embed embed2
8 Postpartum Health Problems Na Kadalasang Nararanasan Ng New Mom At Kailan Dapat Mabahala
PHOTO BY freepik
  • Hindi natatapos sa pagkapanganak ang journey ng mga bagong mommy. Bukod sa pag-aalaga sa kanilang newborn, kailangan din nilang alagaan ang kanilang sarili.

    Dahil sa pagbabago sa katawan matapos ang panganganak, may ilang bagay ring mararanasan ang mga bagong mommy sa unti-unting panunumbalik ng kanilang katawan bago ang pagbubuntis. Kabilang dito ang postpartum health problems.

    Ang postpartum ay nagtatagal nang 6 hangang 8 linggo, ayon sa Standford Medicine. Ito ay nagsisimula pagkaraan mong isilang ang iyong baby at nagtatapos kapag ang iyong katawan ay bumalik na sa dati.

    Maraming bagay ang saklaw ng panahon ng postpartum, gaya ng emosyon at pisikal na aspekto. Dumadaan ang mga bagong mommy sa kung paano nito mauunawaan at mapamamahalaan din ang lahat ng antas ng pagbabago sa kaniyang pangangatawan at pamumuhay.

    Kaya mahalaga ang postnatal checkup para matingnan ka ng iyong ob-gyn. Bukod sa pisikal na pagsusuri, mabibigyan ka rin ng payo sa kung ano ang mga dapat mong gawin pagkatapos manganak at mga dapat mong bantayan sa iyong kalusugan.

    Postpartum health problems

    Narito ang ilan sa mga posibleng harapin na problema ng bagong nanay:

    Postpartum hemorrhage

    Pagkaraan mong manganak, makararanas ka ng pagdurugo o tinatawag na lochia. Nagtataglay ito ng dugo, mucus, uterine tissue at iba pang mula sa iyong uterus. Sa simula malakas ang pagdurugo na mararanasan pero mawawalan rin pagkaraan ng ilang linggo. Kadalasan na umaabot ito ng anim na linggo.

    Hindi ka pa makararanas ng menstruation pagkaraan mong manganak at kadalasan mas tatagal pa kung ekslusibo kang nagpaasuso sa iyong baby (basahin dito).

    Pero kung napansin mong matagal ang iyong pagdurugo, walang pagbabago at mas lumalakas pa ito, saka nakararamdam ka ng pananakit ng iyong puson, mahalagang ipaalam sa iyong ob-gyn. Maaaring nakararanas ka ng excessive bleeding na hindi makabubuti sa iyo.

    Postpartum preeclampsia

    Isa itong kondisyon ng pagtaas ng blood pressure ng bagong panganak. Senyales din ang postpartum preeclampsia na maaaring ilan sa kaniyang organs, gaya ng kidney at liver ay hindi normal na nagpa-function.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang ilan sa mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:

    • Pagbabago sa iyong paningin
    • Pagkahilo
    • Matinding sakit ng ulo
    • May pananakit sa itaas na kanang bahagi ng iyong tiyan o balikat
    • Nahihirapan kang huminga
    • Pagmamanas sa binti, kamay, at paa

    Sa personal na dinanas ng writer na ito, nagkaroon ako ng postpartum preeclampsia pagkaraan ng ilang araw lang ng panganganak. Nakaranas ako ng matinding pagkahilo at pananakit ng batok. Bigla rin ang pagtaas ng aking blood pressure na hindi ko naranasan habang nagbubuntis kaya kinailangan kong i-monitor ito.

    Postpartum depression

    Sa panahon ng pagbubuntis, nararanasan din ang depression at anxiety bunsod ng mga pagbabago sa hormones. Nakararamdam ang isang buntis ng pagkalungkot, pagkapagod, pag-aalala, at pagbabago sa kaniyang mood at damdamin. Tinatawag itong baby blues syndrome.

    Kapag tumagal ang ganitong kondisyon at napabayaan, posible itong lumala at magpatuloy sa postpartum depression (PPD). Mas tumitindi rin ang ganitong kalagayan dahil sa pagod din na mararanasan sa pag-aalaga sa baby at pagbabagong magaganap sa lifestyle at iba pa.

    CONTINUE READING BELOW
    watch now

    Hindi dapat ipagsawalang-bahala ang ganitong kalagayan o kung may nararamdamang kaugnay nito dahil hindi ito makabubuti sa pangkalusugang mental. Agad na kumonsulta sa espesyalista. (Basahin dito ang postpartum depression treatment.)

    Mahalagang sabihin o ipaalam din sa iyong asawa at kapamilya ang iyong nararamdaman. Nakatutulong ang pagiging bukas sa iyong nararamdaman.

    Postpartum thyroiditis

    Maaaring maranasan ang pamamaga ng thyroid gland pagkaraang manganak. Ilan sa mga sintomas nito ang:

    • Pagkakaroon ng anxiety
    • Hirap sa pagtulog o insomnia
    • Pagkapagod
    • Pagbaba ng timbang
    • Pagiging iritable

    Posible rin namang makaranas ng:

    • Pagtaas ng timbang
    • Hirap sa pagdumi
    • Pagkakaroon ng dry skin

    Postpartum hair loss

    Karaniwang nararanasan ng mga bagong panganak ang pagkalagas ng buhok na bunsod ng pagbabago rin sa hormones. Normal ang ganitong kondisyon sa loob ng ilang buwan pagkapanganak dahil sa pagbaba rin ng hormones.

    Pero may hangganan naman ang postpartum hair loss. Ang iba ay napapansin na nila ang pagkapal ng kanilang buhok pagdating ng unang kaarawan ng kanilang baby at ang iba naman, mas maaga pa rito. Maaaring subukan din ang pagpapagupit o pagkakaroon ng bagong hair style.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Mas makabubuti ang pagpapaikli ng buhok para mas madali rin ang pangangalaga nito. Ipinapayo rin ang paggamit ng hindi matatapang na shampoo at labis na paggamit ng conditioner. Kung sa tingin mo naman ay labis ang iyong paglalagas at nakababahala sa iyo ito, agad na kumonsulta sa espeyalista.

    Bukod sa buhok, ang pagbabago sa hormone level ay makapagdudulot na magkaroon ka ng mga cavities at  gum disease kaya mahalaga rin ang pagkonsulta sa iyong dentista pagkapanganak.

    Breast engorgement

    Kahit na piliin mo ang magpasuso o hindi, ang pagkakaroon ng breast pain or engorgement ay karaniwang nararanasan sa panahon ng postpartum period. Kapag lumabas ang iyong gatas, mapapansin mo ang paninigas ng iyong dede dahil dito makararanas ka ng matinding kirot.

    Kahit na magpapasuso ka, posible pa ring makaranasan nito ng mga ilang araw pagkaraang manganak dahil sa pagprodyus ng breastmilk. Makatutulong ang paglalapat ng hot compress para maibsan ang kirot at maayos ding makalabas ang iyong breastmilk. Kapag napabayaan ito, maaaring mauwi sa mastitis o impeksyon at iba pang breastfeeding problems.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Infection

    Dahil sa pagkakaroon ng sugat mula sa panganganak, kailangan mong panatiling malinis ito para maiwasan sa anumang bakterya na makapagdudulot ng impeksyon. Ngunit hindi imposible na makaranas ang mga bagong panganak ng urinary tract infection (UTI) at vaginal infection.

    Kung nahihirapan ka sa pag-ihi, may discharge, o may matinding kirot na nararanasan sa sugat, mahalagang magpatingin agad sa iyong ob-gyn upang hindi lumala ang kondisyon at malapatan agad ng lunas.

    Sa personal kong karanasan, pagkaraan kong manganak, nagkaroon ng UTI. Dahil sa Cesarean delivery, nahihirapan akong sa pagkilos kaya naapektuhan ang aking tamang paghuhugas pagkaraan ng pagdumi na maaaring makapasok ang bakterya sa daluyan ng ihi.

    Batay sa website ng March of Dimes, maaaring maranasan din ang sepsis dahil sa matinding impeksyon. Mapanganib ang ganitong kondisyon. Ilan sa mga sintomas nito ay ang:

    • Pakiramdam na nilalamig o giniginaw
    • Pagpapawis
    • Mabilis na paghinga at tibok ng puso
    • Pagkakaroon ng lagnat
    • May matinding kirot na nararamdaman
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Constipation

    Bukod sa mahihirapan sa pagdumi dahil sa iyong tahi o sugat, maaaring makaranas din ng constipation bunsod ng pagbabago sa katawan. Maaaring magkaroon din ng hemorrhoids. Makatutulong ang pagkonsumo ng pagkaing mayaman sa fiber.

    Huwag din ipangwalang-bahala ang anumang nararamdaman. Bukod sa pag-aalaga sa iyong baby, mahalagang alagaan mo rin iyong sarili. Magkaroon ng sapat na tulog, pahinga at tamang pagkain para mapanumbalik ang lakas at resistensya ng katawan para makaiwas na magkasakit.

    Tandaan na malaking bagay ang pagbabalik sa iyong ob-gyn para sa iyong postpartum checkup. Labis na mahalaga ito dahil sa maraming pagbabago muling mararanasan naman ang iyong katawan pagkapanganak. Karaniwan naman sa postpartum health problems ay nagagamot at gumagaling kung agad na maagapan at maayos na mapapamahalaan.

    ---

    Mga pinagkunan ng impormasyon:

    7 Common Postpartum Conditions New Mothers Should Know About

    https://www.dignityhealth.org/articles/7-common-postpartum-conditions-new-mothers-should-know-about

    Warning Signs of Health Problems After Birth

    https://www.marchofdimes.org/find-support/topics/postpartum/warning-signs-health-problems-after-birth

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Life Changing Ang Panganganak: Ibig Sabihin Dapat Masaya, Di Ba?

    https://www.smartparenting.com.ph/pregnancy/health-nutrition/life-changing-ang-panganganak-ibig-sabihin-dapat-masaya-di-ba-a2125-20211010

    The New Mother: Taking Care of Yourself After Birth

    https://www.stanfordchildrens.org/en/topic/default?id=the-new-mother-taking-care-of-yourself-after-birth-90-P02693

    ---

    Basahin dito kung bakit kailangan at paano gumawa ng postpartum care plan.

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles
Close