan ng agarang atensyong medikal.

    Ayon sa World Health Organization (WHO), isa ang perinatal asphyxia sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng bagong silang na sanggol, or newborn mortality. Sa tala ng mga datos, tinatayang nasa 900,000 ang kaso ng namamatay kada taon.

    Mga sanhi ng perinatal asphyxia

    Maraming salik ang pinagmumulan ng perinatal asphyxia na posibleng konektado sa kaniyang ina o sa mismong sanggol. Maaaring ito ay mula sa:

    • Impeksyon habang nagle-labor
    • Mahabang pagle-labor
    • Pagkakaroon ng mababa o mataas na blood pressure ng buntis
    • Kakulangan ng oxygen sa dugo ng buntis

    Read also: What Is Prolonged Labor?

    Bukod sa mga nabanggit, narito ang ilan pa sa mga sanhi nito:

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    1. Kapag ipinanganak na kulang sa buwan ang baby o bago ang ika-37 linggo na ang kanilang baga, hindi pa lubos na nadebelop kaya mahihirapan din silang makahinga nang maayos. (Basahin dito ang tungkol sa preterm labor.)

    2. Kapag humiwalay ang umbilical cord sa cervix bago ang baby o ang pagkakaroon ng komplikasyon na umbilical cord prolapse.

    3. Kapag nakakain ang baby ng pinaghalong amniotic fluid at kanilang unang dumi (o tinatawag na meconium). Tinatawag ang kondisyong ito na meconium aspiration syndrome.

    4. Kapag nag-rupture ang uterine at kapag humiwalay ang placenta sa uterus.

    Ang iba pang salik din na kaugnay ng perinatal asphyxia ay ang:

    • Pagkakaroon ng kambal o higit pa na ipinagbubuntis
    • Mababang timbang ng sanggol
    • Hindi normal na posisyon ng sanggol nang ipanganak
    • Preeclampsia
    • Kawalan ng prenatal check-up

    Mga sintomas ng perinatal asphyxia

    Ang mga sintomas o senyales na may ganitong kondisyon ang baby ay maaaring lumabas bago o pagkaraang ipanganak. Posibleng ang baby ay may hindi normal na fetal rate o mababang pH level sa dugo na indikasyon ng labis na acid.

    Ayon sa Johns Hopkins Medicine, ang mga karaniwang sintomas ng kondisyong ito pagkapanganak ay  pagkakaroon ng baby ng mga sumusunod:

    • Kakaibang kulay ng balat
    • Mababang heart rate
    • Mahinang muscle
    • Hinihingal o mahina ang paghinga
    • Meconium stained amniotic fluid

    Ang mababang Appearance, Pulse, Grimace, Activity, Respiration (APGAR) score na nasa 0 hanggang 3 sa loob ng 5 minuto ay isa ring indikasyon nito. Ang APGAR ang rating system na ginagamit ng mga nasa propesyong medikal para matukoy ang kalusugan ng newborn.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Dagdag pa rito, ang pagkakakaroon ng mataas na acid level, pagkakaroon ng seizure, problema sa isa o higit pang organ kabilang na ang circulatory, respiratory, at digestive system ay mga palatandaan din na posibleng ma-diagnose ng perinatal asphyxia ang baby. 

    Paano ginagamot ang perinatal asphyxia?

    Mahirap maiwasan ang pernital asphyxia dahil maaaring biglaang mangyari ang kondisyong ito at walang anumang sintomas. Gayunman ang tamang pangangalaga at pagbabantay sa sanggol ay makatutulong para maisalba ang buhay nito.

    Ayon sa About Kids Health, nangangailangan ng iba-ibang pamamaraan para maging maayos ang suplay ng oxygen sa katawan ng baby. Ilan sa mga ginagawa ay ang:

    • Pagkakabit ng mechanical ventilation
    • Pagmo-monitor ng sirkulasyon ng dugo
    • Pagbibigay ng dagdag na fluid at dugo, o gamot na susuporta sa puso at blood pressure
    • Pagpapanatiling balanse ng mga bagay

    Samantala, sa mga nanay naman ay ang pagbibigay ng dagdag na oxygen bago ang panganganak. Kailangan din ang pagbibigay ng nararapat na medikasyon o gamot at ang panganganak nang emergency o Cesarean section.

    Epekto ng perinatal asphyxia sa baby

    Kung maaalagaan at may maayos na monitoring ng kalagayan ng baby bago at pagkaaran siyang ipanganak, mababawasan ang tsansa ng newborn mortality. Nakasaad sa isang pag-aaral na nasa US National Center of Biotechnology Information na nasa 30% o higit pa ang antas ng namamatay na sanggol pagkaraan ng ilang araw ng pagkapanganak.

    Sa kabilang banda, maaaring magdulot ng matagalang komplikasyon ang perinatal asphyxia. Puwede rin itong maging sanhi ng banayad hanggang matinding mga nuerological disorders sa bata gaya ng seizures, cerebral palsy, o developmental delays.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Gayunman, ang pinakamainam na gawin ng mga buntis upang maiwasan ang ganitong sitwasyon ay ang tamang pangangalaga sa kanilang sariling kalusugan at sa kanilang sanggol na nasa sinapupunan. Laging isaisip na pinakamahalagang bagay ang regular na prenatal check-up sa ob-gyn para sa maayos na pamamahala ng iyong pagbubuntis.

    ---

    Mga pinagkunan ng mga impormasyon:

    Perinatal asphyxia

    https://www.who.int/teams/maternal-newborn-child-adolescent-health-and-ageing/newborn-health/perinatal-asphyxia

    Perinatal Asphyxia

    https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/perinatal-asphyxia

    Asphyxia in premature babies

    https://www.aboutkidshealth.ca/article?contentid=1772&language=english

    --

    Read also: Postnatal Care

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles